TWENTY-FIVE:
One Year Later
Nangangatog na ang tuhod ko. Ramdam ko ang nagpapabilisang pintig ng pulso ko. Hirap akong huminga habang tumatagaktak ang pawis sa buo kong katawan. Kaunti na lang, parang malapit na akong takasan ng malay. Pero nanlalaban ako. Determinado akong tapusin ito na hindi sumusuko.
"Kaya pa Sizzy?" tanong sa'kin ni Jarred na wala man lang bakas ng pagod di tulad ko.
Kasalukuyan kaming umaakyat ng bundok na isa sa pinagkakaabalahan ko na ngayon, bagay na nakakagulat dahil alam ko at alam ng lahat kung gaano ko kinakaayawan ang ganitong klaseng activity. Naalala ko pa nga noon ang ilang ulit kong pagrereklamo kay Nana sa pamimilit nitong isama ako sa pag-akyat ng bundok. Ngayon, heto na ako, nahihirapan man pero kinakaya ang lahat.
"Kaya ko pa." hinihingal na sagot ko habang tinatanaw ang mga kasama namin na naabot na ang tuktok.
"Magsabi ka lang, dahil baka mawalan ka na naman ng malay diyan... mahirap na." pang-aasar nito na inuungkat ang nangyari noong unang beses na makasama niya ako sa pag-akyat ng bundok.
Si Jarred ang rason kung bakit nakahiligan ko na ngayon ang ganitong klaseng paglilibang. Nahawaan niya ako ng pagiging adventurous at sporty niya na handang subukan kahit anong bagay.
Noon pa man, madalas ko na siyang makita kapag may mga okasyon sa bahay ni ate Chloe. Isa rin kasing De Lara si Jarred, pamangkin ng kilalang de Lara na nagmamay-ari ng malalaki at nangungunang negosyo dito sa bansa. Pero sa halip na magtrabaho sa kompanya ng pamilya, mas pinipili ni Jarred ang malayang buhay... hands on na tumutulong sa mga charity, nililibot ang bawat parte ng Pilipinas, maging ang ibang bansa na may misyong tumulong.
"Bubuhatin mo naman ako kung sakali man di'ba?" ganti ko na mas ginanahang humakbang paakyat.
"Oo, sana kung kasing payat ka noong huling akyat natin. Pero dumagdag ka ngayon e. Lumapad pa."
Nahampas ko siya sa braso. "Exaggerated! Tumaba nga ako, pero konti lang naman. Kung makapagsalita ka, akala mo naman balyena na ako ngayon."
"Bakit hindi pa ba?" pag-aasar ulit nito bago ako tinalikuran.
Sa sobrang inis ko, hinabol ko siya para bigyan ulit siya ng maraming hampas. Bigla't bigla, naging malalaki ang hakbang ko at mas mabilis. Buong atensyon ko ay nakafocus lang sa paghabol kay Jarred. Kaya naman, nagulat na lang ako sa sarili ko nang mapansin kong naabot ko na rin pala ang tuktok ng bundok sa kakahabol kay Jarred.
Biglang gumaan ang pakiramdamam ko nang makita ko ang payapa at napakagandang tanawin. Iyong asul na langit at puting ulap na tumatagpo sa asul na dagat... habang may mga ibon na nagliliparan... at malamig na hanging sumasalubong ng malaya sa mukha't buhok ko... ang sarap sa pakiramdam tulad ng mga nauna kong pag-akyat. Para akong ipinanganak ulit... bagong buhay.
Mula sa magandang tanawin na nakakamanghang pagmasdan, nalipat kay Jarred ang paningin ko na abala sa pakikipagtawanan sa ibang mga kasama namin. Naririnig ko ang mga banat niyang biro kaya't parang nahawa na rin ako at lihim na natawa. Sadyang malakas rin talaga siyang mang-alaska, bagay na nagustuhan ko rin sa kanya.
"O, baka matunaw na 'yang pinsan ko sa kakatitig mo."
Napalingon ako sa likuran ko kung saan nakangisi sa'kin si ate Chloe at makahulugan ang mga ngiti. "Ito na ba 'yong part na kikiligin ako dahil aaminin mo na rin sa'kin na may gusto ka na kay Jarred?"
Sasagot sana ako pero nanguna lang ang ngiti sa labi ko. Kitang-kita ko kasi ang di makakailang kilig mula kay ate Chloe na tinalo pa ako. Pero hindi ko rin naman talaga siya masisisi dahil siya mismo ang numero unong kupido namin ni Jarred. Siya ang dahilan kung bakit at paanong nagsimula kaming magdate na dalawa.

BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
ChickLitAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.