TWENTY:
Ilang linggo na lang, kasal ko na. Nahabol namin sa maiksing panahon na isang buwan na maisaayos ang mga paghahanda sa nalalapit na kasal.
"Ang ganda naman ng bride!" bulalas ni Megan sa pagsukat ko ng wedding gown.
Nang makita ko ang sarili ko sa salamin, nilagpasan ko ang tuwang nararamdaman ni Megan. Umusbong ang luha sa mga mata ko habang pinagmamasdan ko ang sarili kong repleksyon suot ang puting wedding gown na pinapangarap ng bawat kababaihan. Tamang-tama lang ang hapit nito sa katawan ko na hindi pa halata ang umbok ng tiyan ko.
"Malapit na akong maging Mrs. Alvarez." Bulong ko sa sarili habang hindi ko maalis ang mga mata ko sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwala na malapit na akong maikasal sa tanging lalakeng nagugustuhan ko.
"At malapit na rin kayong magkaroon ng baby Alvarez na mas kinapapanabikan ko." Sabi ni Megan na nasa likod ko lang. "May naiisip ka na bang pangalan?"
Napangiti ako nang maalala ko noong isang araw ang pangungulit ko kay Reid tungkol sa gusto naming ipangalan. Halos umabot sa isang daan ang nailista naming pangalan, pero hanggang sa ngayon wala pa kaming mapagkasunduan.
"Ang weird ng mga pangalang naiisip ni Reid kaya parang nagsisi ako sa pangungulit sa kanya." Sagot ko na matawa-tawa. "Alam mo bang pinagpipilitan niya ang mga pangalang, cookie, pepper, sugar, atom, zero, nickel..."
"Sana lang hindi yan maging dahilan para hindi matuloy ang kasalan. Sayang naman ang wedding gown mo ngayon, mahal din 'to." Natatawang biro ni Megan.
"Masyado ko siyang mahal para pakawalan pa." Balik ko sa seryosong mukha. "Ngayon pa ba na lumalaki na ang pag-asa kong magugustuhan na rin niya ako..."
Sa lumipas na buwan, walang ibang pinaramdam sa'kin si Reid kundi ang pag-alaga. Parang napaka-espesyal ko na sa kanya ngayong hindi na kaibigan kundi ina ng magiging anak na ang papel ko sa buhay niya.
Walang araw na hindi ako tinatawagan ni Reid para kumustahin kung okay ba ako, kung anong pagkain ang gusto ko, kung nakakatulog ba daw ako. Wala akong masabi sa kung paano siya mag-effort masiguro lang na maayos ako at ang anak namin.
"Kung gano'n, huwag mo na siyang hayaan pang makuha ulit ni Bianca. Bakuran mo ng makailang ulit kung kinakailangan."
Napansin ko ang kakaibang pag-aalala sa mukha ni Megan na parang may hindi sinasabi sa'kin. "Bakit ganyan ang mukha mo..."
"Kasi... nalaman ko kay Kurt na bumalik na daw si Bianca galing Canada kaninang umaga lang—"
"Ba't hindi mo sa'kin sinabi kanina pa?!" Sa isang iglap nabalot ng pangamba ang dibdib ko. Mabilisan kong hinubad ang wedding gown na suot ko at nagbihis. "Pupunta ako ngayon kay Reid."
Natuloy ang pag-alis ni Bianca papuntang Canada kinabukasan matapos ang proposal sa kanya ni Reid. Wala pa siyang alam sa pinagbubuntis ko. Ang alam lang niya ikakasal na kami ni Reid dahil yon lang tanging binigay na rason niya kay Bianca nang makipaghiwalay siya sa over the phone. Kung nandito man ngayon si Bianca, siguradong hihingi siya ng mas malinaw na paliwanag mula kay Reid. O baka mas sobra pa roon.
"Huminahon ka nga Sizzy." Pagpipigil sa'kin ni Megan nang akmang aalis na ako. "Hindi ka naman siguro magagawang talikuran ni Reid dahil lang sa pagdating ni Bianca. Tandaan mong mas may laban ka sa kanya dahil sa pinagbubutis mo. Magtiwala ka kay Reid."
Alin man sa mga sinabi ni Megan ay walang nagawa para kumalma ako. Hindi ko mapigilang mag-isip pa rin ng kung anu-ano. Hindi maalis ang pangamba ko... na baka sa isang iyak lang at paki-usap ni Bianca, baka bumigay na si Reid... baka iwanan na niya ako... baka hindi na matuloy ang kasal.

BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
Genç Kız EdebiyatıAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.