The Chase

295 25 19
                                    




BINISITA nila ni Valerie sa Bukidnon ang pamilya. Masaya si Regine na makitang maayos ang kalagayan ng kanyang mga magulang at pati na rin si Ate Maxene at ang poging anak nitong si Delvin na ngayon ay walong taon na.

Last year pa nung huli niyang makita ang pamilya.

"Wala pa ba kayong plano na mag-asawa?" usisa ng papa niya sa kanilang dalawa ni Valerie habang inaayos nila ang mga pinamili nilang pagkain sa mesa.

"Ako, Papa, malapit na. Ready na ako sa gastos sa kasal, nakaready na rin ang listahan ng mga abay, pati venue ay planado na rin. Lalaki na lang ang kulang," sagot ni Valerie sa tiyuhin.

Natawa silang lahat sa biro ni Valerie.

"Itong si Regine, mukhang magiging matandang dalaga, Papa," dagdag pa ni Valerie.

Natahimik silang lahat. Tila napahiya naman si Valerie sa sinabi.

"Wala namang masama kung tatanda akong dalaga, di ba? Hindi naman ako nag-iisa," aniyang bahagyang nakatawa.

Mas lalo yatang nalungkot ang mga magulang niya sa narinig.

Matapos silang kumain ay tumambay si Regine sa kanilang likod-bahay. May duyan doon na ginawa ng Papa niya para sa apong si Delvin. Sinubukan niyang umupo doon at idinuyan ang sarili.

"Anak, patawarin mo sana ako sa ginawa ko sa inyo ni Error."

Nagulat si Regine. Akala niya ay nag-iisa lamang siya doon sa likod-bahay. Sumunod pala ang kanyang ama.

"Masyado kitang hinigpitan noon at hinusgahan ko ang pagkatao ni Error. Sa tingin ko, pinarusahan ako ng Diyos kaya kung anu-anong kamalasan ang dumating sa buhay natin. Tapos ngayon, nakikita ko pang malungkot ang anak na bunso ko," seryosong sabi ng Papa niya.

"Pa, okay lang ako. Wala na sa akin 'yun. Matagal na 'yun. Hayaan na lang natin. Alam ko naman na gusto mo lamang ang makabubuti sa akin kaya mo nagawa 'yun."

"'Yun din ang akala ko noon. Pero hinadlangan ko ang kaligayahan mo. Sana ay mapatawad mo ako, anak."

Umalis siya sa duyan at lumapit sa ama.

"Pa, wala na akong sama ng loob sa 'yo. May dahilan kung bakit nangyari ang lahat. Ang totoo, Pa, kung kami talaga ni Error ang para sa isa't isa, kahit anong paghadlang ang ginawa n'yo, kami pa rin ang magkakatuluyan. Pero hindi kami ang nakatakda ni Error kaya huwag mo nang iisipin na ikaw ang may kasalanan."

Niyakap niya ang ama.

"Kung magkikita kaming muli ni Error, hihingin ko rin ang kapatawaran niya."

Nakatulong kahit paano ang pag-uusap nilang mag-ama upang mas gumaang ang pakiramdam niya.

Bago sila bumalik sa Maynila ay nakipagkita pa si Regine sa ilang kaklase kabilang na si Therese. Nakatuluyan nito si Bruce, isa sa mga kabarkada ni Xavier. May dalawang anak na si Therese. Si Xavier naman ay nasa abroad pa rin daw at uuwi sa susunod na taon upang pakasalan ang nobya nito.

Masaya si Regine para sa mga kaklase.

Subalit para siyang binalot ng lungkot habang nasa byahe na sila ni Valerie pabalik sa Manila. Balik sa ordinaryong buhay na naman siya. Magtatrabaho, magtatrabaho at magtatrabaho.

Nasa condo na sila nang mag-ring ang phone. Rumehistro ang numerong sa loob ng tatlong linggo ay hindi na nagparamdam sa kanya. Lumabas siya ng condominium. Ayaw niyang marinig ni Valerie ang magiging usapan nila.

"Hello," malamig na bati niya.

"Regine, I miss you."

Humugot ng malalim na hininga si Regine.

"Akala ko ba nagkasundo na tayo?"

"Bago ko iwan ang pagkabinata ko, I want to see you one last time."

"Ano ba'ng problema mo, Error? Hindi mo ba ako talaga titigilan?"

"Titigil lang ako kung sasabihin mo sa akin na hindi mo na ako mahal."

Hindi kaagad nakaimik si Regine.

"Error, please. Ikakasal ka na. Nicka doesn't deserve this. Hindi ko siya kilala pero babae din ako. Kapag nalaman niya itong ginagawa mo, it can kill her."

Tumahimik din ang nasa kabilang linya.

"I want to see you, Regine, please . . ."

"Error, you're starting to scare me."

"Hindi mo na ba ako mahal?"

"Error, walang kinalaman dito ang nararamdaman ko para sa 'yo. Get a move on. Patahimikin mo na rin ako. Lalo mo lamang akong sinasaktan," naiiyak na si Regine.

"Sabihin mo sa akin na hindi mo na ako mahal," sabi ng lalaki.

Humugot ng malalim na hininga si Regine. "Kung gagawin ko 'yan, mangangako ka bang titigilan mo na ako?"

"Kung hindi mo na ako mahal, pababayaan na kita."

Mariing pumikit si Regine. "Hindi na kita mahal, Error." Kasabay niyon ang pagtulo ng luha sa mga mata niya.

"I want to hear that from you in person, Regine. Sabihin mo sa aking hindi mo na ako mahal sa harap ko. Saka lamang ako maniniwala."

"Error!" Hindi siya makapaniwala sa katigasan ng lalaki.

Nagulat si Regine nang biglang may humablot sa kanyang celfone.

"Hoy, Error! Ginugulo mo na naman ba ang pinsan ko! Puwede ba, patahimikin mo na siya! Mag-aasawa ka na di ba? Aba't binabaan ako ng loko!" Nanggigigil si Valerie.

Hindi niya namalayan na sumunod pala sa kanya ang pinsan niya.

"Kailan ka pa pinepeste ng Error na 'yan?"

Umiiyak na tinalikuran niya si Valerie. Magulo na naman ang utak niya. Masyado siyang nagiging emosyonal pagdating kay Error.

Hindi siya nagkuwento kay Valerie. Walang alam ang pinsan niya na minsan na siyang nakipagkita kay Error. Siguradong tatalakan siya ng pinsan kapag nagkataon.


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon