Gavin's POV
Tinatahak ko ang madilim at payapang kalsada patungo sa aking bahay habang patuloy na umiikot sa aking isipan ang kapirasong papel na aking nakita sa restaurant. Hindi rin mawala sa aking isipan ang misteryosong lalaki at ang baritono nitong tinig. Labis na kilabot ang gumagapang sa aking balat sa tuwing pumapasok sa aking isipan ang tinig ng lalaking iyon. Pamilyar ang kaniyang boses. Pakiramdam ko ay narinig ko na ang mga tinig na iyon.
Lumipas ang ilang minuto at narating ko na ang aking bahay. Dali-dali akong pumasok at tumambad sa akin ang tahimik na paligid. Walang kabuhay-buhay ang buong bahay. Para bang walang tao ang nakatira sa labis na katahimikan at kalungkutang bumabalot dito.
Napabuntong- hininga na lang ako bago umakyat sa ikalawang palapag upang pumunta sa aking kuwarto. Nang makarating ako sa aking kuwarto ay humampas sa akin ang malamig na simoy ng hangin. Hinanap ng aking mata ang pinagmumulan nito at napagtanto kong nakabukas ang bintana ng aking kuwarto. Nakaramdam ako ng kaba sa aking dibdib. Dali-dali akong tumakbo sa may bintana at agad itong isinara. Tinakpan ko rin ito ng kurtina upang masiguradong walang sinuman sa labas ang makakakita sa akin.
Tutungo na sana ako sa aking kama nang may maramdaman akong bagay na naapakan ng aking paa. Napatingin ako dito at nakita ko ang isang puting sobre. Lumuhod ako at kinuha ito. Sinuri ko ang sobre at nakita kong may nakasulat dito.
"You owe me another one, Gab" Nabigla ako sa aking nabasa. Hindi ko pa man nakikita ang pangalan ng sumulat ay nakatitiyak na ako na si Laz ang may gawa nito.
"Remember, lock all the windows and doors." Kinilabutan ako matapos kong mabasa ang huli niyang sinulat.
Binuksan ko ang sobre at doon tumambad sa aking mga mata ang susi na matagal ko ng hinahanap. Agad ko itong inilabas sa sobre at dali-daling nanakbo patungo sa silid ng aking namayapang ama-amahan.
Nang marating ko ang kwarto ni Mark ay muling tumambad sa akin ang maayos, malinis ngunit matamlay na kuwarto ni Mark. Tanging kalungkutan lamang ang emosyong bumabalot sa loob ng silid. Napapikit ako habang muling inaalala ang maamong mukha ng aking ama-amahan. Napangiti ako ng mapait bago tuluyang lumapit sa mini-drawer katabi ng kama. Binuksan ko ang unang compartment at doon tumambad sa akin ang kahon na naglalaman ng mga litrato naming pamilya.
Tinanggal ko ang laman ng kahon. Ipinasok ko ang susi upang malaman ang lihim na itinatago ng kahon na ito. Matapos kong pihitin ang susi ay naramdaman ko ang pagluwag ng kalahating parte nito. Nahahati sa dalawang bahagi ang kahon. Ang itaas na parte ay mabubuksan lamang kapag nakumpleto ang apat na diyamante at ang ibabang parte ay mabubuksan lamang sa pamamagitan ng susi.
Itinaas ko ang itaas na bahagi ng kahon at doon tumambasd sa akin ang isang lumang larawan.Kinuha ko ito at pinagmasdan nang maigi. Nangunot ang aking noo nang mapagtanto kong nasa larawan si mama. Nakasuot siya ng isang pang-katulong na damit habang nasa tabi niya ay isang maganda at sopistikada't eleganteng babae. Mala-anghel ang kagandahang taglay nito. Ang kaniyang kulay itim at maalong buhok ay yumayakap sa kaniyang mala-boteng baywang. Ang kaniyang tsokolateng mata ay maamo at punong-puno ng kasiyahan. Napakaganda niya. May hawak siyang isang sanggol at doon nabaling ang aking atensyon.
Pinagmasdan ko ang itsura ng sanggol. Pamilyar ito sa akin. Para bang kilala ko kung sino ang batang hawak ng magandang ginang sa kadahilanang kamukha ko ito sa isa kong lumang larawan. Dali akong tumakbo pabalik sa aking kuwarto at daling hinanap ang photo album. Nang makita ko ito ay dali kong hinanap ang larawan ko noong ako ay sanggol pa lamang. Kalong-kalong ako ni mama noon. Nang makita ko ay pinagtabi ko ang mga larawan at labis akong nagtaka nang mapagtanto ko ang labis na pagkakahawig.
May pagtatanong sa aking utak. Pilit kong iniisip kung sino ang ginang na ito at ang sanggol na hawak niya. At ang mas lalong gumulo sa aking isipan ay sa kung ano ang kinalaman ni mama sa babaeng nasa larawan.
BINABASA MO ANG
The Bully
RomanceNanlamig ang aking buong katawan ng makita ko ang pares ng berdeng mga mata na nakatingin sa akin. Di ko maipaliwanag ang takot na aking nararamdaman sa oras na ito. Umatras ako ng umatras hanggang sa maramdaman ko na lang ang malamig na pader at na...