TINULUNGAN pa siya ni Error sa pagtatanggal ng helmet nito sa kanyang ulo. Naroroon na silang muli sa parking lot ng unibersidad. Nagpalipas lamang sila ng kaunting oras matapos kumain at bumalik na muli sa school para sa susunod na klase.
Maraming ulit na nag-vibrate ang phone niya kanina. Tinatawagan siya nina Therese at Xavier, inaalam kung ano ang nangyari sa kanya. Ngunit pinili ni Regine na ilagay sa silent non-vibrating mode ang celfone.
Guilty siya sa ginawa sa dalawang kaklase subalit mas pinili niyang huwag masira ang masayang sandali na kasama si Error.
Magkasabay silang pumasok sa classroom kung saan naroroon na si Therese at ang ilang kaklase. Wala pa doon sina Xavier at ang barkada nito.
Naghiwalay na sila ni Error matapos magpalitan ng masayang ngiti. Doon siya dumiretso sa upuang katabi ng puwesto ni Therese.
Nagtatanong ang mga titig nito nang maupo siya.
"Ano'ng nangyari sa 'yo? Bigla ka na lamang nawala kanina. Hinahanap ka sa akin ni Xavier at ni wala akong ideya kung nasaan ka. Mukhang magkasama lang pala kayo ni Error nung nawawala ka." Nanunumbat ang tinig ni Therese.
"Sorry na, biglaan lang kasi."
"Biglaan, sige. Pero ni hindi ka man lang nagtext o sumagot sa tawag ko para sabihin kung nasaan ka."
"Sorry na talaga, bes," aniya sa kaibigan.
"Bestfriend mo pa ba ako? Ni wala akong ideya kung ano na ang nangyayari sa 'yo."
"Hala, bes. Grabe ka. Ngayon lang naman nangyari ito."
"Pangalawang beses na. Huwag mong kalimutan na last week e ang tagal mo ding nawala nung mag-CR ka. Sino ba ang kasama mo noon? Huwag mong sabihing si Error."
Natahimik si Regine.
"Sorry na nga," pang-aamo niya kay Therese.
"So, ano? Ano ang meron kayo ni Error?"
"W-wala," tanggi niya.
"Hindi nakikipagkaibigan si Error sa kahit kanino dito sa klase natin. Mukhang espesyal ka naman yata sa kanya."
Napalingon si Regine sa kinaroroonan ni Error. Mukhang abala naman itong nagbabasa ng libro.
"Huwag kang masyadong maingay, baka isipin ng iba na nag-aaway tayo," mahinahong sabi niya sa kaibigan.
"E ano nga ang meron sa inyo? Ilang beses ko kayong nahuhuling nagngingitian at huwag kang tatanggi. Ikaw lang yata ang nginingitian dito ni Error, e." Hininaan naman ni Therese ang boses nito.
Namulang lalo si Regine. "Dati na kasi kaming magkakilala ni Error. Pero matagal na 'yon, mga bata pa lang kami."
Napanganga si Therese. "Aw, talaga?"
Marahang tumango si Regine.
"Ganoon ba? Hindi mo naman kasi sinabi kaagad. Mukha kasing may something sa inyong dalawa."
Napalunok si Regine. Naalala niya ang obserbasyon ni Valerie sa kanila noon, katulad na katulad ng sinabi ni Therese.
"Type mo ba si Error?" usisa nito sa kanya.
"Hala, Therese, ano bang tanong 'yan?" Namula na naman siya nang di kawasa.
Noon pumasok ang tatlong kabarkada ni Xavier. Maiingay ang mga ito kaya natawag ang atensyon nila ni Therese. Nahuhuling pumasok ang pawisang si Xavier. Mukhang madilim ang mukha nito.
Nagkatitigan sila sumandali subalit hindi tulad ng dati na nagliliwanag ang mukha nito. Umiwas ng tingin si Xavier, seryosong-seryoso ang mukha nito. Kinapitan ng kaba si Regine. Bago sa kanya ang nakitang anyo ng manliligaw. Pabagsak pa itong naupo sa isang upuan doon.
Mukhang galit si Xavier.
Nagkatinginan sila ni Therese, umiiling-iling ito.
Nagtatalo ang loob ni Regine kung lalapitan si Xavier upang humingi ng pasensya at magpaliwanag. Subalit parang hindi niya alam ang dapat sabihin.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...