THIRTY-SEVEN
Reid's POV
Nagmamaneho ako ngayon papunta sa bahay ng Castañeda para sunduin si Pepper at manang Lydia. Dapat kaninang umaga ko pa sila susunduin, kaso kinailangan ako sa restaurant kaya hindi na ako nakasundo. Maggagabi na at ngayon lang ako nagkaroon ng oras kaya nagmadali na ako para ituloy pa rin ang planong pagkuha ko kay Pepper. Ayoko lang kasi sayangin ang pagkakataon na makasamang muli ang anak ko lalo na't ilang araw na rin ng huli ko siyang makita.
Sa pagdating ko ng bahay, naabutan ko sa sala si Xion, Sizzy at Pepper na kalong-kalong ngayon ni Jarred. Ilang minuto rin nilang hindi napansin ang pagdating ko kaya nagawa kong obserbahan kung paano tratuhin ni Jarred ang anak ko. Ilang beses niyang nagagawang pangitiin ng walang kahirap-hirap si Pepper na parang matagal ng komportable sa kanya na hindi man lang umiiyak habang karga niya.
"Tito, tito, tito Reid!" tawag ni Xion na siyang unang nakapansin ng presensiya ko sa may pinto. Agad siyang patakbong lumapit sa'kin at sinalubong ako ng high five. Hanggang sa hinila niya ako palapit sa kanila.
"Look, tito Reid..." muling sabi ni Xion na pilit kinukuha ang atensyon ko. Natuon naman ang tingin ko sa pinapakita niya. Isang robot na namamanipula sa pamamagitan ng remote control. "This is my new toy from tito Jarred. It's Awesome, right?!... And there's more. Wait, I'll get it in my room."
Patakbong umalis si Xion sa harapan ko paakyat sa kwarto nito para kunin ang sinasabi nitong pasalubong na galing kay Jarred. Kung pwede lang sabihin kay Xion na wala akong interes sa pagpapakita niya ng mga pasalubong sa kanya ni Jarred, ginawa ko na sana, pero siyempre iniisip ko rin naman ang mararamdaman ng paslit na bata.
Hindi ako nakatiis na kunin si Pepper mula kay Jarred. Walang sabing lumapit ako't kinuha ang anak ko.
"Akala ko hindi ka na darating para sunduin si Pepper." Sambit ni Sizzy na hindi inaasahang pupunta pa ako para sumundo. Wala naman kasi akong pasabi o kahit man lang tumawag sa kanya na mahuhuli ako ng dating. "Paano ba yan, umalis si manang. Pinayagan ko muna siyang umuwi dahil akala ko di mo na masusundo si Pepper."
"Hindi naman problema kung wala si manang Lydia dahil pwede ka naman. Ikaw na lang ang isasama namin." Pinal na sabi ko na hindi humihingi ng permiso kundi nag-uutos. Kung pwede lang sana na si Pepper lang ang isama ko, kaso hindi rin pwede. Siguradong hindi ko rin kakayaning mag-isa lalo na't wala sina lola Carmen at Emma sa bahay para umalalay.
"Kaso may lakad ako ngayon. Pwede naman sigurong bukas mo na lang ulit sunduin dito si Pepper." Sagot ni Sizzy na ngayon ko lang napansin na nakabihis nga siya. At gano'n din si Jarred na mukhang siyang kasama niya sa kung ano mang lakad na iyon.
Hindi pa ba malinaw sa kanya ang mga sinabi ko sa kanya nitong nakaraang araw?
"Icancel mo na 'yang lakad mo. Hindi pwedeng hindi ko makasama si Pepper dahil ilang araw ko na rin siyang di nakasama." Binigyan ko ng masamang tingin si Sizzy para iparating sa kanya na wala akong balak tumanggap ng pagtanggi mula sa kanya. Wala akong pakialam kung may date man sila ni Jarred, mas importante sa'kin ang hindi masayang pagkakataong makasama ko ang anak ko.
Nakita ko ang paghihirap sa pagdedesisyon niya pero sa huli, nagawa rin niyang tumango na napipilitan. Matapos sa'kin, bumaling siya kay Jarred na nagpapaalam sa apologetic na mukha. "I'm sorry pero hindi—"
"Naiintindihan ko. Don't worry about me, ayos lang naman. Marami pa namang araw." Sagot din ni Jarred na mabuting alam niya kung saan siya lulugar. Hindi rin naman kasi sila mananalo sa'kin kung sakali man.
"Pwede na ba tayong umalis?" sabi ko kay Sizzy sa naiinip na boses.
"Sandali lang. Aakyat lang ako para kunin ang dapat dalhing gamit namin ni Pepper." Usal ni Sizzy bago tumalikod at umakyat ng kwarto.
Naiwan akong kasama si Jarred kaya wala kaming nagawa kundi ang kausapin ang isa't isa. Simpleng pag-uusap lang naman 'yon pero mas maraming nasabi si Jarred na masasabi kong madaldal para sa isang lalake. Kakikilala lang namin, pero napakadali lang niyang naibahagi ang buhay niya't mga hilig niya. Sa kanya ko na nalaman na pinsan pala siya ni Chloe Tan na siyang kilala ko dahil ex-girlfriend ito ni kuya Gian at Kuya Jake. Magaan lang siyang kausap na siyang iniisip kong dahilan kung bakit komportable sa kanya ang mga Castañeda. Natigil lang ang pagsasalita niya nang biglang umiyak si Pepper sa hindi ko malamang dahilan.
"Sshh, what's wrong Pepper?" pabulong kong sambit habang hindi ko siya magawang mapatigil kahit anong paglilibang ko sa kanya.
Lumapit sa harapan namin si Jarred na sinubukan na ring aliwin si Pepper. Tangkang kukunin niya sa'kin ang anak ko nang hindi ko siya pinagbigyan.
"Ako ng bahala." sabi ko na para bang ayoko siyang bigyan ng pagkakataong maagaw niya sa'kin si Pepper kahit pa sabihing simpleng pagkarga lang ang pinag-uusapan dito.
"Baka lang may maitulong ako." Sagot ni Jarred na lumapit pa rin ulit. "Mas lumalala lang kasi ang pag-aaburido ni Pepper..."
"No, it's fine. Mapapatahan ko din siya." Usal ko nagpapakatigas. Ako ang ama kaya gusto kong ako rin ang makakapagpatahan sa sarili kong anak.
Humakbang ako palayo kay Jarred saka pinahiga ko si Pepper sa braso ko't idinuyan siya para patulugin. Antok ang nakikita kong dahilan ng pag-aaburido niya kaya sinusubukan ko siyang ihele.
"Hindi inaantok si Pepper." Narinig kong sabi ni Jarred na parang hindi rin matahimik habang pinapanood ako. "Kakagising lang niya kaninang alas tres, dalawang oras rin tumagal ang tulog niya kanina. Mukhang gutom lang talaga siguro siya –Ako na lang bahalang magtimpla."
Umalis na rin sa wakas sa harapan ko si Jarred pero iyon ay para gawin ang pagboboluntaryo niyang pagtimpla ng gatas. Ilang minuto lang nakabalik na rin siya dala ang inaalog na bagong timplang dede.
Kailan pa siya natutong magtimpla? Alam ba niya ang eksaktong sukat ng tubig at scoop ng gatas? Madalas ba niyang ipagtimpla si Pepper?
"Sigurado ka na tama ang pagkakatimpla mo?" awtomatikong tanong ko nang ialok niya ang dede. Nag-aalinlangan akong tanggapin 'yon hindi dahil sa pagdududa kundi dahil sa pride.
"Oo. Ilang beses ko na ring naipagtimpla si Pepper noon." Pagsisigurado niya. Wala pa sana akong balak kunin 'yon kaso si Jarred na mismo ang nagsubo ng dede sa bibig ni Pepper. Hindi na ako umangal pa dahil tama si Jarred... gutom na nga si Pepper base sa kung paano niya di mabitaw-bitawan ang pagsupsop sa dede.
Tuluyan ko ng binawi ang paghawak ng bote mula kay Jarred. Isang kamay ko nakasuporta kay Pepper habang ang isa naman ay nakahawak sa bote ng dede.
Nang akala ko tatahimik na si Jarred, muli na naman itong nagsalita. "Pwede mong ihiga si Pepper sa sofa para mas komportable siya't hindi ka mahirapan. Pansin ko lang kasi na hindi siya makadede ng maayos."
Sa pangatlong pagkakataon, tama at may punto na naman si Jarred, kaya kahit na gusto ko sanang magmatigas, wala akong magawa dahil siya ang tama. Ganito na ba siya kaeksperto sa pag-aalaga ng bata –kay Pepper? Siya ba ang pumalit sa pagiging ama ko sa lumipas na buwan simula ng maipanganak si Pepper?
Pinahiga ko si Pepper sa sofa tulad ng sabi ni Jarred saka pinadede. Hanggang sa nakabalik na rin si Xion na dala-dala ang ilang laruan na pinagsiksik niya sa sako ng isang malaking bag. "Look tito Reid..."
Isa-isa niyang nilabas ang mga laruan niya na galing kay Jarred pati rin ang laruan ni Pepper na galing rin daw dito. Tango lang ako ng tango na hindi masyadong nagkokomento. Magagara nga naman talaga ang mga laruan at mga mamahalin. Kaya mukhang hindi na ako magtataka kung bakit niya nakuha ang loob ni Xion.
Kung kanina nasa akin ang atensyon ni Xion dahil sa pagbibida niya ng mga bago niyang laruan, nalipat naman ang atensyon niya kay Jarred nang mapansin niyang hindi na ako masyadong sumasagot sa kanya.
"Tito Jarred, help me build this ship." Baling niya sa paborito niyang tito para magpatulong sa pagbuo ng puzzles.
Habang tuloy lang ako sa pag-aasikaso kay Pepper, pinapanood ko na rin si Xion at Jarred na magkasundong magkasundo sa ginagawa. Parang noong isang araw lang, sa'kin naghahabol at nangungulit si Xion...

BINABASA MO ANG
Stumble & Fall
ChickLitAng tanging gusto lang naman ni Sizzy ay ang magustuhan at mahalin ni Reid. Pero mukhang kahit anong gawin niya, 'yon ang bagay na pinakamalabong mangyari.