TWENTY-EIGHT:
"Reid, please mag-usap tayo..." nagawa ko muling mailabas ang boses ko sa kabila ng pananaboy na mga tingin na binibigay sa'kin ni Reid.
Humakbang ako papunta sa kanya pero bago pa man ako makalapit muli siyang nagsalita.
"At ano naman ang pag-uusapan natin ngayon? Iisa-isahin ba natin lahat ng mga nagawa mo sa'kin noon? Mula sa pagpapaikot at panloloko mo, hanggang sa kung paano mo sinira ang magagandang nangyayari sa buhay ko? Tahimik ngayon ang buhay ko Sizzy, huwag mo na ulit guluhin pa."
Kailangan kong tiisin, lunukin, at tanggapin ang lahat na masasakit na salitang matatanggap ko sa kanya dahil may karapatan siyang saksakin ako ng mga nakakasugat na birada niya.
"I'm sorry." tanging nasabi ko. Ito lang ang tanging salitang kaya kong sabihin sa lahat ng nagawa ko sa kanya.
"Sorry? Sa tingin mo mabubura niyan ang lahat ng nangyari? Sa tingin mo mababalik ng sorry na 'yan si Bianca? Wala na Sizzy. Tinanggal mo sa'kin 'yong karapatan kong lumigaya. Ni hindi ko na nga alam kung paano pa mabuhay ng parang normal. Miserable na ako ngayon, Sizzy... thanks to you!"
Mula sa matinding galit, nakita ko ang matinding lungkot sa mga mata ni Reid. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong pinagdaanan niya sa nagdaang taon, pero habang tinitignan ko siya ngayon, sigurado akong hindi naging madali sa kanya ang lahat.
Humakbang palapit sa'kin si Reid na nagtatagis bagang muli sa galit. Isang dangkal lang ang lapit ng mukha niya sa'kin kaya kitang kita ko kung gaano niya ako kamuhian. "Kung inaasahan mong mapapatawad kita ng ganoon na lang, nagkakamali ka. Hindi ko kayang ibigay sa'yo 'yon."
Ramdam na ramdam ko ang bawat pait sa likod ng mga salita ni Reid, dahilan para umapaw na rin ang emosyong kanina ko pa pinipigilan. Unti-unting lumalabo ang paningin ko dala ng naiipong luha sa mga mata ko.
"Hindi ko rin namang inaasahang patatawarin mo ako, Reid. Alam ko kung gaano kahirap iyon para sa'yo. Ang sa'kin lang naman, sana... 'yang galit mong 'yan sa'kin, sana manatili lang na para sa'kin at hindi madamay pa ang anak natin. Wala siyang kinalaman sa kasalanan ko sa'yo."
Binantayan ko ang reaksyon ni Reid pero walang emosyon akong nakita mula sa kanya. "Wala akong anak sa'yo."
Parang hiniwa ang dibdib ko sa sinabi niyang iyon. Ito ang bagay na kinatatakutan ko. Tuluyan ng tumulo ang mga luhang pinakawalan na rin ng mga mata ko sa sobrang bigat.
"Meron. At ipapakilala ko siya sayo ng paulit-ulit hanggang sa matanggap mo siya." Napakahirap ipagpilitan sa isang tao ang isang bagay na ikinaaayawan niya, pero kagaya ng ipinangako ko sa sarili ko, pagtatiyagaan ko 'to at hindi susukuan alang-alang kay Pepper. Mabuti na rin na nangyayari 'to ngayong maliit pa siya't wala pang isip nang hindi niya masaksihan kung paano siya itakwil ng sarili niyang ama.
"Kasama ko siya ngayon." Muling sabi ko habang nananatili pa ring walang kaemo-emosyon ang mukha.
"Pwede ba Sizzy, huwag ka ng gumawa pa ng kung ano-anong paraan para lang makapasok kang muli sa buhay ko, dahil kahit anong gawin mo, hinding-hindi kita babalikan. Kaya umalis ka na't isama mo na rin 'yang anak mo. Hanapan mo na rin siya ng bagong ama, dahil wala kang mapapala sa'kin."
Nanikip ang dibdib ko sa kung gaano kahirap sanggain ang masasakit na salitang nilalabas ni Reid. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayaning magpakatatag sa pakikiusap sa kanya.
"Ikaw ang ama niya. At wala akong ibang gustong mangyari kundi ang lumaki siyang may kinikilalang ama na tanggap siya't hindi kinamumuhian." Pagpapatuloy ko sa kabila ng pagmamatigas niya. "Reid, hindi ko hinihiling na makipagbalikan ka sa'kin... ang pinagpapakiusap ko lang ay ang kilalanin mo rin siya."
BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
Chick-LitAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.