NAGDESISYON si Regine na hindi niya responsibilidad na magpaliwanag kay Xavier. Nang hapong iyon ay hindi na rin siya nilapitan ng manliligaw. Nahalata niyang umiiwas ito sa kanya. Kahit na noong hapong iyon ay ni hindi siya nito inihatid.
Niyaya niya si Therese na dumaan sa isang coffeeshop na malapit sa kanilang university bago umuwi. Medyo bothered si Regine sa nangyari. Kahit naman hindi niya boyfriend si Xavier ay ito pa rin ang isa sa pinakamalapit na lalaki sa kanya. Kalahating taon na rin itong nanliligaw sa kanya at hindi niya ito diniscourage kailanman. Hindi nga rin lang niya nakikita pa ang sarili na sasagutin na si Xavier sa malapit na hinaharap. Lalo pa ngayon, naguguluhan siya sa nararamdaman sa pagdating ni Error.
"Sa tingin ko, kailangan mo pa ring humingi ng paumanhin kay Xavier," payo sa kanya ni Therese.
"Ano'ng sasabihin ko sa kanya?" namumurublemang sabi niya sa kaibigan.
"E bakit ka nga ba sumama kay Error na walang paalam sa amin? Kahit ako ay hindi mo mapapaniwala na walang malisya ang lihim na pakikipagtagpo mo kay Error kanina."
Hindi makapagsalita si Regine.
"Hindi mo pa naman boyfriend si Xavier pero sa tagal na niyang nanliligaw sa 'yo, at sa magandang pakikisama mo sa kanya, siguradong umaasa 'yung tao. Pero ngayong dumating si Error, parang bigla na lamang na gusto mong dispatsahin si Xavier, e."
Napalunok si Regine. Mas nagi-guilty siya dahil sa sinabi ng kaibigan.
"Ano'ng gagawin ko?"
"'Yang si Error, may gusto din siya sa 'yo, tama ba?"
Alanganing tumango si Regine. Ano pa ba ang ipapakahulugan niya sa mga sinabi ng binata sa kanya?
"Baligtarin natin ang sitwasyon. Kung si Error ang matagal nang nanliligaw sa 'yo at si Xavier ang bagong dating, kung itatakas ka ni Xavier habang kasama mo si Error, sasama ka ba sa kanya?"
Wala na namang maisagot si Regine. Parang sumasakit ang ulo niya.
"Make up your mind, Regine. Kung si Error ang gusto mo, huwag mo nang patuloy na paasahin si Xavier. Kawawa naman ang tao, e," tila naiinis na sermon sa kanya ng matalik na kaibigan.
Hanggang sa makarating sa bahay ay patuloy niyang iniisip ang huling sinabi ni Therese. Nahirapan tuloy siya na makatulog nang gabing iyon. At dala rin marahil ng matinding pag-iisip, dinalaw siya ng isang panaginip.
Pinagtatalunan daw siya nina Xavier at Error. Tila nagta-tug of war ang dalawa sa pag-aagawan sa kanya. Ang isang kamay niya ay hawak ni Error at ang isa ay hawak ni Xavier. Mas malakas ang hatak ni Xavier sa kanya at walang nagawa si Error nang tuluyang makuha siya ni Xavier.
Inaabot pa ni Error ang kamay niya. Unti-unti ay naglalaho si Error. Natakot si Regine sa nangyayari. Pinilit niyang kumawala kay Xavier at tumakbo upang saklolohan si Error. Si Error ang nais niyang makasama ngunit hindi na niya ito nagawang iligtas sa unti-unting paglalaho.
"Error!" malakas na sigaw pa niya nang tuluyang lamunin ng kawalan ang lalaki.
Naalimpungatan naman si Regine at narealize niyang nananaginip lamang siya. O mas tama yatang sabihin na bangungot iyon dahil ang sama-sama ng loob niya. Hindi niya nagustuhan kung paano nagtapos ang panaginip. Nawala ang lalaking mas matimbang sa puso niya.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...