Chapter 14

608 17 0
                                        

FOURTEEN:

"Sizzy, ano sa tingin mo ang magandang venue para sa proposal ko? At anong set-up ang gagawin natin? May naisip ka na ba?"

Malapit na namang magdilim dahil mag-aalasais na ng gabi pero hindi ko pa rin magawang makaalis sa bahay nina Kurt at Megan. Tuloy ang pangungulit sa'kin ni Reid tungkol sa plano niyang proposal kay Bianca.

"Ano ba ang mga gusto ni Bianca? Anong hilig niya?" tanong ko na walang magawa sa kung ano mang napasukan kong sitwasyon. Daig ko pa ang martyr sa ginagawa kong pagtulong sa sa kanya.

"Hindi ko alam. Siguro kahit ano namang romantic places gusto ng mga babae. Right?" sagot ni Reid na halatang puno pa rin ng excitement ang mga mata.

"Hindi mo alam?!" Biglang singit ni Megan na kanina lang na umaga nalaman ang tungkol sa proposal. Wala itong masyadong naging reaksyon at naging tahimik lang simula kanina. Ngayon lang siya nagsalita at nakisali sa pagpaplano namin ni Reid na para bang hindi na niya nakayanan na hindi magkomento. "Reid naman, mas maganda sigurong magpropose ka na lang kay Bianca kapag alam mo na ang mga hilig at gusto niya. Baka hindi pa ito ang panahon dahil parang masyado pa yatang maaga."

"Wala akong ibang nakikitang tamang panahon kundi ang ngayon. Tulad ng sinabi ko kay Sizzy, sigurado na ako sa bagay na 'to." Awtomatikong sagot ni Reid kay Megan. "Kung pwede ngang bukas ng gabi ako magpropose, gagawin ko."

"Baka pwedeng pag-isipan mo na muna ng ilang ulit ang bagay na 'to. You're just 23, at marami pang pwedeng mangyari o magbago. Paano kung hindi pala si Bianca ang taong para sa'yo?" sabat din ni Kurt na hindi na rin nakapagpigil magsalita. Kitang-kita ko sa mukha nila ang pagtutol na hindi ko magawang maipakita kay Reid.

"Ba't ba parang hindi niyo ako maintindihan na ginagawa ko 'to para hindi na mawala pa sa'kin si Bianca. Dahil takot ako na mangyari ang sinasabi niyong pagbabago na 'yan. Kaya habang maaga pa, gusto ko ng siguraduhing kami na talaga ang magkakatuluyan. Siya lang ang gusto ko."

Hindi ko alam kung paano ko pa nakakayanang tumayo at pakinggan ang bawat lumalabas sa bibig ni Reid na kasalukuyang parang mga malalakas na suntok sa dibdib ko.

"Ba't hindi na lang kayo maging masaya para sa'kin. Suportahan niyo na lang ako tulad ng ginagawa ni Sizzy."

Sa sinabing iyon ni Reid, napatingin na lang sa'kin si Megan at Kurt na para bang sila ang nasasaktan para sa'kin.

Napabuntong hininga si Megan na para bang nagpapakalmado saka muling nagsalita. "May kilala akong magaling na event organizer sa ganyang bagay para sila na ang mabusising nagpaplano nito."

Kahit hindi masabi ni Megan at Kurt, alam kong ako lang naman ang inaalala nila. Kung may event organizer, nangangahulugan lang iyon na hindi na ako kukulitin pa ni Reid sa pagpaplano ng proposal na siyang napakahirap para sa'kin.

"Ayoko ng event organizer. Mas gusto kong maging simple lang 'to. Mas maganda, meaningful at memorable kung alam kong ako mismo ang naghirap at sa tulong niyo na rin—"

"Pero Reid—"

"Tama si Reid." Mabilisang singit ko bago pa man magkasagutan si Reid, Megan at Kurt dahil lang sa lihim nilang pagsasalba sa'kin. "Mukhang may punto naman si Reid at wala akong nakikitang problema roon. Walang problema sa'kin."

Sa sinabi kong iyon, may pag-aalinlangan pa rin sa mukha ng dalawa pero napilitan na ring sumang-ayon dahil sa'kin na rin nila narinig ang pagpayag.

***

"Ano bang katangahan mo 'yon kanina?" sumbat agad sa'kin ni Megan nang makasakay kaming pareho ng kotse niya para ihatid ako. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataong sitahin ako ngayong wala na si Reid at kaming dalawa na lang. "At gusto mo pa talagang makisali sa pagplano ng proposal ni Reid kay Bianca?!"

"Para namang may magagawa ako sa bagay na 'yon..."

"May magagawa ka! Pwedeng-pwede kang tumanggi kung gugustuhin mo. Sinubukan ka pa nga naming tulungan ni Kurt, pero anong ginawa mo, nagpakabayani ka pa rin."

Alam kong may punto si Megan, dahil kung tatanungin naman talaga ako, hindi ako masaya na magpaka-organizer o cheerer ni Reid sa gagawin niyang pagpropose.

"Ba't hindi mo na lang sabihin kay Reid 'yang nararamdaman mo sa kanya, nang sa ganoon maging aware naman siya na nasasaktan ka na niya."

"Sa tingin mo hindi ako masasaktan kapag nagtapat ako sa kanya? Dahil kahit na ilang ulit kong sabihin sa kanyang mahal ko siya, si Bianca pa rin ang gugustuhin niyang pakasalan."

"Pero pwede naman nating isabotahe para walang maganap na proposal o kasalan, tulad na lang nitong ginawa ko..." walang halong birong sabi ni Megan na hawak-hawak ang engagement ring ni Reid.

Namilog ang mga mata ko na hindi agad makapagsalita. Napatitig muna ako ng matagal sa sing-sing para siguraduhin kung totoo nga ang nakikita ko... at tama nga.

"Anong ginawa mo Megan?! Paano mo—" Ni hindi ko madugtungan ang sasabihin ko dahil pa rin sa pagkabigla. Alam kong puno ng kalokohan ang pag-iisip ni Megan, pero hindi ko inakalang magagawa niyang biruin ng ganito si Reid.

"Ibenta ko kaya 'to, sa tingin mo, magkano kaya?"

"Megan!" sita ko sa mataas na boses. Tawa ang naging unang sagot niya sa'kin.

"Relax, Sizz. Kahit kailan talaga, ang hirap mong biruin." Sambit niya na nagpapanatag sa'kin kahit papaano. Minsan kasi hindi ko na rin matukoy kung alin ang biro at seryoso sa kanya. "Siyempre ibabalik ko lang naman 'to kay Reid."

"At bakit mo naman naisipan ang ganyang klaseng trip? Siguradong natataranta na 'yon sa kahahanap niyan. Nakita mo naman kung gaano na siya kaatat na makapagpropose kay Bianca."

"Well that's my purpose... para maantala ang proposal niya nang makapag-isip-isip pa siya kung tama ba ang pinapasok niya." Taas-noong sabi ni Megan na hindi ko alam kung hahangaan o kaiinisan.

"Kailan mo ba 'yan balak ibalik?" tanong ko habang nakatitig sa sing-sing habang hawak-hawak pa rin ni Megan.

Sa halip na sumagot, kinuha ni Megan ang kamay ko na para bang nabasa ang kung ano mang nilalaman ng utak ko. Bago pa man ako makapalag, naisuot na niya sa daliri ko ang sing-sing na para kay Bianca.

"O, diba... sa'yo talaga 'yan nakasukat! Ikaw talaga ang nababagay kay Reid at hindi ang babaeng 'yon."

Sa minutong lumapat ng eksakto ang sing-sing sa daliri ko, para bang may kung anong namuhay na hindi ko maipaliwanag na panandaliang saya sa kaloob-looban ko.

Paano nga talaga kung may pag-asa pa pala ako kay Reid? Paano kung may chance pang mabago ang kapwa kapalaran namin?

"Huwag na lang kaya natin 'yan ibalik kay Reid." Muling sambit ni Megan na pinandilatan ko agad ng mata. Hinubad ko agad ang sing-sing at binalik sa kanya.

Sa halip na kunin, binalik lang ulit sa'kin ni Megan ang sing-sing. "Diyan mo na muna 'yan sa'yo. Bukas ko na 'yan ibabalik kay Reid. Pero habang hindi pa, itago mo na muna nang makapag-isip-isip ka rin kung dapat mo bang ipaglaban 'yang nararamdaman mo para kay Reid."

Alam kong tamang gawin ang tumanggi at ibalik ang sing-sing, pero hindi ko alam kung bakit o paanong hindi ko sinunod ang alam kong tama. Hindi nga ako tumango ng pagpayag, pero ang pananahimik ko na walang pagtutol ay parang ganoon na rin.

Nang maihatid rin ako ni Megan sa bahay, kasama kong inuwi ang sing-sing. Alam kong sa ginawa ko, para na rin akong nakipagsabwatan. Kaya kung may tanging bagay man na nagpapapanatag sa konsensiya ko yun ay ang isiping ibabalik lang naman ang sing-sing.

-------SIZZY------

-------SIZZY------

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Stumble & FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon