E I G H T Y - N I N E

234 13 0
                                    


day 313

Pakiramdam ko ay nanunuyot ang aking lalamunan at nanlalambot ako. Rinig ko ang pagtunog ng isang machine at dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko. Nasilaw ako at isinara muli ang mga mata ko, saka sila sinubukang imulat muli.


Nakita ko ang isang hindi pamilyar na lugar pero nang maamoy ko ang alcohol ay naisip kong baka nasa hospital ako. Pero bakit... iba ang itsura nito doon sa kwarto kung saan palagi akong naka-confine.


Napansin ko rin na napakaraming kung anu-ano ang nakakabit sa akin. Maging sa bibig ko ay may kung anong bagay na madalas kong nakikita sa mga taong nahihirapan huminga. Tatanggalin ko sana ito nang magbukas ang pinto at nakita kong halos madapa ang kuya ko sa pagtakbo papalapit sa akin.


"Shana!" Kita kong nakasuot siya ng sinusuot noong mga bumibisita sa ICU at doon na nag-sink-in sa akin kung nasaan ba ako.


Pinilit kong magsalita ngunit hindi ko magawa dahil masakit ang aking lalamunan. Nang makalapit siya sa akin ay niyakap niya ako nang mahigpit at narinig ko ang paghikbi niya. Teka, ilang araw ba akong nawalan ng malay at naging ganito si Kuya?


"Pinag-alala mo na naman kaming lahat! Sinabi nang kapag may nararamdaman kang kakaiba ay tatawagan mo si Mama!" Nang makabitaw siya ay agad niya akong pinagsabihan. Napangiti ako dahil sa inasal niya at dinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "Tuyo ba ang lalamunan mo? Kukuha lang ako ng tubig tapos tatawagan ko na rin si Doktora."


Tumango ako at dali-dali naman siyang umalis. Humugot ako ng malalim na hininga bago muling inisip kung ano ba talaga ang nangyari sa akin.


Ilang gabi na akong walang maayos na tulog dahil sa patuloy na paninikip ng dibdib ko. Kapag ganoon ay agad akong umiinom ng gamot at nawawala naman agad iyon. Pero noong umagang iyon, hindi ko na naabot pa ang gamot ko dahil bigla na lang nagdilim ang paningin ko.


Malapit na ba?


***


"Oh Shana, apples pa. Kumain ka at isang linggo ka ring nakatulog at tanging swero lang ang nagpapakain sa'yo!" Sabi ni Leslie. Inirapan ko na lang siya at kinain ang apples na inihain niya sa akin.


Ngayon ay nakalipat na ako sa regular room dahil mayroon agad silang nakitang bakante. Mabuti na lamang at nandito na ako dahil mahal din ang bayad doon sa ICU.


Nanonood kami ngayon ng TV at kita ko ang mga kabataang nagsasaya sa beach. Napaisip ako... paano kung yayain ko kaya silang mag-beach? Tumingin ako ng seryoso kay Leslie at nagtaka naman siya.


"Tara sa beach!" Nakangisi kong saad. "Isama natin sina Lucas—"


"Hindi pwede." Madiin niyang sabi. Napanguso naman ako dahil nagiging strikto na naman siya.


"Leslie naman eh!" Pagmamaktol ko. "Hindi ko kakainin 'yang apples na 'yan hangga't hindi mo ako pinapayagan!" Itinabi ko iyong plato at naghalukipkip. Inirapan niya lamang ako at inilagay muli ang plato doon sa table sa kama ko.


Nakarinig kami ng tawa mula roon sa pintuan at nakitang nakangiti sa amin si Dra. Tolentino. Kinawayan ko siya at mas lalong lumawak ang kanyang ngiti. "Mabuti at nagising ka na Shana! Pinag-alala mo talaga kaming lahat!"


Napatawa na lang ako nang guluhin niya ang aking buhok. "Hindi pa po ba kayo uuwi? Diba ay tapos na po ang inyong duty?" Tumango siya at umupo doon sa kama, saka hinawaka ang aking kamay.


"Tinignan ko lang kung okay ka. Wala bang masakit sa'yo?" Umiling ako. "Mabuti iyon. Pero kapag may masakit sa iyo ay magsasabi ka ha?"


Tumango ako habang nakangisi. "Kailan po kaya ako makakalabas?" Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha niya at maging si Leslie ay napatigil sa ginagawa niya. "Bakit, anong meron?"


Hinigpitan niya ang hawak sa aking kamay at malungkot na ngumiti. "Shana anak, kailangan ka na naming i-monitor dito. Hindi na maganda ang kondisyon ng puso mo." Bigla naman akong nalungkot sa sinabi ni doktora.


"Kapag po ba nagpumilit akong lumabas, may mangyayari ba sa akin?" Tanong ko sa kaniya. Kita ko ang pagtango niya at maging si Leslie ay napatahimik na. "Alam ko namang hindi na ako magtatagal pero gusto ko 'yung mga huling araw ko rito ay masaya..."


"Shana!"


Tinignan ko si Leslie at malungkot na ngumiti. "Tanggapin na natin ang katotohanan na siguro hindi para sa lahat ang milagro." Ngumiti ako kay Doktora at kita ko ang pag-iwas niya ng tingin. "Doktora, gusto ko pong makalabas para mag-beach."


"Pero Shana—"


"Gusto ko pong may mga magagandang alaala akong mababaon sa ibang mundo." 

sa ibang mundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon