Chapter 29: Taming Him
Hindi kaagad ako nakagalaw at nakapagsalita. Kaya naman, humakbang na siya palapit sa akin na mas lalo kong ikinagulat. Kumakalabog nang malakas ang puso ko; naghahabol na rin ako ng hininga. Nanginginig ang aking mga daliri at pakiramdam ko ay muli akong namumula.
Ang puso ko! Grabe. Ano ang ginagawa ng mokong na ito sa akin? Anong pakiramdam ito? Bakit ganito ang bitbit ng presensya ni Ezekiel sa akin? Tila ba ninanakaw niya ang lahat ng hangin sa paligid ko.
"Tara na," anito at muling inabot ang kaniyang kamay.
Nagpaubaya na lamang ako at hinayaan siyang sakupin ang aking mga palad. Ikinulong niya ang aking kamay sa kaniyang mas malaki at mainit na palad, at sabay naming tinahak ang daan patungo sa lungsod. Ang bawat hakbang namin ay tila may kasamang kuryenteng dumadaloy mula sa kaniya patungo sa akin.
"Bakit ka natahimik?" untag niya, ang boses ay may bahid ng panunukso.
Sino ang hindi? Paanong hindi? Inaatake mo ako, George Ezekiel. Huwag ka namang mangbibigla; hindi ako handa sa ganitong klase ng atensyon.
"W-wala. Bawal ba?" pabalang kong tanong, pilit na inaalis ang hiya na aking nararamdaman. Gusto kong ipakita na hindi ako apektado, pero alam kong bigo ako.
Ngunit umurong ang lakas ng loob ko nang marahan niyang pisilin ang aking palad. "Hindi lang ako sanay."
"Wow, parang matagal na tayong magkasama, ah?"
Lumingon siya sa akin at tinaasan ako ng kilay, ang mga mata niya ay kumikinang sa ilalim ng sikat ng araw. "Bakit? Masasanay ka lang ba kapag matagal na kayong magkasama?"
Napaiwas ako ng tingin dahil sa diretsahang atake ng kaniyang mga salita. Hindi ko alam kung paano siya sasagutin nang hindi lalong nagmumukhang kamatis.
"Edi magsama tayo nang matagal. Problema ba 'yun?" agad niyang bawi at mas binilisan ang hakbang patungo sa bukana ng lungsod.
Pinakiramdaman ko ang aking puso. Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang nagkakagulo ang aking lamang-loob; pakiramdam ko ay nagsusuntukan ang aking mga intestine at atay. Hindi ako gutom, ngunit may kung anong "paru-paro" na lumilipad sa aking tiyan na pinapahina ang aking mga tuhod. Sumasabay pa ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Hindi ko na talaga alam kung ano ang nangyayari sa akin.
Hindi na ako nagreklamo kung saan man niya ako gustong dalhin. Marahan akong sumusunod at nagpapatianod sa agos ng kaniyang mga hakbang. Hindi ko na rin tinangkang bawiin ang aking kamay. Maganda rin kasi sa pakiramdam ang init ng kaniyang palad; tila ba ito ang nagpapakalma sa namumuong kaba sa aking dibdib.
"Ito ang Niol. Mabibili mo ang lahat ng kailangan mo rito. Sa mga gusaling iyan, nariyan ang iba't ibang gamit. Puwedeng damit, pagkain, at iba pa..." saad niya habang itinuturo ang mga naglalakihang estruktura sa loob ng lungsod.
Hindi maalis sa akin ang paghanga. Lahat ng naroroon ay bago sa aking paningin—ang makukulay na karatula, ang ingay ng mga mamimili, at ang amoy ng iba't ibang pagkain sa paligid. Bigla ay nalungkot ako dahil naisip kong baka ito na ang una at huli kong punta rito. Baka hindi na ako muling makalabas sa tore ng palasyo. Kaya naman, susulitin ko na ang pagkakataon. Ang pakiramdam na ito ay ngayon lamang; baka hindi ko na muling maranasan ang ganitong kalayaan.
"Tara doon," saad niya at hinila ako patungo sa isang tingi-tinging tindahan sa gilid ng kalsada. Mayroon doong mga ipit sa buhok, headband, at kung ano-ano pang palamuti.
Napapayuko ako kapag may napapalingon sa amin. Natatakot akong makilala ng iba at magkaroon ng gulo, kahit na alam kong ang belong ito at ang "pag-aari" ni Ezekiel ang nagsisilbing proteksyon ko. Kinakailangan ko pa ring mag-ingat dahil hindi ako sigurado sa maaaring mangyari kung malaman nilang ang kasama ng isang simpleng Doveo ay ang prinsesa.
