Chapter 22

513 11 2
                                        

TWENTY-TWO:

Maganda ang gising ko kinabukasan. Pagkamulat ko pa lang ng mata, wala ng ibang laman ulit ang utak ko kundi si Reid na awtomatikong nagpangiti ng umaga ko.

Sariwa pa sa memorya ko ang mga nangyari kagabi. Hindi pa rin ako makapaniwala na isang date ang nangyari sa'min na ibang-iba sa labas na ginagawa naming dalawa noon bilang magkaibigan. Masaya akong binubuksan ni Reid sa wakas ang puso niya sa'kin.

Wala kaming ibang pinag-usapan kundi ang magiging kinabukasan namin matapos kaming ikasal. Napagkuwentuhan namin ang ilang plano sa kung paano namin patatakbuhin ang bubuohin naming pamilya kasama ang magiging anak namin.

Walang makakapagpaliwanag kung gaano ako kasaya. Napayuko ako at hinimas ang pinagbubuntis ko na siyang dahilan ng lahat ng pagbabagong ito sa buhay ko.

Napatitig din ako sa mga nakahilerang wedding invitation na handa na ngayong ipadala sa mga dadalo sa kasal. Konting araw na lang magiging misis na ako ni Reid.

"Mrs. Alvarez..." bulong ko sa sarili na napakasarap pakinggan.

"Mukhang ang saya ng umaga ng munting dalagita ko."

Nangingiting nilingon ko si Dad na sumulpot mula sa likuran ko. Malambing na niyakap ko siya't hinalikan.

"Munting dalagita?" pagpupuna ko sa kung paano niya ako tawagin.

"O bakit? Kahit malaki ka na, ikakasal ka na, at kahit magiging ina ka pa, hindi magbabago ang katotohanang ikaw pa rin ang bunso ko. Ang munting dalagita ko."

"Paano ba 'yan Dad, mawawala na ang bunso mo dito sa bahay sa oras na maikasal na ako. Mamimiss mo ako niyan!" sambit ko na may paglalambing. Kasama sa napag-usapan namin ni Reid na sa kanila na ako titira. Bagaman nakakalungkot na ibang bahay na ang uuwian ko, mas nangingibabaw pa rin ang saya't excitement ko na makasama si Reid sa iisang bubong bilang asawa't bagong pamilya. "Huwag kang mag-alala Dad, dadalaw pa rin naman ako dito parati kasama ang apo mo."

Isang mapayapang ngiti ang sumilay sa labi ni Dad. "Alam mo bang matagal na panahon nang huli kong nakita 'yang klase ng saya't ngiti sa'yo ngayon... at 'yon 'yung panahong kompleto't buo pa tayong pamilya kasama ang mommy't ate Aries mo. Ngayon lang kita ulit nakita na ganito kasaya simula nang araw na 'yon, Sizzy. And it looks like I owe it Reid."

"Dad..." naiiyak na sambit ko habang mas humigpit ang yakap ko sa kanya.

"Wala akong tutol kay Reid na may kakayahang pasayahin ka ng sobra-sobra. Kitang-kita ko kung gaano mo siya kamahal. Alam kong magiging mabuti kang asawa't ina tulad ng mommy mo. Ngayon palang, I'm proud of you..."

Hindi ko magawang makapagsalita o ngumiti man lang sa sinabing iyon ni Dad. Kung malalaman lang niya sa kung paanong paraan ko nakuha si Reid, sasabihin pa rin kaya niya iyon sa'kin? Maipagmamalaki pa kaya niya ako?

Pilit kong binura ang negatibong bagay na umuusbong sa isip ko. Masyado ng huli para ngayon palang sumiksik ang konsensiya sa pagkatao ko.

"Tama na nga itong drama natin Dad," pag-iiwas ko kasabay ng pagbitaw ko sa pagkakayakap sa kanya. Humiwalay ako sa kanya at pumunta sa kusina na abot tanaw pa rin naman niya. "I'll bake some cupcakes for Reid, gusto mo rin ba Dad?"

Isa-isa kong nilabas at inipon ang mga gagamitin na ingredients at kasangkapan.

"Huwag na. Bawal na sa'kin ang matatamis." Sagot ni Dad na bago umakyat ng hagdan para bumalik sa kwarto niya. "Mukhang dapat pagluluto ang dapat mong pagtuunan ng pansin. Mag-aasawa ka na kaya dapat lang na marunong ka na kahit man lang ang magsaing ng bigas. Ikaw din, iiwanan ka ni Reid dahil lang sa wala kang matinong mapakain sa kanya."

Stumble & FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon