FIFTEENTH
Skye
"Aray! Bitawan niyo nga ako!!!" pagpupumiglas ko sa tatlong babaeng nakahawak sa akin habang kinakaladkad nila ako papuntang rooftop."Ikaw ha!" Tulak sa akin ng isang babae at bigla akong binitiwan ng mga nakahawak sa akin kanina kaya napaupo ako sa lapag. Walo silang puro babae at nakauniform. Break ngayon pero nakauniform sila, siguro may binagsak na subject kaya nagma-make-up class.
"Hoy! Kinakausap kita!" Sabunot sa akin nung babae kanina pero agad kong kinurot ang kamay niya gamit ang mga kuko ko kaya napabitaw siya atsaka ako tumayo.
"Ano bang kailangan niyo? Bakit niyo ako dinala rito? Hindi ba kayo marunong gumalang sa mas matanda sa inyo, ha?!" sigaw ko sa kanila. Pangalawang course ko na kaya natural na mas matanda ako sa karamihan ng mga mag-aaral dito.
"At sino ka para respetuhin eh lahat na nga yata ng lalaki sa campus nilandi mo na, ha! Bruha ka! Sinabi ni Larry na girlfriend ka niya tapos ide-deny mo pa!" sigaw niya at sinabunutan ako. Siyempre gumanti ako at sinabunutan ko rin siya. Nanggigigil ako sa batang 'to at napakabastos! Hindi ko nga nakakausap 'yung Larry na sinasabi nila tapos magiging boyfriend ko pa? Hindi talaga nag-iisip 'tong mga babaeng 'to eh!
"For your information ha! Wala akong nilalanding kahit sino!" sigaw ko rin at tinadyakan siya.
"Ouch!" sigaw niya atsaka bumitaw pero hinawakan ulit ako nung ibang mga babae at kinaladkad papunta sa edge. Walang harang na wall o kahit ano 'tong rooftop dahil hindi naman talaga puwede pumunta sa rooftop ng building na 'to dahil nga delikado at puwede kang mahulog.
Nakaluhod ako at nakaharap sa maaari kong hulugan habang nakahawak sa magkabilang kamay ko yung mga babae.
"Ano, hindi ka pa rin titigil manlandi ha? Hanggang sa course namin umaabot ka, hindi ka pa ba kuntento sa mga kablock mong nilandi mo rin?!" Hila ng babaeng nasa likod ko sa buhok ko.
"Hindi ako nanlalandi kahit kanino, ano ba!" sagot ko. Tinulak-tulak ako nung babae palapit lalo sa edge at nasa mismong guhit na ng edge nakapatong ang mga tuhod ko.
"Tama na! Mahuhulog ako!" pagmamakaawa ko sa kanila, hindi na ako nagpumiglas dahil kapag binitawan nila ako, tiyak na mahuhulog ako.
"Ito nalang, anong pangalan nung lalaking kasama mo lumabas mula roon sa mamahaling restaurant dati?" tanong nung isang babae. Paano nila nalaman 'yun?
"Hoy! Kinakausap ka, sumagot ka!" Sabunot sa akin nung isang babae.
"I-Icarus..." sagot ko.
"Para makabawi ka, ibigay mo nalang sa akin ang number niya." sabi nung babae.
"Wala akong number niya." sagot ko.
"Malandi ka na nga, sinungaling ka pa! Sinong niloloko mo, ha?" Naramdaman ko ang pagpatong ng paa ng babaeng nasa likod ko sa ulo ko na dahilan para dumulas ang braso ko sa pagkakahawak ng mga babae. Naramdaman kong sinubukan pa nila ulit kunin ang braso ko pero huli na, nahulog na ako sa ere.
Napapikit ako at napaiyak nalang nang tuluyan. Hinihintay ko nalang na bumagsak ako sa lapag. Mararamdaman ko pa ba yung sakit? O mamamatay na akong diretso? Si Soul Keeper ba ang magsusundo sa akin?
Tuluy-tuloy ang pag-agos ng luha ko habang iniisip kung gaano magiging kasaya si Soul Keeper na makita akong patay na dahil wala na siyang sakit sa ulo 'pag nagkataon. Naramdaman kong may yumakap sa akin nang sobrang higpit at mas lalo akong napahagulgol ng iyak. Si Soul Keeper na ba 'to? Kukunin na ba niya talaga ako? Hindi man lang ba niya ako bibigyan ng chance magpaalam sa nag-iisa kong kaibigan na si Sav Unnie, o kaya kay Terrence? O kaya kahit kay Icarus man lang? Magrequest kaya ako?
"Soul Keeper, gusto ko sana muna magpaalam ka—" Dilat ko ng mga mata ko pero nagulat ako nang makitang nakayakap sa akin si Icarus. Akala ko nasa ere pa rin ako dahil wala akong inaapakang kahit ano pero nasa rooftop na ulit kami at buhat-buhat niya ako gamit ang isang braso niya. Nasa likod ko siya, nakapulupot ang kanang braso niya sa bewang ko at nakasuporta ang kaliwa niyang kamay sa kaliwang balikat ko.
"Ica—" Hindi ko natuloy ang sasabihin ko dahil binaba na niya ako at bigla siyang nabalot sa blue na apoy at naglabas ng espada atsaka naglakad papunta roon sa mga babae.
Papatayin ba niya yung mga 'yon?! Hindi puwede! Baka madagdagan na naman ang mga kasalanan niya! Humarang ako sa harap niya habang sinusubukang h'wag dumikit sa kaniya dahil baka mapaso ako.
"H-Huwag mo silang saktan..." lakas-loob na sabi ko.
"Tumabi ka." malamig na sabi niya sa akin at humakbang ulit pero hindi ako umalis.
"Alam mo bang muntikan ka nang mamatay dahil sa mga 'yan, ha?!" sigaw niya sa akin at biglang nawala sa harap ko. Nakarinig nalang ako ng tili at nakita kong duguan ang isang babaeng nasa harap ni Icarus.
"Huwag!" sigaw ko at agad na lumapit sa kanila. Itinaas ni Icarus ang kamay niyang may hawak na espada kaya humarang ako sa harap niya at hinawakan ang braso niya kahit pa mainit 'yun.
"Tama na!" sigaw ko. Ibinaba naman niya ang braso niya at nawala ang hawak niyang espada kasabay ng apoy na bumabalot sa kaniya. Tinabig niya ako at humarap sa mga babae.
"Dalhin niyo siya sa ospital at pumunta kayo sa presinto at sabihing ikulong kayo dahil sa attempted murder. Kapag hindi niyo ginawa ang sinabi ko, mas malala pa riyan ang mararanasan niyo." sabi ni Icarus at hinila na ako palayo. The next thing I know, nasa bahay na kami.
¤¤¤

BINABASA MO ANG
Sena
خيال (فانتازيا)The one who remembers will be the one who can't remember at all.