E I G H T Y - S E V E N

234 14 0
                                    


day 311

"Lucas, pupunta ka ng ospital?" Tanong ni Mama at tumango ako. Inabutan niya ako ng paper bag at nakita ko ang mga Tupperware na naroon. "Hindi ko naman alam na anak pala siya ng dating president ng Homeowners' Association natin. Susubukan kong dumalaw pero pakisabing iyan muna ang maibibigay ko sa ngayon ha?" Tumango ako at lumabas na ng pintuan namin.


Tatlong araw. Tatlong araw na simula nang malaman kong hindi na gumigising si Shana. Tatlong araw na simula noong sinabi sa akin ni Joshua na himala na lang ang makakapagpagising kay Shana. Tatlong araw pa lang... pero pakiramdam ko ay taon na ang lumipas.


Pabalik-balik ako sa ospital at noong isang araw ay doon ako natulog. Si Leslie ang madalas na nakabantay doon at kapag naroroon kaming magkakabarkada ay pinapauwi namin siya para naman makapagpahinga siya. Ilang araw na siyang tuliro at naaawa na kami sa kanya dahil sa hirap na dinaranas niya.


"Oh Lucas hijo, nandito ka na pala." Nakangiting bati sa akin ni Tita. Tinignan ko ang loob ng ICU mula doon sa salaaming nakaharang at nakitang kinakausap ni Kuya Theo sa Shana. Sinabi kasi sa amin ni Tita na kahit daw comatosed siya ay naririnig niya kami. "Hanggang mamaya pa naman ang visiting hours... hayaan muna natin si Theo doon sa loob dahil nami-miss niya ang kanyang kapatid."


Tumango ako at iniabot ang paper bag sa kanya. "Tita, pinapabigay po ni Mama. Sabi po niya ay dadalaw siya kapag may free time siya." Nginitian niya akong muling saka naupo doon sa may bench. Tumabi ako sa kanya at pinanood namin si Kuya Theo habang kinakausap si Shana.


Napangiti ako nang makita kong naglabas siya ng gitara. Naaalala ko ang kwento sa akin ni Shana noon na hindi raw siya nakakatulog hangga't hindi siya kinakantahan ng kuya niya. Sana naman ngayon... sa isang melodiyang mula sa gitara ay magising na siya.


Hindi rin nagtagal at lumabas na si Kuya Theo habang nagpupunas ng luha. Nang makita niya ako ay malungkot niya akong nginitian, at saka ibinaba ang gitara doon sa may tabi ng bench.


"Lucas, samahan mo akong mag-kape."


***


"Palagi kang nak-kwento sa akin ni Shana." Sabi ni Kuya Theo habang pinaglalaruan ang baso ng kape na hawak niya. "Sobrang saya niya kapag name-mention ang pangalan mo. Minsan nga ay nakakapang-selos na." Natawa kami pareho sa sinabi niya.


"Palagi ka rin niyang nak-kwento sa amin." Napatingin siya sa akin. "Sinasabi niya sa amin kung gaano siya ka-swerte dahil ikaw ang kuya niya." Kita kong napaiwas siya ng tingin nang magtubig ang kanyang mga mata.


Ilang minuto kaming natahimik. Nahihirapan na ako sa sitwasyon ni Shana kahit hindi pa kami matagal na magkakilala pero alam kong mas mahirap ang lahat para sa kuya ni Shana. Mas maraming araw niyang nakitang nahihirapan si Shana at alam kong masakit iyon sa parte niya.


"I'm studying Medicine." Panimula niya. "Gusto kong maging magaling na cardiologist para kay Shana. Nang malaman niya iyon ay natuwa siya. Pero alam mo bang... hinding-hindi niya hiningi sa aking pagalingin siya."


"Ang gusto niya lamang ay 'wag na itong mangyari sa iba at kung maaari, mapigilan ko ito sa pagdapo sa ibang tao." Tuluyan na siyang napaluha at agad niya iyong pinunasan. "Pasensya kung napaka-iyakin ko ngayon ha? Kapag talaga si Shana ang pinag-uusapan, nagiging malambot ako."


Binigyan ko siya ng isang malawak na ngiti at tumango. "'Wag kayong mag-alala... siguradong kakayanin din ito ni Shana." Kita ko ang pagbabago ng ekspresyon niya at nagtaka naman ako.


Tinignan niya mata sa mata nang seryoso. "Lucas... simula pa lamang nang malaman naming ganyan ang sakit ni Shana, matagal na naming pinaghandaan ang araw na... mawala siya." Nagulat ako sa sinabi niya. B...bakit?


"H-hindi ba dapat mas humahanap pa kayo ng paraan para mabuhay siya nang matagal? At saka, sa lola niya naman ito nanggaling diba? Siguro naman ay tatagal din ng ganoon si Shana!" Hindi ko na mapigilan ang magalit. Bakit ang dali lang sa kanila na mawala si Shana?


"Na-diagnose si Lola ng ganoong sakit nang matanda na siya. Sa aming pamilya, si Shana lamang at tinamaan nang ganito kaaga." Seryoso niyang saad. "Maswerte siya dahil nakaabot siya ng lampas limang taon dahil ang lola namin ay namatay matapos lamang ang dalawang taon."


Natahimik ako. Bakit... bakit si Shana pa?


Tinapik niya ang balikat ko at malungkot na ngumiti. "Masakit itong itanong pero... pipiliin mo bang mabuhay nang matagal si Shana habang natatakot na kahit anong oras ay mawawala siya o ngayon ay hahayaan mo na lang siyang magpahinga nang mapayapa?"

sa ibang mundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon