NASA ospital na si Regine kung saan dinala ang Lola Ipang ni Error. Hindi pa malinaw sa kanya ang nangyari subalit walang nakapigil sa kanya na puntahan ang kinaroroonan ng nobyo.
Nakita niya sa labas ng morgue si Error at si Mateo. Hindi na umiiyak si Error subalit matigas ang anyo nito. May mga pasa sa mukha ang lalaki at may putok ang labi nito. May bahid din ng dugo ang suot na puting T-shirt nito.
Batid niyang may kinalaman ang ama sa hitsura ng nobyo.
Kumapit siya sa braso ni Error.
Nakita niyang muling pumatak ang luha nito.
"Wala na ang Lola, Regine."
Tumulo din ang luha sa mga mata ni Regine. Kahit hindi pa niya gaanong kakilala ang matanda ay malapit na rin ang loob niya dito.
Naalala tuloy niya ang pakiusap nito noon sa kanya. Huwag daw niyang iiwan si Error.
"Bakit si Lola pa? Siya na lang nag-iisang pamilya ko. Siya lang naman ang tumanggap at nagmahal sa pagkatao ko. Pero wala na siya, iniwan na niya ako."
Lalo lamang napaiyak si Regine. Ramdam niya ang bigat na dinadala ng nobyo.
"Naririto lang ako, hindi kita iiwanan, pangako 'yan," nasabi ni Regine at marahan niyang hinagod ang likuran ng nobyo.
"Kasalanan ba talaga na minahal kita, Regine? Gusto ko lang namang maging maligaya. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito? Wala ba akong karapatan na mahalin ang taong gusto ko?"
Hindi makasagot si Regine. Awang-awa siya sa kasintahan.
"Pinuntahan ako ng Papa mo sa tindahan ni Lola. Pinagbantaan niya ako na layuan ka pero hindi ako pumayag kaya mas nagalit siya at sinimulan na niya akong bugbugin. Hindi ako lumaban sa papa mo para ipakita sa kanya na handa akong tanggapin ang lahat ng sakit para lamang sa 'yo, Regine. Pero nang dumating si Lola ay nakita niya ang ginagawa sa akin ng Papa mo at inatake siya sa puso. Hindi na siya umabot na buhay dito sa ospital. Nawala si Lola nang dahil sa akin."
"Wala kang kasalanan sa nangyari, Error. Huwag kang magsasalita nang ganyan. Mahal kita at hindi kita iiwan."
Muling humagulhol ng iyak si Error. Niyakap niya ang lalaki. Sumubsob ang lalaki sa balikat niya. Mahigpit silang nagyakap.
Hindi alam ni Regine kung ano ang buhay na kakaharapin nila ni Error. Hindi niya nais ngayong isipin ang magiging implikasyon ng pagkawala ni Lola Ipang. Lalupa't may kinalaman dito ang kanyang ama.
Makalipas ang isang oras ay inilabas na sa ospital ang bangkay ni Lola Ipang. Dinala ito sa isang funeral parlor kung saan umarkila ng serbisyo si Mateo. Hindi niya iniwanan si Error. Magkasama silang umuwi sa bahay ng Lola nito kung saan ang ilang kamag-anak ni Error ay naroroon na. Maya-maya pa ay kasunod na nilang dumating ang labi ni Lola Ipang na nasa isang kulay puting kabaong.
Nanatili siya doon sa tabi ni Error. Tinawagan siya ng kanyang Mama ngunit nang magsabi siyang hindi pa siya uuwi ay hindi naman ito tumutol.
Dumating din si Valerie. Sa palagay ni Regine, pinasunod ng mama niya ang pinsan upang masamahan siya.
Hindi umalis sa tabi ng kabaong ni Lola Ipang si Error.
Nang mag-uumaga na ay nagpaalam muna sila ni Valerie.
Ipinangako niyang babalik siya kaagad subalit tumutol si Error.
"Babe, napagod ka na rin. Magpahinga ka na muna. Wala ka pang tulog simula kagabi," malambing na sabi sa kanya ni Error. Bago siya umalis ay niyakap pa siya ng nobyo.
Pagdating sa bahay ay nadatnan niya ang ama na nakaupo sa mesa sa dining area nila. Tahimik na nakatitig sa tasa ng kape ang kanyang papa. Ni hindi ito lumingon nang dumating siya.
Masama ang loob niya sa papa niya. Subalit hindi naman niya ito kayang sumbatan. Umakyat na lamang siya sa kanyang silid upang makapagpahinga.
Humiga siya ay saka lamang niya muling naramdaman ang matinding lungkot sa nangyari. Para siyang naiipit sa nag-uumpugang bato. Mahal niya si Error at mahal din niya ang kanyang papa. Ngayon ay parehong nahihirapan ang dalawang lalaki nang dahil sa kanya.
Bakit nga ba kailangan pang umabot sa ganito ang pag-iibigan nila ni Error?
Nakatulog siyang may luha sa mga mata.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Misteri / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...