TWENTY-ONE:
Halos mag-iisang oras na akong nakabantay sa cellphone para sa text o tawag ni Reid pero wala pa rin.
Dalawang araw na ang nakararaan simula ng mangyari ang komprontasyon ni Bianca. At simula rin noong gabing iyon, parang biglang lumamig ang pakikitungo sa'kin ni Reid. Nawala na yong pagiging mapag-alaga niya na parati akong tinatawagan para icheck.
Hindi kaya nagbago na ang isip niya? Paano kung nakipagbalikan na siya kay Bianca?
Napapailing ako sa kapraningang sumusulpot sa utak ko. Dapat kong initindihin ang pinagdadaanan ngayon ni Reid na nahihirapan at nasasaktan pa rin sa nangyari. At mas makakatulong kung pababayaan ko muna siya sa ngayon.
Isang katok sa pinto ng kwarto ko ang nagpatigil sa'kin sa pag-iisip.
"Bakit kuya?" tanong ko kay kuya Gian ng siya ang mapagbuksan ko.
"Sinisilip ko lang kung okay ka, napansin ko kasi na kahapon ka pang hindi naglalalabas ng kwarto mo. Masama ba ang pakiramdam mo?"
"Hindi naman kuya. Ayos lang ako at ang baby ko." Nakangiting sagot ko habang hinihimas ang maliit pa ring tiyan ko. Masuwerte ako sa pamilya ko na tanggap at nakasuporta lang sa kung ano mang pagbabago ngayon sa buhay ko.
"E kayo ni Reid, ayos lang ba kayo?" tanong ni kuya na mukhang napansing may kakaiba sa'min ni Reid. "Hindi ko siya nakikitang dumadalaw dito..."
"Busy lang siya kuya, pero maayos naman kami—"
"Ayoko lang na malalamang sinasaktan o niloloko ka niya. Dahil kapag pinaiyak ka niya, sinasabi ko sa'yo na mabubogbog ko ang lalaking 'yon."
Ang pagkakaalam ni kuya, may relasyon kami ni Reid bago pa man mangyari ang pagbubuntis ko dahil iyon ang sinabi namin sa kanila. Hindi na namin sinabi na isang aksidente lang ang nangyari dahil pagmumulan lang yon ng komplikasyon.
"Kuya naman!" kunot kong suway sa kanya na naiintindihan kong may pagka-overprotective na kapatid. "Hindi 'yon magagawa ni Reid sa'kin. Kilala mo naman siya diba..."
Sa matagal-tagal na naging kaibigan ko si Reid, siya lang ang tanging lalaking pinagkakatiwalaan noon ni kuya Gian na lumapit sa'kin, dumalaw sa bahay at maghatid-sundo. Pero matapos niyang malamang nabuntis ako ni Reid, biglang parang bumaba ang tiwala na 'yon...
"I just can't believe na bubuntisin ka lang ng lalaking 'yon matapos kong ibigay sa kanya ang tiwala ko." Muling saad ni kuya na hindi mapigilang maglabas ng hinanakit.
"Pero kuya, pakakasalan niya naman ako. Isa pa, mahal ko siya at... mahal— mahal din niya naman ako." Pagtatanggol ko kahit na walang katotohanan ang huling sinabi ko. Mas mabuti ng hindi niya alam ang totoo... na si Reid talaga ang biktima sa'ming dalawa at hindi ako. "Kuya, hindi mo na kailangan pang mag-aalala... pwede ba 'yon?"
"Okay." Sambit din niya na napilitan na rin lang pumayag sa'kin. "Basta't kung anong makapagpapasaya sayo..."
Napayakap ako kay kuya pero kumalas din ng may maalala ako. "Nakausap ko nga pala si ate Aries, sa makalawa na ang dating niya."
May kung anong kislap akong nakita sa mga mata ni kuya Gian sa pagbanggit ko ng pangalan ni ate Aries pero wala siyang sinabi. "Free ka ba sa makalawa para sunduin siya dahil kung hindi, si kuya Jake na lang—"
"I'm free. Ako na ang susundo sa kanya sa airport." putol sa'kin ni kuya na para bang sabik kay ate Aries.
"Okay." Saad ko sa patay-malisyang tono kahit na gustong-gusto ko siyang tuksuhin. "Miss mo na rin ba si ate?"
"Oo naman." Matipid na sagot niya na hindi ko na pinalagpas pa.
"Gaano mo kamiss?" hindi ko na naitago ang panunukso sa tono ng boses ko na agad ikinakunot ng noo ni kuya. Sinabayan ko rin ng pangingiliti sa kanya na parang bata. "Posible bang magkabalikan kayo?"
"Pwede ba Sizzy..." mapagbanta ang tingin ni kuya pero sa halip na tumigil mas naging makulit ako.
"Solid team Giaries ako kuya! Kaya kahit yata imposible, umaasa pa rin akong magkakabalikan kayo. Number one shipper niyo kaya ako." Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang nakita kong bahagyang pagngiti ni kuya Gian matapos ang sinabi ko. "Ngumiti ka ba kuya? Kinilig ka ba sa sinabi ko?"
"Stop it Sizzy..." mas seryoso na ang pagpapatigil sa'kin ni kuya na tinalikuran ako at tinungo ang pintuan. "Marami pa nga pala akong gagawin."
Naiwan akong tawang-tawa sa nasaksihan kong obvious na denial ng kapatid ko. Siya ang tipo ng taong seryoso at mahirap biruin, kaya nakakatuwang malaman base sa naging reaksyon niya na pwedeng totoo nga ang hinala kong may nararamdaman pa si kuya kay ate Aries.
Susundan ko sana si kuya para ipagpatuloy ang pang-aasar sa kanya pero si kuya Jake ang nakasalubong ko.
"Nandiyan sa baba ang fiancé mo." Aniya na ikinatuwa ng puso ko. Ni hindi ko napansing patakbo ko na palang pinuntahan ang kinaroroonan ni Reid.
Dalawang araw ko lang siyang hindi nakita pero parang linggo yata ang dumaan sa kung paano ako manabik sa kanya ngayon.
"Reid..." biglang parang nanginginig ang boses ko sa pagsambit sa pangalan niya. Hindi lang kasi ako makapaniwala na siya ang nakikita ko sa mismong harapan ko na may hawak na bouquet ng bulaklak. "Para— kanino ba 'yan...?"
Gusto kong pagtawanan ang sarili ko sa klase ng tanong ko. Pero, ayoko lang na mag-assume. Paano kung para kay Bianca pala ang bulaklak, at naparito lang siya para sabihing babalikan na niya si Bian—
Natigil ang kung ano-anong pinag-iisip ko nang humakbang palapit sa'kin si Reid at sinagot ang katanungang gumugulo sa utak ko. "Para sa'yo 'to Sizzy."
Parang nabuhay ang dugo ko sa katawan at umakyat sa pisngi ko. Ito ang unang pagkakataon na binigyan niya ako ng bulaklak.
"Para saan?" hindi ko mapigilan ang maging matanong.
"Gusto ko lang magsorry. Sa pagsusungit ko sa'yo ng gabing 'yon. Ni hindi kita hinatid pauwi. I'm so sorry."
Tinanggap ko ang inaabot niyang bulaklak kasabay ng pagtanggap ko ng sorry niya. "Wala naman sa'kin 'yon. Naiintindihan ko ang pinagdadaanan mo. Alam ko namang mahirap para sa'yo ang nangyayari..."
"Pero sa'yo din naman. Pareho lang tayo." Dugtong sa'kin ni Reid. "Kaya naman gusto ko sanang bumawi. Sumama ka sa'kin."
Inabot ni Reid ang kamay ko at napasama na rin lang ako nang hinila niya ako palabas. Para akong malulunod sa nakakapanibagong kinikilos niya na kanina lang ay binigyan ako ng bulaklak, at ngayon naman ay hawak-hawak ang kamay ko.
Napasakay na rin lang ako ng kotse niya nang pinagbuksan niya ako ng pinto. "Saan tayo pupunta?"
Sumakay rin muna siya bago sinagot ang tanong ko. "Manonood tayo ng sine. And after that, we'll have a dinner date."
Parang dumoble ang tibok ng pulso ko sa sinabing iyon ni Reid. Sandali akong natigilan na hindi ko alam kung papaniwalaan ko ba ang naririnig ko sa mga oras na 'to. Nananaginip ba ako?
Mukhang nahalata din ni Reid ang pagkabigla ko, kaya agad siyang nagpaliwanag. "Alam kong maninibago ka dito, Sizzy dahil hindi 'to tulad ng dati na lakad barkada lang... Pareho lang tayong kaibigan ang tingin sa isa't isa... But I think, we need to give this a try. Kailangan nating subukan, para sa magiging anak natin. What do you think?"
Parang gusto kong tumalon sa kinauupuan ko at magsisigaw sa tuwa, pero nagpigil lang ako at nilunok ang lahat ng excitement na nararamdaman ko. Nang hindi pa ako nakaimik, muling nagsalita si Reid.
"Sa tingin mo, posible bang magkaroon ng tiyansang magustuhan din natin ang isa't isa? Hindi pa man ngayon, pero baka balang araw?"
"Si—guro... Siguro naman. Oo." Nabubulol na sagot ko. Kung alam lang niya na walang kapoproble-problema sa panig ko dahil matagal na akong may gusto sa kanya.
Ikaw lang naman Reid ang hinihintay kong magkagusto sa'kin.
Napalunok ako bago muling magsalita. "At sa tingin ko, tama ka nga. Para sa magiging anak natin. Gusto ko rin siyang mabigyan ng buo't masayang pamilya... Yong may pagmamahal."
"Then we'll do it." Sambit ni Reid matapos marinig ang pagpayag ko. "Bigyan natin ng chance ang isa't isa."
Napangiti ako. Pakiramdam ko naaayon ang lahat sa gusto ko, na para bang binibigyan ako ng pagkakataon na tuluyang mapasa'kin si Reid. Kaya gagawin ko ang lahat para samantalahin 'to... Mamahalin din ako ni Reid. Mamahalin din niya ako...
![](https://img.wattpad.com/cover/112634656-288-k343005.jpg)
BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
ChickLitAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.