Binitiwan ni Ezekiel ang kamay ko at pinulot ang isang puting ipit na may disenyong maliit na pakpak. Ngunit bago pa niya ito maipakita sa akin, nahinto siya nang isang maliit na bata ang tumabi sa kaniya, pilit na inaabot ang isang ipit na may disenyong paru-paro. Pinagmasdan ni Ezekiel ang bata, at ganoon din ang ginawa ko. Napansin ko ang kaniyang kamay na marahang kinakapa ang kaniyang bulsa.
Bigla ay tila lumakas ang aking pakiramdam. Sinubukan kong tantiyahin ang perang dala ni Ezekiel, at nanlambot ang aking puso nang mapagtantong hindi iyon ganoon karami. Marahil ay sapat lang iyon para sa kaniyang sariling pangangailangan. Ngunit tuluyang natunaw ang aking puso nang bilhin niya ang sipit na paru-paro at marahang isinuot ito sa buhok ng batang babae, na hindi naman mahinto sa pagpapasalamat.
"Palagi mo iyang isuot, ha? Huwag na huwag mo 'yang iiwan sa kung saan," paalala ni Ezekiel sa bata habang hinahaplos ang pisngi nito nang may katapatan.
Tuluyang umusbong ang paghanga ko sa kaniya. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ganoon na lamang siya katanyag at karespetado sa mga distrito. Napakabuti niyang nilalang. Maging sa akin, wala siyang ibang ginawa kundi ang tulungan ako, gamutin ako, at iligtas mula sa aking mga bangungot. Sapat na ang kabutihang ito upang tuluyan akong magtiwala sa kaniya.
Ngunit nananatili pa ring palaisipan kung bakit niya ako tinutulungan. Sino ang pinangakuan niya upang alagaan ako nang ganito?
"Salamat, kuyang pogi..." malambot na saad ng bata.
Ngumiti lamang si Ezekiel. "Tama 'yan. Ako nga si Kuya Pogi."
Napairap ako pero hindi ko napigilang mapangiti. This man deserves every good thing in this world.
"Alis na po ako, kuyang pogi! Salamat po!" kumaway ang bata at patakbong umalis habang nagtatatalon sa tuwa.
Nagtaka ako nang kunin ni Ezekiel ang puting ipit na may pakpak, ang unang bagay na pinulot niya kanina at lumingon sa akin. Namilog ang aking mga mata, lalo na nang tumingin din sa akin ang tindera.
"Bagay iyan sa mapapangasawa mo, ginoo," komento ng matanda habang nakangiti sa amin.
Gusto kong matuwa, ngunit naisip kong baka mauubusan na ng pera si Ezekiel. Agad akong umatras, dahilan upang kumunot ang kaniyang noo.
"Bakit ka lumalayo?"
"A-ano..." halos maubusan ako ng dahilan. Ayokong ipalamukha sa kaniya na alam kong limitado ang kaniyang pera. "M-marami ako sa bahay na ganyan, Ezekiel. Huwag na."
Ngumiti lamang siya at bahagyang hinablot ang braso ko upang ilapit ako muli sa kaniya. "Iba ito. Huwag kang mag-alala, marami akong pera."
Gusto kong lumuha nang sabihin niya iyon, dahil alam kong nagsisinungaling siya para lang mapasaya ako. Namuo ang luha sa aking mga mata habang maingat niyang inilalagay ang puting ipit sa aking buhok. Nakagat ko ang aking labi at tinitigan siya habang marahan niyang inaayos ang aking mga hibla ng buhok.
Tumalon ang puso ko nang masilayan ang kaniyang ngiti mula sa malapitan. Umaliwalas ang pakiramdam ko. Paano niya nagagawang ngumiti nang ganoon kaganda?
"Bagay nga, hijo..." saad ng tindera. "Tingnan lang natin kung hiwalayan ka pa ng mapapangasawa mo."
Napahalakhak si Ezekiel, ang kaniyang tawa ay tila musika sa aking pandinig. "Sana nga po huwag na, 'di ba?"
"Hindi na 'yan; ang lakas ng bigkis ninyo."
Napayuko ako at pasimpleng pinawi ang luha sa aking mata habang inaabot ni Ezekiel ang natitira niyang pera upang magbayad. Nakaramdam ako ng kaunting pagsisisi, bakit ba kasi wala akong dalang kahit isang pirasong ginto? Prinsesa ako, pero sa pagkakataong ito, ako ang umaasa sa kaniya.
"Malakas po ba?" nakangiting ani Ezekiel at muling hinablot ang aking mga kamay, itinatali ang kaniyang mga daliri sa akin. "Malakas?"
Napapitlag ako. Muling naghuramentado ang puso ko. Pakiramdam ko ay luluwa na talaga ito sa aking dibdib sa sobrang bilis ng tibok.
Humalakhak ang tindera. "Sobrang lakas."
BINABASA MO ANG
Her Wings (PSS, #2) ✔️
FantasySince her independence had been taken away from her, Emerald believed she would never be able to touch the outside earth of their palace. Not until one day, when a handsome stranger appeared at her window, blowing and mucking up her head and heart.
