day 320
Nagising ako nang may maramdamang nakatitig sa akin. Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko si Lucas na seryosong nakatitig sa akin.
"Lucas... anong ginagawa mo rito?" Tanong ko at umayos ako ng upo. Kita ko ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi kaya naman nagtaka na ako. "Nakakatawa ba talaga ang itsura ko?"
Umiling siya at inayos ang buhok ko. "Hindi naman. Maganda ka nga eh." Pakiramdam ko ay namula ang buong mukha ko sa sinabi niya.
"B-bakit ka ba nandito? Tinatawag na ba nila ako para kumain?" Umiling muli siya.
"Nabagabag kasi ako sa mga sinabi mo kagabi kaya pagkagising ko ay agad kitang pinuntahan." Tumango ako na para bang inaantok pa lang ako pero sa kaloob-looban ko ay halos sumabog na ako sa kilig.
Tumayo na ako at naglakad papunta sa banyo. "Ano... mag-aayos lang ako. Bumaba ka na, susunod na lang ako." Agad akong nag-lock at dinig ko ang pagtawa niya.
Napailing na lang ako at maglalakad na sana papalapit sa may lababo nang bigla akong matumba. Ramdam ko ang paninikip ng aking dibdib kaya agad kong kinapa ang bulsa ng pajama ko at mabuti na lamang ay mayroon akong gamot doon. Ininom ko iyon at agad akong tumayo upang makainom ng tubig.
Napahawak ako sa dibdib ko at napatingin sa salamin. Usually, pagkatapos ng isang atake ay nagbabalik sa normal ang kulay ng mga labi ko. Pero ngayon ay nanatili silang maputla. Halos mapaluha ako dahil mukhang malapit na ang oras na kinatatakutan ko.
Nang makapag-ayos ako ay agad kong hinanap ang bag ni Leslie at kinuha ang isang lip tint. Ayokong magtanong sila sa kalagayan ko kaya mabuti na ang sigurado. Naglagay ako ng kaunti, saka nagtungo pababa sa kainan.
"Good morning Shana!" Bati sa akin ni Kuya Francis nang makita niya ako. Nginitian ko siya saka naupo. "Sakto ang dating mo. Si Joshua ang nagluto ngayon!"
Inihain niya ang plato na may tatlong piraso ng pancake na magkakapatong at may butter at honey pa sa taas. Napangiti naman ako dahil ito ang isa sa mga paborito kong pagkain sa umagahan.
"Shans, paborito mo ang strawberry diba? Eto oh." Ipinatong ni Leslie doon sa taas ng pancake ang strawberry at tuluyan na akong napaluha. "Oy Shana, talaga bang ganito mo kagusto ang strawberry at napaluha ka?"
Tumango ako at ngumiti. Nagsimula na akong kumain, at ramdam ko ang pagtitig nila sa akin. Habang kumakain ako ay patuloy ang pag-agos ng luha ko. Tumingin ako sa kanila at binigyan sila ng isang malawak na ngiti.
"Ang saya saya ko." Wika ko habang kinakain ang pancake na ginawa ni Joshua. Lumapit sa akin si Matt at pinunasan ang mga luha ko. Hindi ko na napigilan pa ang bugso ng damdamin kaya napayakap na ako sa kanya.
"Hala kayo! Anong ginawa ng pancake ni Joshua!" Pagbibintang ni Lucas. Napatawa na lang ako dahil bigla na lamang silang nagsisihan kaya naman inayos ko na ang aking tayo at nginitian silang muli.
"Kahit mga panget kayo, mahal ko kayo!"
*
"Lucas, ang ganda ng dagat ano?" Wika ko, habang nakatingin sa malawak na dagat. Malapit nang mag-gabi at heto kami, naglalakad pa rin sa buhanginan. Gusto ko kasing makasama si Lucas.
"Pero mas maganda 'yung nasa tabi ko ngayon." Napalingon ako sa kanya at nakitang nakatitig siya sa akin. Napangiti ako bigla at para bang may sariling utak ang mga kamay ko at bigla na lang hinaplos ang mukha niya.
"Lucas, sa maikling panahon na nagsama tayo, natutunan na kitang mahalin." Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya at ilang minuto kaming binalot ng katahimikan.
Pinakiramdaman ko ang paghampas ng hangin sa aking katawan at ipinikit ang aking mga mata. Ang puso ko ay unti-unti nang bumabagal ang tibok pero pilit ko pa ring sinasabi sa sarili ko na may hindi pa ako nagagawa.
Iminulat ko ang aking mga mata at ngumiti kay Lucas. Unti-unti kong inilapit ang aking mukha sa kanya, at tumingkayad ng kaunti para maabot siya. Pinagdikit ko muna ang aming mga ilong, bago tuluyang inilapat ang labi ko sa kanyang mga labi.
LUCAS'
Magkapatong lamang ang aming mga labi ngunit pakiramdam ko ay may kung anong sumabog sa loob ko. Ilang minuto kaming nanatili sa ganoong posisyon bago siya lumayo at nginitian ako.
Naupo siya sa may buhangin at sumunod na ako. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa aking balikat at napantingin ako sa kanya. Namumutla siya at hinawakan ko ang kaniyang mukha. Nanlaki ang mga mata ko nang maramdamang unti-unti nang nawawala ang init sa kanyang mga pisngi.
"Shana—"
"Lucas, oras ko na."Pakiradam ko ay tumigil ang pagtibok ng aking puso. Gusto ko sana siyang tanungin ngunit naramdaman ko ang paghawak niya sa aking kamay. "Banggitin mo nga uli ang pangalan ko. Bukod sa tunog ng alon ng dagat ay gusto ko ang huli kong maririnig ay ang pagtawag mo sa pangalan ko."
Tuluyan na akong naluha at hinigpitan ko ang hawak sa kanyang mga kamay. "S-Shana."
Iniangat niya ang ulo niya ng bahagya upang titigan ako sa aking mga mata. "Lucas, banggitin mo ang pangalan ko na tila ba iyon ang pinakamagandang salita sa buong mundo." Wika niya, bago ipinatong muli ang kanyang ulo sa aking balikat.
Tumulo na ang mga luha ko pero pinilit ko pa ring magsalita. "Shana..." Malambit kong sambit. Ramdam ko ang mahina niyang pagtawa at bahagya akong napangiti.
"Isa pa."
"Shana..." Banggit ko at sinigurado kong balot iyon ng pagmamahal para kahit sa huling sandali niya... maramdaman niyang mahalaga siya sa akin.
"Salamat, Lucas." Ramdam ko ang unti-unting pagluwag ng pagkakahawak niya sa aking kamay. Tinignan ko siya at kita ko ang pagsara ng kanyang mga mata, bago siya ngumiti. "Ang ganda pala ni Lianna."
Namilog ang aking mga mata at unti-unti, nakita ko kung paano humina ang kanyang paghinga. Napahikbi ako sa sobrang sakit na nararamdaman ko at ikinulong siya sa aking mga bisig.
Kasabay ng paglubog ng araw ay ang pag-akyat niya sa langit. Pasensya ka na kung hindi ko ito nasabi habang humihinga ka pa: mahal din kita, sinta. Malaya ka na.
BINABASA MO ANG
sa ibang mundo
Novela Juvenil; imy x jjk » sa ibang mundo siguro sa'kin ka, at tayo'ng pinagtagpo.