Chapter 19: Mr. Stranger
NAGTATAKA akong napalingon sa aking tabi. Kunot-noo kong binaybay ang bagay na aking nahahawakan, naramdaman ko pang bahagya itong tumigas. Napasinghap ako at nanlaki ang mga mata nang mapansing hindi ito dapat na hinahawakan na lamang. At upang makasigurado ay dahan-dahan kong tiningnan ang tila posteng nakatayo sa aking tabi.
Ganoon na lamang ako kabilis na napaatras nang tuluyan kong masilayan ang mukha ng isang namumula ngunit nandidilim na lalaki. Gayon na lamang ako lumayo, tila biglang nakalimutan ang sakit na aking nararamdaman. Ngunit sa halip na sumigaw ay sumama ang aking mukha nang muling kumirot ang aking balikat.
Mabilis na kumilos iyong lalaki at inagaw ng marahan ang aking balikat ngunit mabilis kong tinampal ang kaniyang kamay at sinamaan ng tingin. Ngunit masama rin ang kaniyang tingin sa akin, napansin kong tumutulo ang butil ng tubig sa kaniyang buhok. Mukha iyong pawis dahil hindi naman basa ng tubig ang aking buhok, nasisiguro kong pinagpawisan siya at patuloy na pinagpapawisan ngayon.
Nang dumako sa kaniyang paghinga ang aking paningin ay mas lalo akong nataranta dahil hindi rin maayos ang kaniyang paghinga. Tila naghahabol sa bilis na pagtibok ng kaniyang puso dahil sa ginawa kong hindi tama at mas lalong hindi kaaya-aya.
"Ibigay mo iyan sa akin," madiin niyang utos na ang tinutukoy ay ang balikat ko.
"At bakit ko naman iyon gagawin?" Pagmamatigas ko at muling kinagat ang aking mga ngipin nang muli itong kumirot.
"Ang mukha mo na ang nagsabi ng dahilan, akin na." Muli niyang saad at lumuhod sa aking kama upang tuluyan akong maabot.
Muli na lamang akong napasinghap nang mapagtantong wala na akong ibang magagawa kundi ang pabayaan siya sa gusto niyang gawin. Pinanuod ko siyang hilutin ang aking balikat, pagkatapos ng ilang sandali ay pinuluputan niya iyon ng puting bendahe. Naroon pa rin ang sakit, ngunit nakakamanghang nabawasan ang kirot dahil sa kaniyang ginawa.
Iyon siguro ang sakit na naramdaman ko kanina kaya ako biglang nagising. Ang panaginip na iyon, parang totoo ang lahat. Nagmumukha lamang iyong panaginip, ngunit kapag nangyayari na'y parang totoo, at parang nandoon talaga ako. At nakapagtatakang siya ang nakikita ko kapag nagigising ako.
Noong una'y nasa bintana siya, hinaharangan ang sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Ngayon naman ay hawak niya ang balikat kong tinamaan ng punyal na ibinato sa akin ng babae sa aking bangungot. Pagkakataon lang ba ang lahat ng ito?
"Sino ka?" Hindi ko napigilang tanong sa gitna ng kaniyang paglalagay ng bendahe sa aking balikat pababa sa aking braso, "At bakit ka na naman nandito? Baka mahuli ka sa ginagawa mo, pareho tayong malalagot!" Mahina kong singhal.
Humahangos siyang lumingon sa akin sa kaniyang matalim na tingin, "Huwag kang maingay."
Sandali akong nanahimik. Bigla ay kinilabutan ako sa paraan ng kaniyang pagsasalita. Maliban kay Leemar at sa Hari, siya lamang ang magbigay sa akin ng ganitong klaseng kilabot. Nakakatakot, nakakakaba. Ang kaibahan lamang nila'y, kinatatakutan ko si Leemar kapag nagagalit siya, ang Hari naman ay dahil sa kaniyang mataas, bilog at malakas na boses. Samantalang ang binatang nasa aking tabi'y pinatahimik ako sa kaniyang mababang tono.
Ibang klase!
"Bakit mo ginagawa 'to?" Muli ay hindi ko mapigilang tanong.
"Hindi mo ba kayang manahimik na lamang bilang pasasalamat?" Iritado niyang sagot.
"Hindi ako magpapasalamat, kapag nahuli tayo'y pareho tayong malalagot!" Mabilis kong tugon.
"Hindi tayo mahuhuli, hindi ako hangal para magpahuli. Kung may mahuhuli sa atin, ikaw 'yon!"
![](https://img.wattpad.com/cover/244833008-288-k757014.jpg)
BINABASA MO ANG
Her Wings (PSS, #2) ✔️
FantasiSince her independence had been taken away from her, Emerald believed she would never be able to touch the outside earth of their palace. Not until one day, when a handsome stranger appeared at her window, blowing and mucking up her head and heart. ...