S E V E N T Y

281 18 1
                                    


day 282

"Shana... please tanggapin mo oh." Napatingin naman ako roon sa lalaking nag-abot sa akin ng isang stem ng rose. Ngumiti naman ako sa kanya saka tinanggap ito, at tahimik na nagpasalamat. "Yes!" Nagtatakbo palayo ang lalaki at napatawa naman si Leslie.


"Naks, famous si ate." Tinuro niya ang anim na roses na hawak ko. Actually, simula noong makapasok kami kaninang tanghali ay nakatanggap kami ng roses mula sa mga lalaking hindi namin kilala. Tinanong ko kay Lauren kung anong meron at sinabi naman niyang tradisyon na daw na magbigay ang mga lalaki ng roses sa mga babaeng gusto nila sa huling araw ng fair.


"Shana! Les!" Dinig kong tawag ni Kuya France at kumaway naman kami. Nang makalapit sila sa amin ay binigyan nila kami ng tig-iisang bulaklak, kaya naman nagpasalamat kami. "Ikaw Shana ha, kanino galing 'yang mga 'yan?"


Nagkibit-balikat na lang ako saka inayos ang pagkakahawak ko doon sa mga bulaklak. "Hindi ko nga rin kilala eh." Napangiti na lang ako pero patuloy ang pang-aasar nila. Napansin ko namang parang kulang sila at bigla akong nagtaka. "Nasaan si Lucas?"


"Bakit, na-miss mo ako?" Biglang sumulpot mula sa likod ko si Lucas na ikinagulat ko. Nang makita niya ang reaksyon ko ay napatawa siya at ginulo ang aking buhok. "Sorry!" Napawi naman ang mga ngiti niya nang makita ang mga bulaklak na hawak ko. "Dapat sa akin ka lang tatanggap!"


Pinalo naman ni Joshua ang braso niya. "Hindi ba pwedeng makatanggap si Shana mula sa amin?"


Napatawa naman kami nang umiling si Lucas. "Hindi pwede. Masyado na kayong close sa kanya eh!" Napanguso naman siya at nagtawanan kaming muli.


"Hay nako! Teka, nasaan nga pala ang ibibigay mo sa akin?" Inilahad ko ang palad ko pero nginisian niya lang ako saka kinuha ang kamay ko. "H-hoy!"


"Aalis na kami ha? Ihahatid ko na lang 'tong si Shana pauwi!" Hindi na sila nakapag-react dahil agad na akong hinila ni Lucas palayo. Pinagtitinginan kami ng mga schoolmates namin pero para bang walang nakikita si Lucas at nagdire-diretso lang kami hanggang makarating kami sa greenhouse.


"'Wag mong sabihing dito ka kukuha ng bulaklak? Bawal kaya!" Natatawa kong sabi. Lumingon siya sa akin para tumingin at binigyan na naman ako ng isang matamis na ngiti. Sige lang, Lucas, ipagpatuloy mo 'yan. Para lalo akong ma-fall.


Pinaupo niya ako roon sa may bench sa tapat ng fountain. Madalas ay maraming tao dito dahil masarap na tambayan pero ngayong fair, kami lang ang nandito. Ipinikit ko ang aking mga mata at nilanghap ang sariwang hangin.


"Alam mo kung anong ibibigay ko sa'yo?" Napamulat ako nang marinig ang boses ni Lucas. Tinignan ko siya at heto na naman ang nakakamatay niyang ngiti at titig. "Ang oras ko. Hindi ito nabibili at hindi ito mapapantayan ng kahit sino man. Alam ko kasing marami ang magbibigay ng bulaklak sa'yo kaya nag-isip ako ng mas magandang regalo."


Lumambot naman ang puso ko sa mga sinabi niya. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, naramdaman kong mahalaga ako sa isang lalaki. Oo, nandiyan ang kuya ko at si Dad. Pero, iba pa rin kapag 'yung taong hindi mo inaasahang papahalagahan ka ang magpapatunay sa'yo na may halaga ka.


"Lucas, bakit mo ginagawa lahat ng ito?" Bigla na lang pumasok ang tanong na iyan sa isip ko. Bakit nga ba? "Ako ang may gusto sa'yo kaya dapat ako ang nag-e-effort na mapalapit sa'yo. Pero bakit parang nagkabaliktad ang role natin?"


Nginitian niya ako at inilapit ang kamay niya sa mukha ko saka hinawi ang nakaharang na buhok sa pisngi ko. "Diba sabi ko hintayin mo ako? Pwede bang 'yun na lang muna ang gawin mo at wala nang mga tanong? Gusto ko, namnamin mo muna itong mga ginagawa ko para sa'yo para naman mas worth it ang mga bibitawan kong salita sa'yo sa graduation."


Kahit na litong-lito pa rin ako, tumango ako. Siguro, dapat ngang sundin ko ang mga sinasabi ni Lucas. Dapat mas pahalagahan ko itong mga pagsasama natin at magtiwala na lang sa kanya. Ang hindi ko lang talaga alam ay kung maririnig ko pa ba kung ano ang sasabihin niya.


Nginitian ko siya at isinandal ang ulo ko sa balikat niya. Biglang sumikip ang dibdib ko at alam kong hindi na ito dahil sa kilig, pero tiniis ko ito dahil isa ito sa mga araw na naso-solo ko si Lucas. Susulitin ko ang regalong ibinigay niya sa akin para kahit sa ibang mundo, may masaya akong alaala kasama siya.

sa ibang mundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon