Broken

317 22 22
                                    







NAKAANGKAS si Regine sa motorsiklo ni Error. Suot niyang muli ang helmet nito. Sa totoo lamang ay kung anu-ano ang naglalaro sa isipan ni Regine. Kinakabahan siya dahil nga isang malaking no-no ang pagsama niya kay Error. Subalit ngayong nakadikit na muli ang katawan niya sa lalaki, ayaw niyang isipin ang ibang alalahanin.

            Hindi niya itatanggi na masaya siyang dumating ang pagkakataong ito. Gusto niya yatang magpasalamat kay Therese. Sandaling panahon lamang naman ito na makakasama niya nang ganito kalapitan si Error.

            Nagtext na siya kay Therese para sabihing paalis na sila sa eskuwelahan. Sinabi niyang sila ni Error ang nagligpit sa mga kalat na naiwan sa classroom at naglock na rin doon.

            Ang hindi napansin ni Regine ay ibang direksyon ang tinunton ni Error. Dahil yata sa madilim na o maaaring dala ng mabilis na tibok ng puso niya at sa kasiyahang nakayakap siya kay Error kung kaya huli na nang mapagtantong sa San Jose pala sila dumiretso. Nadaanan na pala nila ang bahay nila nang hindi niya namamalayan.

            Nang tumigil sa isang lumang bahay na may dalawang palapag ay saka lamang nakapagsalita si Regine.

            "Error, bakit tayo nandito?" aniya sa lalaki.

            "Bahay ni Lola. Kailangan kong kumuha ng damit na pampalit. Ang baho ko na sigurado."

            Napasunod siya sa loob ng bahay nina Error. Wala pa yatang tao doon dahil si Error ang nagbukas ng ilaw sa salas.

            "Si Lola?" tanong niya kay Error.

            "Mamaya pa 'yon. Mga alas-otso sila nagsasara ng tindahan. Hinahatid na lamang siya ni Kuya Mateo. Gusto mo ba ng kahit ano?"

            "Hindi na, magpalit ka na para makaalis na tayo."

            Umakyat na sa ikalawang palapag si Error. Naiwang nagmamasid sa paligid si Regine. Nakita niya doon ang picture ni Error noong bata pa ito. Napangiti siya, napaka-cute talaga ng lalaking ito.

            Tanging mga picture ni Error at ng Lola Ipang nito ang makikita sa mga display. Naiisip ni Regine kung ano kaya ang hitsura ng nanay ni Error.

            May malakas na kumalabog sa itaas. Para pa ngang may nabasag. Kinabahan si Regine.

            "Error?"

            Walang sumasagot. Mas lalong kinabahan si Regine. Nagpasya siyang sundan ang lalaki.

            May dalawang pinto sa itaas. Ang isa ay nakalock ng pihitin ni Regine ang seradura. Kaya sa kabilang kuwarto siya dumiretso. Bahagyang nakaawang ang pinto noon. Iyon siguro ang kuwarto ni Error.

            "Error?"

            Itinulak niya ang pinto. Tumambad sa kanya ang maayos na silid. May maliit na kama doon. May mesa sa isang gilid. May nakahanger na mga damit sa isang dingding, mga gamit iyon ni Error.

            Pumasok na sa loob si Regine. Nasaan na ba si Error? Baka may masamang nangyari sa lalaki.

            Natigilan si Regine nang mapansin ang isang charcoal painting na naka-frame at nakadikit sa dingding kung saan naroroon ang mesa. Hindi siya maaaring magkamali. Larawan niya iyon. Naalala niyang marunong nga palang magdrawing si Error.

            Kung namangha siya sa pagkakaguhit sa kanyang larawan ay mas namangha siya sa hindi pa natatapos na larawang nasa ibabaw ng mesa. Larawan iyon ng isang batang babae. Larawan niya iyon noong limang taong gulang pa lamang siya. Sabi ni Error, napapanaginipan niya ang batang nakapartner nito noon sa kasalan. Ganoon ba ka-vivid ang panaginip para malinaw nitong maiguhit ang hitsura nila noong bata pa siya.

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon