Treasured

684 42 74
                                    



Sabagay ay hindi pa naman talaga siya nakaka-move on simula nang magkahiwalay sila mahigit walong taon na ang nakakalipas.

Nang makabalik sila sa Maynila kinagabihan ay isang bagay ang kaagad na pumasok sa isip ni Regine. Kinuha niya sa kanyang tokador ang isang maliit na kahon. Doon niya itinatago ang ilang mahalagang bagay sa kanya. Katulad na lamang ng lumang relos na regalo sa kanya ng kanyang lolo noong bata pa siya. Paborito kasi siya ng kanilang lolo at mahal na mahal niya ito. Iyon nga lamang, tatlong taon na itong namamayapa. May mga keychain pa doon na pasalubong ng kanyang mga pinsan na sa ibang bansa lumaki. Pinahahalagahan niya ang mga iyon dahil malapit sila ng mga pinsan.

Subalit ang pinakamahalaga sa kanya sa mga sandaling iyon ay ang pinakakatagu-tago niya sa loob ng isang sobreng kulay rosas.

Maingat niyang inilabas iyon. Isang maliit na papel lamang ngunit hindi matatawaran ang kasiyahang idinudulot sa kanya sa tuwing pinagmamasdan. Larawan iyon ng dalawang bata sa loob ng isang simbahan. Payatin ang lalaki samantalang chubby ang babae.

Parehong nakabihis pangkasal ang mga bata, ang edad ay parehong limang taon. Bahagi sila ng wedding entourage.

Napapangiti si Regine sa hitsura ng dalawa, kung paanong hinalikan sa labi ng batang lalaki ang batang babae.

Kuwento ng kanyang Ate Maxene na limang taon ang tanda sa kanya, simula daw nang makita ng batang lalaki ang babae ay hindi na nito iyon tinantanan, ayaw na daw hiwalayan. Bago pa mag-umpisa ang seremonya at habang naghihintay sa pagdating ng bride, ninakawan na ng batang lalaki ng halik ang batang babae. Pero hindi naman daw nagalit ang batang babae. Hindi na rin daw ito umalis sa tabi ng batang lalaki.

Naghiwalay lamang daw ang dalawa dahil nagalit ang nanay ng batang babae, pati na ang kanyang Ate Maxene na siyang nagbabantay sa batang babae ay nasermunan nito.

Si Regine ang batang babaeng iyon. Hindi man niya maalala nang malinaw ang detalye ay natatandaan niyang nakilala niya sa unang pagkakataon ang batang lalaking iyon na nagpabago sa buong buhay niya. Paano ba niya makakalimutan si Error na nagbigay daw sa kanya ng unang halik sa labi mula sa isang hindi naman niya kaanu-ano? Maraming beses daw siyang hinalikan nito bago umalma ang kanyang mama.

Marami na ngang nagbago.

Ang dating tabaing si Regine ay seksing-sexy na ngayon. Natuto siyang mag-diet at mag-gym dahil sa impluwensya ng pinsang dati ay kasing-laki din niya, si Valerie. Nagawa nilang ibaba ang timbang na ideyal para sa height nilang 5'4".

Hindi niya inasahan na makikilala siya kaagad ni Error nang magtama ang kanilang mga paningin kanina. Walong taon na nga ang nakalilipas nang huli silang magkasama at ibang-iba pa nga ang pangangatawan noon ni Regine.

Isang bagay lamang ang maipagmamalaki ni Regine noon. Na kahit malaki ay pansinin pa rin siya dahil sa kagandahan ng kanyang mukha. Nagmana siya sa kanyang ama na isa daw sa pinakamagandang lalaki sa kanilang baryo.

Malaki din naman ang ipinagbago ni Error. Mas tumindi ang kakisigan nito, mas maayos na ang buhok nito na noon ay parang palaging gusut-gusot at mas makinis ang mamula-mulang balat. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa buhay nito matapos ang huli nilang pagkikita.

"So ikakasal na pala siya?"

Hindi napigilan ni Regine na hindi ikuwento kay Valerie ang pagkikita nila ni Error. Silang magpinsan ang magka-share sa upa sa condo unit sa may Vito Cruz.

"Oo, pero hindi niya sinabi kung kailan. Iniwan niya sa akin ang kanyang number," sagot ni Regine.

"Para saan?"

"Iimbitahan daw niya ako."

"Okay lang sa 'yo?"

Hindi kaagad nakasagot si Regine.

"Ibang klase din 'yang si Error. Insensitive ba siya o sadista para imbitahan ka pa talaga?" may bahid ng inis na sabi ni Valerie.

"Hindi naman siguro," tanggi niya.

"Ipagtatanggol mo pa?"

"Val, alam mo naman na ako ang may atraso sa kanya, di ba?"

"A, ewan ko sa 'yo. Tandaan mong ikaw ang babae kaya mas ikaw ang nawalan sa mga nangyari sa inyo."

Napabuntung-hininga na lamang si Regine. Ramdam niya na hindi nagustuhan ng pinsan ang muli nilang pagkikita ni Error.


Hindi niya masisisi ang pinsan.

Subalit hindi rin niya gustong sisihin si Error.

Nang gabing iyon ay naging mailap ang antok para kay Regine. Minsan pa ay isa-isang nagbabalik ang nakaraang hindi niya magawang kalimutan.


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon