Buried

247 23 15
                                    




Hapon ay nagbalik sila ni Valerie sa bahay nina Error. Pinagtitinginan sila ng mga taong naroroon. Lalupa't sinalubong siyang muli ng yakap ni Error.

"Siya pala 'yung anak, 'yung tatay niyan ang pumatay kay Nanay Ipang." Hindi nakaligtas sa pandinig ni Regine ang bulungan ng dalawang may-edad ng babae.

"Ang lakas ng loob na magpunta pa dito," sabi pa ng isa.

Hindi na lamang pinansin ni Regine ang mga narinig. Si Error ang mas mahalaga sa kanya. "Nagpahinga ka na ba?" aniya sa lalaki.

Umiling si Error.

"Pero kumain ka naman di ba?"

"Tapos na," mahinang sagot ng lalaki.

"Matulog ka na muna, ako na muna ang magbabantay kay Lola."

"Samahan mo ako." Hinawakan siya sa kamay ni Error.

Nagkatinginan silang dalawa ni Valerie.

"Doon na muna kayo ni Valerie sa kuwarto ko. Andiyan naman si Kuya Mateo, siya na muna ang bahalang mag-aasikaso sa mga dumarating."

Sumama nga sila ni Valerie sa ikalawang palapag ng bahay. Nang makapasok sa kuwarto ay muling naalala ni Regine ang nangyari sa kanila sa dakong iyon. May magandang alaala sila ni Error sa silid nito ngunit iwinaksi niya iyon sa isipan.

Humiga si Error samantalang nakaupo siya sa gilid ng kama, magkahawak ang mga kamay nila ni Error. Si Valerie naman ay nakaupo sa may working table kung saan naroroon ang mga sketch ni Error.

Nakatulog si Error habang nakabantay sila ni Valerie.

"Ang galing pala magdrawing ni Error." Hindi napigilan ni Valerie na humanga habang binubuklat ang sketchpad ng lalaki. "Kuhang-kuha niya pati hitsura mo nung bata ka pa."

"Iginuhit niya 'yan mula sa panaginip," kuwento ni Regine sa pinsan.

"Talaga? Wow, ang galing talaga niya!"

Mahigit dalawang oras lamang nakatulog si Error.

"Okay na ako," anito nang bumangon.

Nagtagal pa sila ni Valerie ng halos dalawa pang oras bago sila muling nagpaalam sa lalaki.

Ikatlong-araw ng burol nang makaharap ni Regine ang mama ni Error. Matapos ang kanilang klase ay dumiretso na sina Regine at Valerie sa bahay ng lalaki. Hindi pa katagalan ay dumating ang pamilya ng Mama ni Error. Kasama nito ang stepfather ni Error at ang tatlong kapatid. Maganda pala at tsinita ang ina ng lalaki. Malayo ang hitsura nito kay Lola Ipang. Nakuha ni Error ang singkiting mata ng ina.

Sa kabaong tumambaw ang mama ni Error.

Ngunit maya-maya ay napagdiskitahan nito ang lalaki.

"Nakita mo na ang kamalasang dala mo? Sasandali mo palang nakakasama ang Lola mo, hayan ang nangyari sa kanya!"

Sunud-sunod na hampas sa dibdib ni Error ang ginawa ng mama nito. Hindi naman pumapalag si Error. Blangko ang ekspresyon ng lalaki.

"Malas ka talaga sa buhay kahit kailan!"

Napaiyak si Regine sa pagkahabag kay Error.

Maya-maya pa ay napayapa na rin ang babae. Kasama nito ang asawa at ang mga anak na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

Kaagad na dinaluhan ni Regine ang nobyo. Hinawakan niya at marahang pinisil ang kamay nito.

Kinabukasan ay umabsent si Regine sa klase. Araw ng libing ni Lola Ipang. Gusto niyang samahan si Error sa buong araw na iyon.

Simula kagabi ay hindi na niya muli pang nakita na umiyak si Error. Hanggang sa ihatid sa huling hantungan ay naging blangko ang ekspresyon ng lalaki.

Nakaangkas siya sa motorsiklo ni Error pauwi. Subalit hindi sila dumiretso sa bahay nina Error o sa bahay nila. Dinala siya ng lalaki sa Monastery na dati nilang pinasyalan.

"Ngayong wala na si Lola, Regine. Plano ko nang umalis dito sa Malaybalay."

Nagulat siya sa narinig sa nobyo. Malayo ang tanaw nito.

"Lahat ng kamag-anak ko ay galit sa akin. Ako ang sinisisi nila sa pagkamatay ni Lola. Kahit sarili ko, sarili ko din ang sinisisi."

"Error, sinabi ko na sa 'yo na wala kang kasalanan." Naiiyak na naman si Regine.

"Ngayong wala na si Lola, wala na rin akong lugar sa bayang ito," patuloy ng lalaki.

"Paano ako? Paano tayo? Ayokong mahiwalay sa 'yo?" ani Regine.

Humarap sa kanya si Error.

"Palagay mo ba ay iiwanan kita? Isasama kita, Regine. Hindi na rin ako papayag na maghiwalay pa tayo. Pero hindi ito ang lugar para sa atin."

Napalunok si Regine. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

"Nakahanda ka bang mabuhay na kasama ako?"

Hindi makasagot si Regine, nabigla talaga siya sa mga plano ni Error.

"Magsisikap ako para sa 'yo, Regine. Gagawin ko ang lahat para maging maayos ang buhay nating dalawa, sumama ka lamang sa akin."

Natatakot siya ngayon sa plano ni Error. Kaya nga ba niyang iwan ang mga magulang upang humarap sa isang buhay na walang katiyakan?

"Saan tayo pupunta?"

"Sa Cebu, sa Manila, sa kung saang lugar na puwede tayong magsimula bilang mag-asawa."

"Error, hindi ba tayo nagpapadalus-dalos para magpasya ka ng ganyan?"

"Ayaw mong sumama sa akin?"

"Hindi naman sa ganoon pero parang mahirap na sumubok tayo sa ibang lugar na ni wala tayong kakilala."

"Wala kang tiwala sa akin?"

"Error naman, ibinigay ko ang sarili ko sa 'yo, nagdududa ka pa ba sa tiwala ko sa 'yo?"

Hindi kaagad nakasagot si Error.

"Hindi ko na kayang tumigil pa sa lugar na ito, Regine. Isang araw ay aalis ako at gusto kong kasama ka."

"Error . . ."

"Sana ay maintindihan mo ako, Regine. Hindi kita pipilitin kung ayaw mo."

Matigas ang anyo ni Error. Sa tingin ni Regine ay hindi na niya mababali ang desisyon nito.

"S-Sige na, sasama na ako," napilitang sagot niya sa kasintahan.

Nagliwanag ang mukha ng nobyo. Mahigpit siyang niyakap nito.


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon