Gavin's POV
Matapos ang mainit na eksena sa pagitan naming dalawa ni Laz sa likod ng lumang music hall ay napagdesisyunan kong bumalik na sa main building dahil malapit na magsimula ang aking afternoon classes . Habang naglalakad ay hindi mawaglit sa aking isip ang mga salitang binitawan ni Laz kanina. Patuloy itong umiikot sa bawat sulok ng aking utak na naging dahilan upang makaramdam ako ng pagkasakit sa aking ulo. Ang init ng bawat paghaplos at pagdampi ng kaniyang palad sa aking katawan ay nararamdaman pa rin ngayon ng aking balat. Pakiramdam ko ay napapaso ang mga parte ng aking katawan na kaniyang hinawakan at pinaulanan ng mga mumunting halik.
Narating ko ang main building at daling tinungo ang pinakataas na palapag. Nang matuntong ko ang ika-anim na palapag ay agad akong naglakad upang puntahan ang aking classroom. Nakaramdam ako ng kaba dahil sa isiping muli ko na namang makikita si Laz sa oras na pumasok ako. Nagdalawang-isip pa ako kung pipihitin ko ba ang doorknob upang pumasok o liliban na lang muna ako sa aking klase ngayon. Subalit naisip kong isang paglabag pala sa school rules ang pagtakas sa oras ng klase. Naalala kong bigla ang sinabi sa akin ni Maximus noon. Isa akong scholar at kapag nalaman ng eskwelahan na ang isang kagaya ko ay tumakas sa klase ay siguradong patatalsikin ako sa paaralang ito at ayokong mangyari iyon sa akin. Hindi ko alam kung saan na ako dadamputin kung sakaling maalis ang aking scholarship. Ito na lamang ang pag-asa ko upang makaahon sa dagok na nararanasan ko ngayon kaya gagawin ko ang lahat mapangalagaan lamang ang aking pag-aaral. Kung kinakailangan kong harapin si Laz araw-araw o kahit pa magsama kami sa iisang bahay ay tatanggapin ko manatili lamang akong estudyante sa paaralang ito. Pinihit ko ang doorknob at dahan-dahan itong binuksan. Tumambad sa akin ang maingay na silid-aralan. Punong-puno ng tawanan at hiyawan ng mga estudyante ang loob ng classroom. Unti-unti akong naglakad papasok at maingat na naglakad patungo sa aking upuan. Habang naglalakad ay naramdaman ko ang mga titig ng mga kalalakihan sa akin. Mayroon pa ngang humawak at pumisil sa aking pang-upo. Nagulat naman ako at mahinang napasigaw na naging dahilan upang mapunta sa akin ang atensyon ng lahat. Pakiramdam ko ay unti-unti akong natutunaw dahil sa mga pagtitig na ipinupukol nila sa akin.
Nang marating ko ang aking upuan ay dali kong iniyuko ang aking ulo upang umiwas sa mga mapanghusgang titig ng mga tao sa loob. Laking pasasalamat ko na lang talaga dahil wala si Laz ngayon. Wala ang taong nagpaparamdam sa akin ng matinding takot at kaba, wala ang taong nagbibigay sa akin ng kakaibang mga pakiramdam na ngayon ko lamang naranasan.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Naging maayos naman ang takbo ng aking afternoon classes. Nakalabas naman ako ng buhay at buong-buo sa paaralang pinapasukan ko. Nagawa kong umiwas sa kahit anong atensyon na maaaring maglagay sa akin sa kapahamakan subalit hindi pa rin ako nakaligtas sa mga malagkit na titig ng mga kalalakihan at sa mga pang-iinsulto ng mga kababaihan. Hindi ko na lamang sila pinansin at umakto na lamang akong parang isang bato. Manhid at walang nararamdaman.
Naglalakad ako sa gilid ng kalsada upang pumunta sa restaurant na pinagtatrabahuhan ko. Ilang araw na kasi akong liban sa aking trabaho at kahit pinayagan naman ako ni Maam Athena na umabsent muna hanggang sa tuluyan akong maka-recover ay hindi ko naman kayang abusuhin ang kabutihang ipinapakita niya sa akin. Sabi niya kasi sa akin na hindi niya daw babawasan ang sahod ko kahit hindi daw ako pumasok dahil alam niya daw ang pinagdadaanan ko ngayon. Subalit hindi ko matanggap iyon, gusto kong bunga ng aking pawis at paghihirap ang bawat perang iaabot sa akin ni maam kaya naman minabuti kong pumasok ngayon.
Habang naglalakad ay nakarinig ako ng isang tinig na sinisigaw ang aking pangalan. Napatingin ako sa aking likuran at nakita ko si Sean na tumatakbo. Halatang hinihingal siya dahil na rin sa malalalim niyang paghinga at pagtagaktak ng pawis sa kaniyang noo. Napansin kong nakasuot na siya ng uniporme namin sa trabaho. Nakaputi siyang polo na naka tuck-in sa kaniyang itim na pantalon. Nakasuot rin siya ng kulay pulang sumbrero. Ang cute niya sa itsura niya ngayon.
BINABASA MO ANG
The Bully
RomanceNanlamig ang aking buong katawan ng makita ko ang pares ng berdeng mga mata na nakatingin sa akin. Di ko maipaliwanag ang takot na aking nararamdaman sa oras na ito. Umatras ako ng umatras hanggang sa maramdaman ko na lang ang malamig na pader at na...