HINDI na niya nakita pang muli ang celfone. Hindi na rin niya nakita pang muli si Error. Nailabas nila sa ospital ang kanyang mama makalipas ang pitong araw subalit hindi nito maigalaw ang kalahati ng katawan.Naging mahirap ang mga sumunod na araw para kay Regine.
Umuwi din ang kanyang ate Maxene na dalawang buwan na palang nagdadalang-tao.
Mabilis na nagbago ang buhay nina Regine. Malaki ang naging gastos nila at malaking bahagi ng perang nakatago sa bangko ang naubos sa mga nagdaang araw.
Ang pinakamasakit pa, malaki pala ang utang ng papa niya sa papa ni Xavier dahil sa pagsasabong. Nasira ang pagkakaibigan ng dalawang lalaki at sumabay pa ang paniningil nito ng utang sa kanyang ama.
Sa kabuuan ay kinailangan nina Regine na magtipid. Hindi na sila katulad ng dati na may kakayahang bumili ng anumang naisin. Sa awa ng Diyos ay nakaraos sila at sila ni Valerie ay sabay na nakatapos sa pag-aaral.
Nakipagsapalaran sila sa Maynila kung saan natanggap sila sa magkahiwalay na trabaho. Naging Human Relations staff si Valerie samantalang siya ay nagtrabaho sa isang BPO company bilang non-voice agent.
The rest is history.
Hanggang sa mga sandaling ito ay magkasama pa rin sila ni Valerie.
And after eight years, hindi niya inaasahang magkikita silang muli ni Error.
Hawak niya ang tarheta na naglalaman ng numero ni Error Rebellon. Nagkukuli siya kung tatawagan ang lalaki. Bakit pa?
Subalit hindi siya makatiis. Idinayal niya sa celfone ang numero ni Error. Mabilis na nag-ring iyon.
"Hello!" sabi ng nasa kabilang linya.
Boses iyon ni Error, hindi siya magkakamali.
Ibinaba niya ang phone. Hindi niya matutuhan kung ano ang dapat sabihin.
Nag-ring ang kanyang celfone, nakarehistro ang numerong dinayal niya kanina. Ayaw niyang i-accept ang tawag. Bakit ba nagpa-panic siya?
Tumigil sa pagri-ring ang celfone subalit mayamaya ay dumating ang isang text message.
Why don't you answer the phone, Regine? ang sabi sa text.
Bakit alam ni Error na siya ang tumatawag kanina?
Muling nag-ring ang phone. Tumatawag na naman si Error.
Sinagot na iyon ni Regine. "Hello?"
"Hi, classmate!"
"E-Error . . ."
"I'm glad you called. Akala ko ay hindi mo na talaga ako gustong makausap pa."
"Gusto ko lang mangumusta," aniya.
"Wow, thank you! Okay naman ako, seriously I have always been good these past days. Ikaw? Kumusta ka naman, classmate?"
Alam ni Regine na namumula na naman siya. Bakit ba parang nasasaktan siya ngayong muling nakausap ang lalaki?
"Puwede bang Regine na lang ang itawag mo sa akin?"
"Hindi ka ba kumportable sa classmate?"
Hindi siya kumibo. Bakit nga ba tila dinadamdam niya na ganoon ang tawag sa kanya ng lalaki? O hinahanap niya ang lambing nito sa tuwing tinatawag siya sa pangalan niya noong sila pa ni Error?
"Alright, Regine then if you want. So kumusta ka na, Regine?"
"O-Okay din lang ako," aniya.
"Are you married or what?"
"Ha? H-Hindi pa. Wala pa akong asawa."
"Any plan of tying the knot with anyone soon?"
"W-Wala pa. Hindi ko alam, bahala na," nauutal na sagot niya sa lalaki. Kailangan pa ba talagang usisain ng lalaking ito ang bagay na sa totoo lamang ay iniiwasan niyang mapag-usapan.
"I-Ikaw, kailan ba talaga ang kasal mo?"
"Aattend ka ba kapag sinabi ko?"
Natameme na naman si Regine.
"We will see. Kung iimbitahan mo ako siguro."
"I will let you know kung kailan. This time, I hope makakarating ka para hindi ako aasa."
Napalunok si Regine. Ipinapaalaala ba sa kanya ni Error ang hindi niya pagsipot noong gabi na dapat ay magtatanan sila? Gusto niya yatang magpaliwanag sa lalaki subalit kailangan pa nga ba? Ikakasal na si Error isang araw at hindi na niya dapat pang guluhin ang isip ng lalaki.
"Baka puwede naman tayong magkita, just for the good old times' sake. What do you say?"
"Okay lang ba sa fiancée mo na magkita tayo?"
"Bakit naman hindi? Secured naman siya sa pagmamahal ko."
Parang punyal na itinarak sa kanyang puso ang huling sinabi ni Error.
Ngayon, tama pa ba na ilapit niyang muli ang sarili sa lalaking itinatangi hanggang sa mga oras na iyon kung pasakit lamang ang ihahatid nito sa kanya?
"I wish to see you soon, Regine."
Parang gayuma ang salitang iyon ni Error. Narinig niyang muli ang lambing nito sa pagtawag sa pangalan niya.
"Okay, gusto din kitang makita."
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...