Gavin's POV
Nakaupo ako sa sofa ng aming bahay habang nakatitig sa kulay puting kabaong na kinahihimlayan ngayon ni Mark. Napakapaya ng bahay at walang kahit anong ingay ang nagnanais na basagin ang nakabibinging katahimikan sa huling araw ng burol ng aking yumaong stepdad. Tatlong araw na ang lumipas mula nang matagpuang malamig na bangkay si Mark. Matapos idaan sa autopsy ang katawan niya upang malaman ang mga sanhi ng kaniyang kamatayan ay dali siyang idinala sa aming bahay para sa burol. Hindi ko na sana ipapaburol ang kaniyang katawan dahil sa wala akong sapat na pera para sa mga gastusing dapat kong bayaran. Mabuti na lamang at tinulungan ako ng mayor ng aming lugar at ng ilang mga kapitbahay upang mabigyan ng maayos at mapayapang burol si Mark.
Sa unang araw ng kaniyang burol ay umaasa akong darating ang mga kamag-anak niya at ilang mga kamag-anak ni mama para makiramay sa akin. Subalit nanuyot na ang aking dalawang mata at inabot na ako ng gabi sa kakahintay sa aming mga kapamilya ngunit kahit isa ay walang dumating. Hindi ko inaasahan na kahit sa mga ganitong pagkakataon ay mananatili pa rin akong mag-isa at walang kasama. Hindi ko inaakala na mag-isa kong dadanasin ang lungkot at pagdadalamhati na dulot ng biglaang pagpanaw ng nag-iisa kong nagsisilbing pamilya.
May mga ilan-ilang mga kapitbahay naman ang dumaan at nag-abot ng kanilang pakikiramay sa akin. May mga nag-abot pa ng pera sa akin na agad ko rin namang tinanggihan subalit pinilit nila akong tanggapin ang mga ito lalo na't alam nilang mas kakailanganin ko ito dahil sa mag-isa na lang akong mamumuhay simula ngayon. Dumating rin si Sean at Maam Athena upang bisitahin ako at magbigay rin ng sari-sarili nilang pakikiramay. Medyo gumaan naman ang aking pakiramdam dahil sa ginawa nilang pagbisita. Kahit sa ilang oras ay ipanaramdam nila sa akin na may kasama ako at hindi ako nag-iisa sa problemang ito.
Ngayon ang huling araw ng burol ni Mark at kahit isa sa mga kamag-anak namin ay walang pumunta. Habang hinihintay ko ang sasakyang magdadala sa kabaong ni Mark patungo sa sementeryong hihimlayan ng kaniyang katawan ay hindi ko mapigilang muling mapaiyak dahil sa lungkot. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na mag-isa na lamang ako. Na wala na akong pamilyang uuwian. Kahit hindi maganda ang naging pagtrato sa akin ni Mark ay bukal sa puso kong sasabihin na mahal na mahal ko siya at mananatili siya sa aking puso. Mananatili siya bilang isang mabuting ama na nagparamdam sa akin kung paano magkaroon ng isang buo at masayang pamilya kahit sa maikling panahon.
Habang patuloy sa pagtagas ang mga luha sa aking mata ay tumayo ako at marahang lumapit sa kabaong ni Mark. Sa tatlong araw na pananatili ng kaniyang bangkay sa aming bahay ay hindi ko tinangkang tingnan ang kaniyang mukha sa loob ng malamig na kabaong. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang tingnan ang maamong mukha ng aking stepdad habang mapayapang nagpapahinga.
Narating ko ang ataul ni Mark at nanatili lamang akong nakatayo sa harap nito. Matapos magpakawala ng isang buntong-hininga ay nagdesisyon akong sulyapan sa huling pagkakataon ang mukha niya na siguradong hindi ko makakalimutan sa aking buong buhay. Habang kinakabisa ng aking isip ang kaniyang itsura ay hindi ko namalayan na may pumatak na luha sa aking kaliwang mata. Habang hawak ko sa aking kanang kamay ang kwintas na natagpuan ng mga pulis sa kaniyang katawan ay nag-aalay naman ako ng isang panalanginpara sa kaniyang namayapang kaluluwa.
Matapos ang ilang minuto ay nakarinig ako ng isang malakas na pagbusina ng sasakyan sa labas ng aming bahay. Sa tingin ko ay iyon na ang sasakyang magdadala sa kaniya patungo sa sementeryo. Bago lumabas ng bahay ay pinasadahan ko ng huling tingin ang kaniyang maamong mukha at bumulong sa kaniya sa huling pagkakataon.
"Sana ay masaya ka na ngayon sa piling ni mama Mark. Hanggang sa muli nating pagkikita." Bulong ko sa kaniya bago tuluyang tumalikod at tumungo patungo sa labas ng bahay.
BINABASA MO ANG
The Bully
RomanceNanlamig ang aking buong katawan ng makita ko ang pares ng berdeng mga mata na nakatingin sa akin. Di ko maipaliwanag ang takot na aking nararamdaman sa oras na ito. Umatras ako ng umatras hanggang sa maramdaman ko na lang ang malamig na pader at na...