Last day

243 23 15
                                    



HINDI na pumapasok sa University si Error. Ang alam niya ay inaayos nito ang mga naiwang ari-arian ng lola nito. Planado na rin ang kanilang pag-alis bagamat may takot pa rin sa puso ni Regine. Sa susunod na linggo ang usapan nila. Paunti-unti ay nakapag-impake na si Regine ng ilang gamit na dadalhin. Walang ibang nakakaalam sa plano nila ni Error. Alam niyang tututol sa plano nila ang kahit sinong makakausap niya tungkol dito.

Hindi na rin sila nagpapansinan ni Xavier. Alam na nito ang totoo. Kahit ang ilang kaklase nila ay alam na ang detalye ng trahedya sa pamilya ni Error at may ilang sinisisi ang tatay niya sa pagkamatay ng matanda.

Kahit ang papa niya ay naging tahimik pagkatapos ng nangyari. Halos hindi ito nagsasalita kapag magkakasabay silang kumain. Gusto daw ng ilang kamag-anak ni Error na ihabla ang kanyang ama sa ginawa nito subalit hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa namang sulat mula sa korte na dumadating sa kanila.

Ramdam niya ang guilt ng ama at ang takot nito sa maaaring mangyari sa mga susunod na araw. Sa mga nakaraang gabi ay palaging lasing ang papa niya.

Dumating ang araw ng usapan ng pag-alis nila ni Error. Nagtetext pa nga ito upang tiyakin kung desidido na siya sa pagsama.

Mamayang gabi ay tatakas siya, dala ang ilang gamit. Hihintayin siya ni Error sa tapat ng bahay nila sa sandaling tulog na ang lahat.

Kakatapos pa lamang nilang maghapunan nang katukin siya sa kuwarto ni Valerie.

"Si Mama, umiiyak," ani Valerie.

"Bakit? Ano'ng nangyari kay Mama?" nag-aalalang tanong niya.

"Parang may problema kay Ate Maxene."

Pinuntahan niya sa kuwarto ang ina. Umiiyak nga ito.

"Mama, bakit?"

Nilingon siya ng ina, basang-basa ang mga mata nito sa luha.

"Ang Ate Maxene mo, nagpabuntis sa boss niya. Sinugod daw at binugbog nung asawa!" bulalas ng ina.

Gimbal sila ni Valerie sa narinig.

"Hindi daw makagulapay kaya dinala sa ospital!"

Nag-alala siya para sa kapatid. Hindi siya makapaniwala na mangyayari ito sa kanyang ate Maxene lalo pa iyong nabuntis ito ng de-pamilyadong lalaki.

"Ano bang parusa ito ng Diyos? Bakit nangyayari ito sa atin?"

Biglang nasapo ng mama niya ang dibdib nito.

"Mama!" sabay silang napasigaw ni Valerie nang makitang tumirik ang mga mata ng mama niya at bumagsak sa kama.

"Papa, si Mama!" Sumisigaw sila ni Valerie. Alam niya ay nasa ibaba lamang ang ama at umiinom.

Walang malay ang mama niya at mabigat ang paghinga nito.

Tumakbo palabas ng kuwarto si Valerie upang tawagin ang papa niya. Mabilis lamang at magkasamang bumalik ang dalawa.

"Ano'ng nangyari sa Mama mo?" tanong ng kanyang papa.

"Pa, mukhang inatake sa puso si Mama!"

Halos hindi makagalaw ang Papa niya sa kinatatayuan nito.

"Pa, kailangan nating dalhin sa ospital si Mama!"

Saka pa lamang tila nabalik sa huwisyo ang papa niya. Tumakbo ito pababa ng bahay.

Isinugod nila sa ospital ang Mama niya. Kaagad silang inasikaso ng mga nurse sa emergency room. Wala pa ring malay ang ina niya.

Maya-maya pa ay idiniretso sa Intensive Care Unit ang pasyente. Nasa peligrong kalagayan daw ang mama niya.

Mangiyak-ngiyak sila ni Valerie habang naghihintay ng update sa kondisyon ng ina.

Magulung-magulo ang utak ni Regine.

Nakikipaglaban sa kamatayan ang kanyang ina. At ilang oras pa, hihintayin siya ni Error upang tuluyang sumama dito.

"Pinsan, nasa 'yo ba ang celfone ko?" usisa niya kay Valerie habang nakaupo sila sa visitor's lounge ng ospital.

"Wala, pinsan. Hindi ba't hawak mo kanina?"

Natutulirong hinanap ni Regine ang celfone sa isang bag na nabitbit niya. Wala doon ang celfone.

"Pinsan, nawawala ang celfone ko. Puwede mo ba siyang i-ring?"

"Hindi ko dala ang phone ko, pinsan."

Pilit na inaalaala ni Regine kung saan niya maaaring naiwanan ang celfone. Sigurado siyang dala niya iyon. Subalit dala ng sitwasyon ay baka kung saan niya nailaglag ang celfone. Nanghihinang napaupo si Regine.

Paano ba niya maku-contact si Error? Hindi naman tamang umalis siya ngayong delikado ang kondisyon ng ina.

Nangilid ang luha sa mga mata ni Regine.

Bakit nga ba sunud-sunod na lamang ang kamalasang dumating sa araw na iyon?


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon