day 294
LESLIE'S
"Tita! Gising na po ba si Shana?" Hinihingal kong tanong nang makita kong palabas si Tita ng kwarto ni Shana. Nang matanggap ko ang text niyang na-ospital na naman si Shana ay agad akong bumyahe rito upang malaman ang kondisyon ng kaibigan ko.
Malungkot niya akong nginitian at umiling. Pakiramdam ko ay bumigat ang puso ko at nagbabadya nang magpatakan ang mga luha ko. "Noong isang araw lumabas sila ni Lucas. Sobrang saya niya... hindi yata kinaya ng puso niya."
Naaalala ko iyon. Kinwento sa akin ni Shana kahapon kung anong nangyari sa date nila. Naaalala ko pa kung gaano kasaya si Shana. Hindi ko naman alam na iyon na pala ang huli naming pag-uusap bago siya maisugod sa hospital...
"Les, pwede bang dito ka muna at bantayan si Shana? Uuwi lang ako para kumuha ng mga pampalit. Pakisabi na lang sa akin kung gising na siya ha?" Tumango ako at lumapit siya para yakapin ako. "Alam kong mahirap, Les. Pero kailangan nating magpakatatag para kay Shana. Sa atin na lang siya pwedeng kumuha ng lakas."
"Alam po ba ito nina Joshua?" Bumitaw siya sa yakap at umiling.
"Ayokong isipin ni Lucas na siya ang dahilan kung bakit na-ospital si Shana. At saka, alam kong ayaw itong sabihin ni Shana kahit sa iyo kaya please, huwag mo munang ipagsasabi." Hinalikan ni Tita ang pisngi ko bago siya naglakad palayo.
Nang makapasok ako sa kwarto kung nasaan si Shana, pinigilan ko ang umiyak. Hindi ito ang unang beses na nakita ko siyang nagkaganito. Oo, sanay na akong nakikita na maraming nakakabit na kung anu-ano kay Shana, pero masakit pa rin na makitang nasa ganito siyang kondisyon.
Naupo ako sa tabi niya at hinawakan ang kanyang kamay. Ano bang kasalanan ni Shana para bigyan siya ng ganitong sakit? Ang sabi ng mga doctor, nasa genes daw nila iyon pero bakit sa kanya pa naipasa? Magiging selfish na ako: bakit hindi na lang sa iba?
"Shana, gising na. Bitin pa 'yung mga kwento mo eh. Tsaka, baka malungkot si Luna. Iniwan mo siyang mag-isa sa bahay niyo eh." Nanginginig na ang boses ko at hindi ko na rin napigilan ang mapaiyak. "H-huy Shana, tama na ang joke mo! Hindi... hindi ako natutuwa! Gumising ka na jan!"
Patuloy pa rin ako sa pag-iyak nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Nakita ko si Dra. Tolentino na malungkot na nakatingin sa amin ni Shana. Lumapit ako sa kanya at lumuhod sa harap niya, habang hinahawakan ang kanyang mga kamay.
"Leslie..."
"Doktora, please... g-gawin niyo ang lahat! H-hindi ko kayang mawala sa akin si Shana! Hindi ba talaga siya pwedeng operahan? Please! Buhayin niyo pa siya!" Napahagulgol na ako habang nakaluhod. Naramdaman kong pumantay siya sa akin, saka ako niyakap ng mahigpit.
"Kahit ako, nasasaktan dahil sa dinadanas ni Shana. Pero Leslie..." Ramdam kong may sasabihin siyang makakasakit sa akin, pero gusto iyong marinig. "Masyado nang huli ang lahat para sa operasyon. At saka... bilang na lang ang mga araw na mabubuhay si Shana."
Parang tumigil ang mundo ko nang marinig ang sinabi niya. Si Shana... mawawala na sa akin? Sa amin? Hinawakan ni Doktora ang mukha ko para punasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko pero patuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha ko.
"Ma...matutuwa po ba ako na titigil na ang paghihirap ni Shana o malulungkot ako dahil mawawala na siya sa akin?" Kita ko ang lalong paglungkot ng mga mata ni Doktora at maging siya ay napaluha na rin. Isang mahabang katahimikan ang nanaig sa pagitan namin at pakiramdam ko ay ako ang mamamatay.
"Leslie...?" Napalingon ako bigla nang marinig ang boses ni Shana. Nakaupo na siya ngayon at nakangiti sa amin ni Doktora. "Tita... bakit nakaluhod kayo? Anong meron?" Parang batang walang kaalam-alam si Shana na nakatingin sa amin. Umayos na kami ng tayo ni Doktora at pinunasan ko na ang mga luha ko.
"N-nadapa kasi ako Shana. Tinulungan lang ako ni Doktora." Alam kong pansin ni Shana ang pagsisinungaling ko, pero pinalampas niya iyon. Pinalapit niya ako sa kanya saka ako niyakap nang mahigpit.
"Alam mo na ano?" Tumango ako at dinig ko ang mahina niyang pagtawa. "'Wag kang mag-alala. Hindi ka naman mag-iisa." Sa sinabi niyang iyon ay napahagulgol na naman ako at mas hinigpitan niya ang pagyakap sa akin.
"P-pero Shana... kung wala ka na... hindi na katulad ng dati na palagi akong masaya... na may karamay ako. Hindi ko kaya kung mawawala ka!"
"Ssh, tahan na Leslie. Hindi ako sanay na ganito ka!" Bumitaw siya sa yakap at hinawakan ang mukha ko. "Sasabihin ko kina Kuya France na huwag kang pababayaan. Nandiyan si Matt para kulitin ka gaya ng ginagawa ko, at nandiyan si Joshua para mang-asar. Si Lucas naman, nandiyan din para pasayahin ka."
"Shana, paano mo nasasabi lahat ng ito? Sa tingin mo ba ganoon na lang kadali ang pakawalan ka!?" Nakaramdam ako ng galit dahil para bang napakadali lang sa kanya ang mawala. "Matagal ang pinagsamahan natin, sa tingin mo ba masasanay ako nang wala akong inaalagaan?"
Ngumiti siya nang malungkot at hinaplos ang buhok ko. "Mawala man ako, palagi naman kitang babantayan. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi mo."
BINABASA MO ANG
sa ibang mundo
Teen Fiction; imy x jjk » sa ibang mundo siguro sa'kin ka, at tayo'ng pinagtagpo.