Chapter 12: Not Weak

2.8K 149 6
                                        

CHAPTER 12: Not Weak

MABIBIGAT ang aking mga hakbang papasok sa dither, ngunit sa halip na huminto ay bumibilis lamang ang aking mga hakbang habang patuloy na pumapasok sa loob. Pakiramdam ko'y ako ang pinapanuod ng lahat na nakatanaw sa palasyo, maging ang atensyon ni Leemar ay nakatuon sa akin. Malakas ang aking pakiramdam na ganoon nga ang nangyayari sa mga nanunuod, at mas lalo ako niyong pinapahina dahil sa takot na maging kahihiyan sa kanilang paningin, gayunpaman ay pinapalakas rin upang mas lalong magpatuloy.

Kaya naman nang maihakbang ko na ang aking paa sa dither ay tumakbo na ako upang maghanap ng lagusan papunta sa mid. Nakarinig ako ng mga sigawan, iyon na siguro ang tinig ng mga kapatid ko habang nakikipaglaban sa mga mababangis na nilalang na naroroon. Kaya naman nang makarinig ako ng iba't-ibang nakakatakot na tunog ng mga hayop ay mas lalong bumilis ang aking pagtakbo.

Kahit na nakasuot ng mahaba at puting damit, pati na rin ng sandalyas na may mababang takong ay mabilis akong tumatakbo habang patuloy na naghahanap ng lagusan. Dalawang daanan ang tumambad sa aking harapan, napahinto ako. Pakiramdam ko'y napangisi si Leemar nang mapansin ang pagkalito ko.

Gayunpaman ay hindi ako natinag. Pumikit ako at pinakiramdaman ang paligid, wala akong nakikitang anumang larawan, tanging ang aking pakiramdam lamang ang nagiging basehan ko upang pumili. Ang kailangan ko ngayon ay tiwala sa sarili, kaya kahit wala akong masyadong tiwala ay tila iyon umusbong dahil sa kagustuhang makaligtas sa hamon.

Walang sinabi sa amin kung may mananalo o wala, ang sinabi lamang ay makarating kami sa mid sa pinakamabilis naming paraan.

Pinili ko ang kanang bahagi ng maze, tumakbo lamang ako habang sumasayad sa damo ang aking tila natutulog na pakpak. Napasigaw ako at mabilis na napailag nang may lumipad espada patungo sa aking direksyon. Pakiramdam ko'y napasinghap ang lahat ng nanunuod maliban kay Leemar na pumapalakpak pa sa tuwa dahil sa kaniyang nakikita.

Sa halip na matakot ay kinuha ko ang espadang iyon at tinakbo ang pinanggalingan ng lugar, may nakalagay na Philip sa espada kaya nasisiguro kong kay Philip iyon. Ibabalik ko iyon kay Philip, nasisiguro kong inatake siya ng kakaibang nilalang sa gitna ng kaniyang daan.

Naramdaman ko na ang mabilis na tibok ng aking puso. Mas lalong lumakas ang tinig ni Philip habang sumisigaw, kaya naman nasisiguro kong malapit na ako sa kaniya. Liliko na sana ako sa isa pang direksyon nang dakmain ako ng isang mabangis na leon.

Napasigaw ako sa gulat, at halos mapaiyak sa sakit nang bumagsak ako sa lupa. Wala akong gising na pakpak upang lumipad, upang sanggain ang pagdakma sa akin ng leon, upang iwasan ang atake ng leon. Kaya naman malayang naingudngod ang aking likuran sa lupa, bumuka ang bibig ng leon upang kagatin ako ngunit naisangga ko ang espada ni Philip sa bumukang bibig ng leon at pinatamaan ko ito sa mukha. Nang bahagyang lumayo ang leon ay nagpagulong-gulong ako palayo, papasok sa makapal na damo ng maze.

Talaga namang makati ang damo kaya naman hindi ako nakatiis, mabilis akong lumabas doon at tahimik na iniwasan ang leon. Ngunit nakakamanghang malakas ang pakiramdam ng leon, dahil pagkalabas ko'y lumingon ito sa akin. Kaya naman nanlalaki ang mga mata kong tumakbo palayo, halos magkadapa-dapa pa ako sa pag-iwas dahil mabilis akong hinabol ng leon.

Humahangos akong lumiko liko sa kung saan-saan. Hindi ko ito inaasahan, hindi ganito ang aking inaasahan. Ang akala ko'y mabilis naming mapapatumba ang mga mababangis na hayop na aming madaanan ngunit hindi pala ganoon kadali iyon.

"Philip!" Napasigaw ako nang makita si Philip na lumilipad habang patuloy na inaabot ng isang malaking tigre.

Tila ako pinanghinaan ng loob bang mapagtantong nakulong kami sa isang lugar na may dalawang hayop. Gulat na napalingon sa akin si Philip, nawalan siya ng balanse at muntik na maabot ng tigre mabuti na lamang at mabilis siyang nakabawi at muling lumipad. Sinisikap niyang huwag makalampas sa bushes ng maze na nasa paligid, kailangan naming laruin ng malinis ang maze na ito dahil wala sa aming bukabularyo ang mandaya. Hindi iyon pwede sa mga maharlika.

Her Wings (PSS, #2) ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon