EIGHTH
Ezekiel Farrell
"May espadang natagpuan sa—" Biglang pumutok ang TV. Naman talaga 'tong dalawang hyung na 'to, ang sakit sa ulo!Naglakad ako papuntang kusina at nakita silang nakasubsob sa lamesa habang maraming utensils, baso, plato, at mga upuan ang nakalutang. Napailing-iling ako. Ilang araw na rin silang ganiyan, masyado nang madaming nasisirang gamit sa bahay na 'to.
Lumapit ako kay Hyung at hinawakan ang balikat niya. Nakita kong tumingin siya sa akin at bigla siyang nagkaroon ng blue na apoy sa katawan.
"Ouch! Ouch!" Bitaw ko sa kaniya dahil sobrang init niya at tumayo siya kaya nakita ko ang can ng beer sa lamesa sa tapat niya at eight cans sa tapat nung isa pang hyung.
"Soul keeper, magmatch tayo!" natutuwang sabi ni Hyung na pagewang-gewang na. Naglabas ng espada ang blue na apoy na nasa kamay ni Hyung at hinawakan naman niya ang espadang 'yun na para bang ready siya makipag-espadahan anytime.
Bigla namang nabalot ng usok ang isa pang hyung at naglabas din ng espada ang usok sa kamay niya. Tumalon si Hyung sa ibabaw ng lamesa at gano'n din naman 'yung isa pang hyung at nag-espadahan sila.
Naku po, hindi ko na kayang tumingin at baka kung anong gawin nila sa isa't isa. Napakamot nalang ako sa ulo ko. Tawagan ko na kaya si Daddy?
Biglang nabalot ang kusina ng fog at lumamig.
"Anong nangyayari?" tanong ko at lumingon sa kanila. Nakaupo si Hyung sa lamesa habang hawak-hawak ang espada niya at si Soul Keeper Hyung naman, nakatayo habang hawak din ang espada niya at umiinom na naman ng beer.
Bigla namang may bumuhos na ulan at kumulog.
"Seriously?! Sa loob ng bahay magpapaulan ka??" inis na sabi ko kay Hyung. Kaya ayokong nalalasing 'to eh.
Napatingin ulit ako kay Hyung na ngumangawa na. Bakit ba umiiyak 'to? Broken hearted?
Bigla niyang inilahad ang kamay niya sa ere at nagkaroon ng kotse na nakalutang sa kisame. Pagkababa niya ng kamay niya, bumagsak bigla ang sasakyan kaya napatakbo ako palayo. Bigla namang humagalpak ng tawa si Hyung at gano'n din si Soul Keeper Hyung.
"May kotse sa loob ng bahay? HAHAHA!" tawa ni Soul Keeper Hyung pati na ni Hyung.
"Nakita mo sinong naglagay niyan diyan?" tawa nang tawa na sabi ni Soul Keeper Hyung.
"Hindi ko nga alam eh!" tawa nang tawa rin na sagot naman ni Hyung.
Bigla naman silang napatigil sa pagtawa.
"Hindi ikaw naglagay niyan diyan?" tanong ni hyung, nanlalaki na ang mga mata.
"Hindi." nanlalaki na ring matang sagot ni Soul Keeper Hyung.
"Sinong naglagay niyan diyan?" tanong ni Hyung.
Napatayo sila pareho sa lamesa. Parehong bangag at natatakot sa pinaggagawa nilang dalawa.
"Hindi ako." agad na sagot ni Soul Keeper Hyung.
"Minumulto na tayo." sabi pa ni Soul Keeper Hyung na halatang kinikilabutan.
"Oo nga, kailangan mo na 'yung sunduin ngayon." sagot ni Hyung.
"Ha?! Bakit ako?? Ayoko nga, nakakatakot! Kita mong nakapaglagay siya ng kotse sa loob ng bahay oh!"
"Sabagay, humingi ka nalang kaya ng tulong sa mga kapwa mo soul keeper?"
"Pero hindi ba siya naglagay niyan diyan?" Turo sa akin ni Soul Keeper Hyung kaya nagulat ako.
"Hindi 'yan! Mortal lang 'yang batang yan at—" Nanlaki ang mga mata ni Hyung.
"Patay na siya?"
Napatingin silang dalawa sa akin.
Oh, no.
Naglakad ako paatras at palayo sa kanila dahil baka madamay pa ako sa kabangagan ng mga 'to. Biglang umiyak si Hyung habang nakatingin sa taas at niyakap ako.
"Bakiiiit?! Masiyado pa siyang bata! Bakit ba lahat nalang ng malapit sa akin nilalayo Mo?! Huhuhu!"
Napasimangot ako. Hindi ba talaga nag-iisip 'tong si Hyung?
"Hyung." tawag ko.
"Ssshhh..." Hinimas-himas niya ang buhok ko.
"Aalagaan kang mabuti ni Soul Keeper, h'wag kang matakot pumasok sa pinto ng kabilang buhay." Halik niya sa ulo ko at nakita ko si Soul Keeper Hyung na nakapikit pang tumatangu-tango, para bang agree siya sa sinasabi ni Owen Hyung.
"Uhm... hindi pa ako pat—" Tinakpan niya ang bibig ko gamit ang index finger niya.
"Alam kong mahirap tanggapin pero sa simula lang 'yan, ako nang bahala mag-explain sa daddy mo." sabi niya habang niru-rub ang likod ko.
Napalayo naman ako sa kaniya nang mabalot siya sa blue na usok at bigla siyang nagtatalon sa tuwa.
"Sinu-summon niya ako~~ sinu-summon niya akooo!" tuwang-tuwang kanta niya at bigla siyang nawala.
¤¤¤