LABAN NATING DALAWA

305 8 0
                                        

Ang paligid nati'y luntian
Sariwa ang hangin na parang tatangayin
Sa ilalim ng punong kahoy
Magkasamang nakahiga at nagmamasid sa mga dahong masisigla
Sa gilid ng dalampasigan
Magkasamang nagmumuni muni
Hanggang sa palubog na ang araw May bahid na ng kulay pula
Tayo ay patuloy na naghahabulan
Naghaharutan
Nagtatawanan
Masaya lang, walang pinoproblema
Magkasamang naglalaro, umaakyat sa mga puno
Naglalaro sa buhangin
Gumagawa ng mga kastilyo..
Mga batang wala pang kamalay malay sa mundo
Hindi alam kung anong dapat at hindi nararapat
Mga batang, isang sabi lang ng magulang agad na susunod..
Hindi natin namamalayan
Mabilis na lumipas ang araw
Ang dahon ay unti unti ng nalalagas
Hanggang sa ang ilog ay hindi na malinaw
At ang ating pagkakaibigan ay unti unti na rin palang nahihiwalay
At hindi na muling nagsama pa
Biglang naglaho, hindi na tayo nagkikita
At wala ng balita sa bawat isa..
Hindi ko mawari kung ano itong aking nadarama
Kaibigan lang naman tayo
Pero pakiramdam ko nawalan ako ng sigla
Ang tibok ng puso ko'y hindi ko na maunawaan
Hinahanap hanap kita..
At lumipas na naman ang panahon
Pero ni anino mo hindi ko na mahagilap
Hanggang umabot na tayo sa puntong nakatanggap na tayo ng diploma
Pero ni kahit minsan hindi ka nawala sa aking isipan..
Pakiramdam ko naging maliit ang mundo
Muling nagkatagpo ang ating landas
Tumigil ang paggalaw ng ating paligid
Nagtugma ang ating mga mata
May malungkot na ngiti na kumawala sa iyong mga labi
Na parang may gusto kang malaman
Kaya sabi ko sa aking isipan kailangan nating mag-usap
Agad ka namang nagpaagos sa aking pagkakahawak
Nagtanong ka, sabi mo "Bakit ka nawala?"
Hindi ko alam kung saan ako magsisimula
Kaya nagpakawala ako ng mga luhang gusto ng bumuhos matagal na
Sabi ko "Pinagbawalan ako ng aking mga magulang makipagkita sa'yo"
Biglang kumunot ang iyong noo
Sabi mo, "Pero bakit?"
"May pangarap sila para sa'kin at hindi raw makakabuti kung nandiyan ka sa paligid ko"
Wala tayong magawa
Walang nagsasalita..
Agad na bumalik sa aking isipan kung paano tayo naging masaya noon
Kung gaano tayo kalaya mula sa problema
Kung paano tayo magmahalan..
Natigil ang aking pag iisip
At agad nanginig sa mga binitawan mong mga salita sabi mo "tumakas tayo, maging malaya"
Hindi ko alam kung anong isasagot ko
Pero dahil sa katagang binitawan mo
"Matagal na kitang mahal, sobra"
Agad akong na pa oo
Wala na akong pakialam
Bahala na
Dahil alam ko ang tanging sinisigaw ng puso't isipan ko ay tanging ikaw..
Nagkita tayo sa lugar kung saan tayo lang ang nakakaalam
Pero ang 'di inaasahan nating mangyayari ay agad na bumulaga sa ating isipan
Nalaman ng magulang ko na magkasama tayo
Pero handa akong lumaban sa kung anong nais mong ipaglaban
At hindi nagtagal
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano..
Itinakwil na ako ng aking mga magulang
Hindi ko nagawa ang kanilang gusto para sa'kin
Hindi ko na naituwid ang aking landas at hindi naabot ang gusto kong mithiin..
Isang araw...
Dumungaw ako sa bintana
Umiikot ang aking mundo
Biglang napabalikwas dahil may gustong kumawala sa aking bibig
Tumakbo ako sa banyo
At agad pinakawalan ang kung ano mang nagpapasama sa aking kalooban
Nakita kitang patakbo sa aking kinaroroonan at hindi ko na alam pa
Dahil biglang nagdilim at parang nawawalan na'ko ng hininga
Pero alam ko hindi mo ako iiwan dahil sabay tayong lalaban
At kung ano man ito, alam kong bunga ito ng ating pagmamahalan.

USAD (FILIPINO POEMS)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon