"T-tayo na?" ulit niya sa sinabi ng lalaki.
"Oo, tayo nang kumain. Nagugutom na rin ako at sigurado akong nagugutom ka na rin," paliwanag ni Error.
Napamaang si Regine. Akala niya ay kung ano na ang sinasabi ng lalaki. Para pa siyang napahiya at naiinis na sinumbatan ang sarili. Nagiging adelantado yata siya.
"Mabuti pa nga, nagugutom na rin ako."
Inalalayan pa siya ni Error hanggang makapuwesto sa mesa. Naglagay ang lalaki ng dalawang plato at mga kutsara't tinidor. Binuksan nito ang mga baunan ng pagkain na naroroon. Ipinagsandok siya ni Error ng kanin, nilagyan ng adobong manok, menudong baboy at chopsuey ang kanyang plato.
Mukhang nag-abala ang lola nito para ipagluto ang apo. Naiisip ni Regine, paano kaya nakasiguro si Error na maisasama siya nito para makasalo sa pananghalian? O magaling lang tumiyempo ang lalaki? Ibang klase din pala itong si Error.
"Tubig o softdrink?"
Pukaw ni Error sa pag-iisip niya.
"Tubig na lang ako," aniya.
"Ako, gusto ko din ang too big," anito bago tumayo at tinunton ang maliit na fridge na nasa isang sulok.
Kunut-noo niyang tinitigan ang lalaki. Hindi niya masyado naintindihan ang huling sinabi nito.
Nang bumalik si Error ay malagkit na naman ang tingin nito sa kanya habang ipinagsasalin siya ng tubig sa baso. Pagkatapos ay pumuwesto na ito sa upuan paharap sa kanya.
"Tayo na?" sabi ulit nito ngunit ngayon ay tila nanunukso.
Inirapan niya si Error.
"Sabi ko lang, puwede na tayong kumain." Kinindatan pa siya ni Error.
Hindi napigilan ni Regine na mapangiti. Dama niyang nagpapa-cute ang lalaki sa kanya at traydor naman ang kanyang puso na tila gustong lumundag palabas ng dibdib niya. Ginagayuma ba siya ni Error para maging ganito kasaya sa piling ng lalaking hindi pa naman niya gaanong kilala?
Masarap ang lahat ng niluto ni Lola Ipang. Nagugustuhan niya ang lahat ng lasa ng mga pagkaing inihanda nito. Pero mas masarap yata ang kumakawalang damdamin na nasa puso ni Regine. Ni hindi niya maiwasang hindi mapangiti habang magana silang kumakain ni Error.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mistério / SuspenseWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...