THIRTY ONE

64K 2K 681
                                    

"Davina!"

Tila mga higanteng kamao ang umaatake na ngayon sa pinto.

Panay singhot na lang ako at tumutunganga. Hinihintay kong lantakan ako ng pag-idlip ngunit hindi dumating. Mukhang may ibang hinihintay ang mga mata ko.

Bawat pagkatok at sambit ni Jaxon sa aking pangalan ay pumapaloob ang aking mga desisiyon. Alam ko kung alin ang mas tamang gawin, salungat sa dinidikta ng kalooban ko. Kailangan kong panaigin kung alin sa tingin ko ang mas tama.

Nabaling ang buong atensyon ko sa lumalakas na yapak galing sa labas. Wala akong binuksang niisang ilaw rito sa loob, nakikihiram lang ako ng liwanag galing sa poste sa tabi ng bahay ni Angelov.

Silweta ni Jaxon sa labas ng bintana ang agarang nagpalisan sa akin sa kama. Yumukyok ako sa gilid upang makapagtago. Kung kasali lang sa Olympics ang pagtatago, may  gold medal na ako.

"Vin..." Nakikita ko sa aking isip ang paghawi niya sa kurtina.

Gawa sa wrought iron railing ang bintana at ang manipis kong kurtina ang tanging pantakip. Walang bubuksan o isasaradong mamahaling salamin.

Umaakyat-baba na ang itaas na bahagi ng aking katawan sa mabibigat kong paghinga. Binakas ng mga mata ko ang maaari kong daanan papuntang cr. Sana doon na lang ako dumiretso.

Mas yumukyok pa ako nang maka-ilang beses niyang hinampas ang railing na bintana. Napapikit ako sa sakit sa kung ano mang tumusok sa aking braso. Tinakpan ko ang bibig kong muntik nang pinatakas ang daing.

"Hindi ako aalis dito, Davina. I won't make a move hanggang sa hindi mo ako pagbubuksan. Kahit kaunting siwang lang ng pinto, Vin..." buong pagsusumamo niya.

Tinakpan ko ang tenga ko, ngunit naririnig pa rin ng aking katawan ang kanyang presensya.

Tumama ang noo ko sa aking cellphone. Tinitigan ko iyon, biglang naisip na itext si Denver, pero kailangan munang umalis ni Jaxon sa tapat ng bintana bago ko ito maisagawa.

Matagal pa akong dumikit sa ganoong posisiyon hanggang sa narinig ang taginting na gawa yata sa pagtama ng metal sa kanyang relo at bintana. Sumilip ako at nakitang wala na ang anino niya.

Pinahid ko ang pawisan kong mga palad sa aking shirt saka tinext na si Denver.

Den:

Kunin mo si Jax. Please. Nasa bahay ko.

Tumayo na ako at agad naramdaman ang daloy ng pamamanhid sa aking paa. Hindi agad ako nakahakbang. Ilang segundo pa ang aking hinintay tsaka ako kumilos at lumabas ng kwarto. Bawat lapat ng paa ko sa de-kahoy na sahig ay tahimik.

Tahimik akong sumilip sa bintana. Kita ko ang nakatuwid na binti ni Jax at sapatos lang ang inabot ng paningin ko sa isa niyang paa. Masasabi kong nakaupo siya't sumasandal ang likod sa pinto.

"Umalis ka na please...bakit mo ba 'to ginagawa..." bulong ko.

Napatalon ako nang bigla siyang tumayo. Agad akong gumapang at nagtago sa likod ng pinto. Ang talas naman ng pandinig niya kung narinig man niya ang pagbulong ko.

"Vin..." Mahina siyang kumatok. "I know you're there.  Kahit konting siwang lang sa pinto, just let me see if you're okay...Iyon lang at aalis na ako." pagod ang kanyang boses.

Umiling ako, kinukumbinse ang sarili na dapat manatili ako sa aking pasya.

Kinakawag niya ang doorknob. Tinitigan ko lang iyon, hinihintay sa maaaring mangyari. Walang kaba sa puso ko dahil alam kong hindi iyan bubukas.

"Hindi ko alam kung bakit bigla ka nalang hindi nagpapakita. But whatever the reason is, Vin, I'm sorry. Sorry if I have wronged you. Sabihin mo kung anong kailangan kong gawin para mapatawad mo ako sa kung ano mang nagawa ko. Kahit hindi ka na magsalita. Just text it or write it. Vin, please..."

LOYAL HEARTS #3: WHILE ON THE OTHER SIDETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon