THIRTY-ONE:
Napapatitig ako sa mukha ni Pepper na tuwang-tuwa nang nilapag ko siya sa mat kung saan malaya siyang makakagapang. Hindi ko pinalalagpas ang ganitong pagkakataon kaya't kinuha ko agad ang camera sa drawer ko at agad na kinunan ng video si Pepper. Balak ko kasing icompile lahat ng video niya simula pa noong bago pa siyang panganak hanggang sa ngayong lumalaki na siya.
Habang tuloy lang ang paggapang at paglalaro ni Pepper, inisa-isa ko ng tingin ang mga kuhang video mula sa pinakabago hanggang sa pinakaluma. Sa pag-iisa-isa ko, nahalukal ko pati ang video namin noong magkakaibigan. Napapangiti at natatawa na lang ako sa kung gaano kami kabaliw noon. Ito 'yong mga panahong buong-buo pa ang pagkakaibigan namin, at wala pang malaking pader sa pagitan naming dalawa ni Reid. Isang malaking panghihinayang ang naramdaman ko habang pinapanood iyon.
Natigilan din ako sandali nang napanood ko ang sumunod na video. Kuha iyon nang maglasing kaming magkakaibigan –ang unang beses na tumikim at uminom ako ng alak. Sa sobrang kalasingan ko, nagpasama ako kay Caleb at Megan na magpatattoo. Medyo malikot ang camera na si Caleb ang may hawak habang maingay ang background sounds dahil sa pagtalak ni Megan habang nagsasalaysay si Caleb ng nangyayari. Pabalik-balik sa'kin, kay Megan at sa tattoo artist ang focus hanggang sa naging steady iyon sa batok ko kung saan iniiprinta na isa-isa ang apat na letra ng pangalan ni Reid. Matapos ang matagumpay na pagpapatattoo ko, humarap ako sa camera't sumigaw ng malakas kung gaano ko kamahal si Reid at siya lang ang tanging taong gusto kong pakasalan.
Matapos ang pinapanood ko, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Parang pinaalala kasi nito ang kung ano mang eksaktong nararamdaman ko noon. Parang kailan lang, si Reid ang mundo ko... Siya lang ang tanging lalakeng perpekto sa paningin ko at wala ng iba. Siya lang ang tanging gusto kong pakasalan at maging ama ng magiging mga anak ko. Siya lang...
"Iha, Sizzy..."
Naputol ang malalim kong pag-alala sa nakaraan nang biglang pagsulpot ni manang Lydia sa harapan ko. Ni hindi ko namalayan ang pagkatok niya't pagpasok dito sa loob ng kwarto.
"Bakit po 'yon manang?" tanong ko agad sa kanya. Napansin ko agad na parang problemado ang mukha niya.
"Magpapaalam sana ako. Tumawag kasi ang anak ko, sinugod daw nila ngayon sa ospital ang asawa ko dahil sa biglang paninikip ng dibdib at hindi makahinga... Maayos naman po siya ngayon, kaso lang, wala ngayong magbabantay sa kanya sa ospital, dahil 'yong nag-iisa kong anak ay di na ho pinapayagan ng amo niya na umabsent bukas sa trabaho. Kaya, pwede bang aalis ako ngayon at hindi muna ako makakapasok ngayon at sa susunod na araw?"
Bigla naman akong naawa kay manang. "Oo naman po, manang. Kailangan ka ng pamilya mo roon kaya siyempre naiintindihan ko."
"Pero, paano po si Pepper bukas kay sir Reid?" nag-aalalang tanong ni manang na siyang nagustuhan ko kay manang na parang pamilya na rin kami kung ituring. Sabado na kasi bukas, at ayon sa napagkasunduan namin ni Reid, ngayong weekends, gusto niyang makasama ulit si Pepper. Tatlong araw na rin kasi ang lumipas nang huli niyang makasama ang anak niya.
"Huwag mo na 'yong alalahanin. Ako na ang bahala roon." Sagot ko sa kanya kahit na wala pa rin akong ibang maisip na paraan kung anong gagawin.
Matapos makaalis ni manang, kinuha ko ang cellphone ko para sana tawagan si Reid, pero mas minabuti ko na lang na itext siya dahil siguradong hindi na naman niya sasagutin ang tawag ko. Bumuo ako ng mensahe na pinapaalam sa kanya ang sitwasyon bukas na wala si manang para samahan si Pepper sa puder niya.
Ilang minuto lang matapos kong maisend sa kanya, nagring na ang cellphone ko.
"Bakit daw hindi pwede si manang bukas?" agad na bungad ni Reid sa kabilang linya. Iritable ang boses niya na dahilan na naman para hindi ako maging komportable na kausap siya.
BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
ChickLitAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.
