Chapter 30

6.9K 242 16
                                    

Gavin's POV

Maaga akong nagising ngayong araw. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa takot na dulot ng mga larawang nakita ko kagabi sa labas ng aking pintuan o dahil ba ito sa pagkasabik na puntahan ang address na nakalagay sa likod ng lumang larawang aking nakita sa kahon. Sa di maipaliwanag na dahilan, may kakaibang koneksyon akong nararamdaman sa tuwing nakikita ko ang maamong mukha ng babaeng may karga sa akin sa litrato. Para bang may malaking parte siyang hawak sa aking buong pagkatao. 

Dali-dali akong bumangon sa aking kama at inayos ito. Nag-ayos na rin ako ng aking sarili at daling bumaba upang mag-agahan. Nagtimpla lang ako ng isang tasa ng kape at gumawa ng egg sandwich para sa aking agahan. Habang kumakain, naisipan ko na ring mag-laptop upang i-search ang address na aking nakita. Napag-alaman kong matatagpuan pala ito sa isang malayo at medyo liblib na provincial area. Mahigit mga lima o anim na oras din ang aabutin ko upang makarating kaya naman agad akong naghanda sa aking pagalis. Nagdala ako ng isang bag. Sa loob nito ay dalawang pares ng t-shirt isang litrong tubig at limang piraso ng egg sandwich. 

Nang masigurong handa na ang lahat, tinungo ko ang pintuan.Nagpakawala muna ako ng isang malalim na buntong-hininga bago tuluyang lumabas ng bahay. Sinigurado kong may dala akong sapat na pera lalo na't malayo-layo ang aking pupuntahan. Mahirap mawala sa isang liblib na lugar kapag wala kang sapat na pera. 

Dali kong tinungo ang daan papunta sa terminal ng bus. Kakailanganin kong sumakay ng bus at isang tricycle upang marating ang address na iyon. Mga ilang minuto rin ang aking hinintay bago makakita ng bus na dadaan sa aking pupuntahan. Dali akong pumasok at pumwesto sa may likurang bahagi ng bus. Maya-maya pa ay nagsimula nang umandar ang sasakyan. 

Habang bumabiyahe ay nakatingin lamang ako sa may bintana. Pinagmamasdan ang mga taong naglalakad sa gilid ng kalsada. Nag-iisip kung kahit man lang ba isa sa kanila ay nararanasan ang kalungkutan na nararamdaman ko sa aking buhay. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot sa t'wing makakakita ng mga batang kasama ang kanilang nanay o tatay o kahit man lang kapatid. Hindi ko maiwasang kaawaan ang aking sarili lalo na't alam kong kahit kailan ay hinding-hindi ko na muling mararanasan ang magkaroon ng masayang pamilya. Nakatadhana akong mag-isa, nakatadhana akong maging malungkot at mamatay ng walang karamay. Di ko naramdaman ang mumunting patak ng luhang tumagas sa aking kaliwang mata bago ko maramdamang unti-unti na akong nilalamon ng antok.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Napabalikwas ako sa aking kinauupuan nang makaramdam ako ng mahinang pagtapik sa aking braso. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata at doon, tumambad sa akin ang mukha ng isang di katandaang lalaki.

"Iho, mabuti't gising ka na. Hanggang dito na lang ang biyahe ng bus na ito." Mahinahong pagpapaliwanag sa akin ng konduktor.

Dali-dali akong kumilos upang ayusin ang mga gamit ko.Nang makatayo ay dali akong nagbigay pasasalamat sa matanda.

Pagkababa ng bus  ay tumambad sa aking mata ang simple at payak na pamumuhay ng mga tao sa bayan. May mga taong nagtitinda sa bangketa habang may mga batang masayang naglalaro sa maluwag na kalsada. Hindi ko maiwasang mapangiti, palihim na humihiling na sana ay naranasan ko rin ang maging masaya noong bata pa lamang ako.

Habang nakatingin sa paligid ay biglang may sumagi sa aking isipan. Ano kaya ang mangyayari kung lahat ng tao ay nanatiling bata? Sa isip ko, siguro napakasaya ng mundo, walang sinuman ang mamomroblema, tanging mga sugat at galos lamang sa tuhod at siko ang magiging dahilan ng pag-iyak natin. Hindi ba't tila napakasaya ng buhay kung nagkataon. Ngunit alam ko sa sarili kong malabong mangyari ang bagay na iyon, masyadong malayo sa katotohanang ang buhay ay hindi umiikot sa kasiyahan.

The BullyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon