day 327
"Shana Isabel Dy." Tawag ng adviser namin sa pangalan ni Shana at kita ko ang pagtubig ng kanyang mga mata. "May mga pasaway na nakiusap sa aking ihuli si Shana dahil gusto raw nilang sila ang aakyat para kuhanin ang diploma niya."
Napatawa kaming lahat, at nagsimula na kaming tumayo. Isa-isa kaming umakyat sa stage, at kinuha ang diploma ni Shana.
"Pwede po ba akong magsalita?" Tanong ko sa adviser namin. Ngumiti naman siya, saka naglakad papunta sa akin upang iabot ang mikropono.
"Sa araw na ito, isang batchmate natin ang sana'y masayang nakahawak sa kanyang diploma ngunit maaga siyang tinawag pabalik sa Kaharian ng Panginoon. Mag-alay tayo ng ilang minutong katahimikan upang ipagdasal ang kanyang kaluluwang nawa'y mapayapa na ngayon."
Natahimik ang buong auditorium, at sila'y kanya-kanyang nag-alay ng kanilang mga dasal. Napatingin ako sa diploma na hawak ko, at napangiti ng malungkot.
Kinuha ni Leslie ang mikropono mula sa akin at nagsalita. "Shana... kung nasaan ka man, sana masaya ka pa rin. May mga naiwan ka man dito, sigurado naman akong halos lahat iyon ay magagandang alaala. 'Wag kang mag-alala, ayos lang kami. Lumipas man ang mga taon, hindi ka namin malilimutan."
Ngumiti kami bago bumaba ng stage. Nakita ko sina Kuya Theo at ang kanyang mga magulang na dala-dala ang toga ni Shana. Iwinagayway ko ang diploma ni Shana at unti-unti naman silang napangiti.
Noong araw na sinabi sa akin ni Shana na mahal niya ako ay ang araw din ng kanyang pagkawala. Hanggang ngayon, masakit pa rin ang isipin na wala na siya. Araw-araw ay nagigising ako, nag-aabang ng makukulit na mensahe galing sa kanya.
Masakit makita na wala nang mga bagong mensahe. Masakit isipin na kapag dadaan ako kina Shana ay wala nang kakaway nang masaya sa akin. Masakit harapin ang araw-araw na wala si Shana. Pero kailangan kong labanan ang sakit na ito dahil hindi gugustuhin ni Shana na malungkot ako.
Hindi rin nagtagal ay natapos na ang program. Marami ang nag-iyakan dahil mahihiwalay na kami sa isa't isa. Marami rin ang naghatid ng condolences sa amin dahil sa pagkamatay ni Shana.
"Oh, mag-picture na kayo! Para naman may remembrance ngayong araw!" Masiglang sigaw ni Mama. Napatawa naman kami at pumwesto na para makuhanan kami ng litrato.
"Oh Leslie, sa gitna ka. Ang liit mo kasi!" Pang-aasar ni Kuya France. Nakatanggap siya ng batok mula kay Leslie at lahat kami ay napailing na lang.
Pipicturan na sana kami ni Mama nang biglang kumunot ang kanyang noo.
"Lucas, Leslie. Mag-iwan naman kayo ng space sa gitna para kay Shana!" Napatango kami ni Leslie at umisod ng konti para bigyan ng espasyo si Shana. "1, 2, 3!"
Ngumiti na kaming lahat at nang matapos ang pagkuha ng litrato ay napatingin kami sa isa't isa, saka doon sa espasyo kung nasaan dapat si Shana.
"Naramdaman niyo ba 'yon?" Gulat na tanong ni Joshua.
"Anong meron?" Tanong ng mama ni Shana. Nagkatinginan naman kaming muli saka ngumiti ng napakalawak.
"Sa tingin ko po ay talagang sinigurado ni Shana na kasama siya sa picture."
BINABASA MO ANG
sa ibang mundo
Teen Fiction; imy x jjk » sa ibang mundo siguro sa'kin ka, at tayo'ng pinagtagpo.