Untold

165 99 0
                                    

TWENTY-SEVENTH

Noong sinaunang panahon, may isang kaharian na pinapamahalaan ni Haring Elijah. Sinasabing isa itong batang kaharian dahil sa bata nitong hari. Labing limang taong gulang lamang si Haring Elijah nang makuha niya ang trono dahil sa maagang pagkamatay ng kaniyang mga magulang dahil sa sagupaan laban sa isa pang kaharian.

Kumuha ng bagong mga kawal ang hari at pumili ng isang kawal na hindi malayo sa edad niya at malapit lang din sa edad ng nag-iisang kapatid na prinsesa. Hindi naglaon ay naging magkaibigan sila at naging malapit din ang kawal sa binabantayang prinsesa. Ang prinsesa ring ito ay may angking kakaibang kagandahan na talaga namang bumibihag sa puso ng sinumang makadapo ang tingin dito.

Hindi naging madali para sa hari na pamahalaan ang kaharian sa batang gulang lalo pa't dumadagdag ang iba't ibang mga kahariang nangungulit sa kaniya upang kunin ang kamay ng kapatid. Tuwing tatanggi siya sa mga hari na ipakasal ang kapatid, hindi mawala ang kaba sa kaniyang dibdib sapagkat binabagabag siya ng takot na maaaring kalabanin siya ng kahariang tinanggihan.

Hindi nagtagal at nangyari nga ang kinatatakutan niya, naghamon ng giyera ang kaharian ng isang haring tinanggihan niyang ipakasal sa kapatid niyang prinsesa. Nagkaroon ng matagal na labanan na ipinanalo naman niya ngunit naging dahilan ng paghina ng kanilang kaharian dahil sa dami ng mga namatay. Dito nagpasya ang hari na makipag-alyansa sa ibang kaharian gamit ang kapatid.

Nang kinoronahan si Haring Xantheos pagkamatay ng kaniyang amang hari, kaagad itong nagpunta kay Haring Elijah upang hingin ang kamay ng kapatid nitong prinsesa. Alam ni Haring Elijah na malakas ang kaharian nila Haring Xantheos at magkalapit lamang ang edad nilang dalawa kung kaya't malapit lang rin ang edad nito sa prinsesa. Bukod doon ay nangako itong aalagaan at kahit kailan ay hindi sasaktan ni Haring Xantheos ang prinsesa kaya naman hindi naglaon ay napapayag nito si Haring Elijah.

Nang mabalitaan ng kawal na nagbabantay sa prinsesa ang nalalapit na kasal nito ay kaagad itong nagtapat ng tunay na nararamdaman niya para sa kapatid ng hari. Hindi pumayag si Haring Elijah na tanging kawal lang ang mapakasalan ng kapatid kaya't umamin ang kawal na siya ang prinsipe mula sa malayong kaharian, si Prinsipe Icarus.

Akala ng prinsipe ay papayag na ang hari kapag nalamang siya rin ay dugong bughaw ngunit kabaligtaran ang nangyari. Ang labanan sa pagitan ng mga kaharian nila Haring Elijah at Prinsipe Icarus ang dahilan ng maagang pagkamatay ng mga magulang ni Haring Elijah kaya't inutusan ng hari na ipapatay ang banyagang prinsipe. Nang umabot sa prinsesa ang balitang iniutos ng hari ay agad niyang pinigilan ang mga kawal at tumakas sa palasyo kasama ang prinsipe. Nalaman ni Haring Xantheos na itinakas ang kaniyang mapapangasawa kaya naman nagpadala siya ng maraming kawal upang ipapatay ang prinsipe at ibalik ang prinsesa, gano'n din naman si Haring Elijah.

Hindi naiwasan ng prinsipeng dumanak ang dugo ng mga kawal na inutusang ipapatay siya at ibalik ang prinsesa lalo na kapag wala na silang mataguan kaya kumalat ang balita tungkol sa mahusay na pakikipaglaban nito laban sa maraming kawal ng mga kaharian. Sinalubong ng mga papuri ang prinsipe nang makabalik siya sa sariling kaharian kasama ang prinsesa ngunit kinabukasan, nabalitaan nalang niyang ipinabalik ng ama niyang hari ang prinsesa sa kaharian nito sapagkat ayaw nitong mapangasawa ng anak ang prinsesang dahilan ng pagdanak ng dugo sa maraming bayan.

Agad na bumalik sa kaharian ni Haring Elijah ang prinsipe ngunit nabalitaan niyang nasa kaharian ni Haring Xantheos ang hari at prinsesa para sa kasal nito at koronasyon sa pagiging reyna ni Haring Xantheos kaya't mabilis na pumunta ang prinsipe sa kaharian ni Haring Xantheos. Pagkarating sa kaharian ay hinarangan ng sandamakmak na kawal ang prinsipe. Binalaan ng prinsipe ang mga kawal na h'wag humarang sa dadaanan niya kung ayaw nilang may dumanak na dugo ngunit walang ni isang nakinig.

SenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon