The dispute

298 23 21
                                    



"NAGSUNTUKAN ang dalawang lalaki para sa 'yo, pinsan! Ibang level na talaga ang kagandahan mo!" Hindi makapaniwala si Valerie nang ikuwento niya ang nangyari sa pagitan nina Error at Xavier noong nakaraang gabi. Naikuwento na rin niya sa pinsan ang dalawang ulit na pagtatakas sa kanya ni Error.

Si Therese ang nag-usisa sa tatlong kabarkada ni Xavier. Nagkasundo daw ang dalawang lalaki na mag-sparring dahil parehong interesado kay Regine. Hindi naman nakigulo ang tatlong kabarkada bagamat naroroon ang mga ito. Hindi naikuwento ng tatlo kung ano ang kalagayan ni Xavier. Wala naman daw dapat ipag-alala. Pagkatapos daw ng suntukan ay nagkamay pa ang dalawa.

"Hindi siya nakakatuwa, pinsan. Nakaka-stress siya," malungkot na pahayag ni Regine.

"So ano naman kaya ang mangyayari pagkatapos nito? May magba-backout ba sa dalawa sa panliligaw sa 'yo?"

"Hindi pa naman ako nililigawan ni Error, e."

"Ipinapamukha na niya sa 'yo na gusto ka niya, panliligaw na 'yon."

"Gano'n ba 'yon?"

"Huwag ka na mag-deny. Nasanay ka lang na napakagentleman niyang si Xavier samantalang itong si Error ay mukhang dinadaan ka sa bilis."

"Grabe ka talaga, pinsan."

"Hay naku, ang suwerte mo naman. Pareho lang naman tayo ng size at lamang ka lamang ng kaunti sa ganda sa akin, bakit pinag-aawayan ka ng dalawang guwapong lalaki? Magbalato ka naman ng suwerte sa pag-ibig sa akin!"

Hindi natawa sa birong iyon si Regine. Kakabukas pa lamang ng pasukan ay nasisisra na ang konsentrasyon niya sa pag-aaral dahil sa dalawang lalaki.

Sabado ng hapon ay dumating si Xavier sa bahay nila. May bakas pa ng mga pasa sa mukha ng lalaki. Mukhang mas marami itong tama kaysa kay Error. May dalang malaking chocolate bar pa si Xavier. Favorite iyon ni Regine.

Naguguluhan man ay sinsero ang pag-aalala niya para sa manliligaw.

Naroroon sila sa malaking terasa ng kanilang bahay. Malaki ang tiwala ng pamilya nila kay Xavier subalit nagpaalam ang binata na doon na lamang daw sila sa dakong iyon. Dinalhan pa ito ng kanyang Mama ng juice at sandwich.

"Ano ba'ng nangyari diyan sa mukha mo? Hindi ako maniniwala kung sasabihin mong nakipag-away ka," sabi ng kanyang Mama nang mapuna ang mga pasa ni Xavier.

"Nagkatuwaan lang po. Baka po pupuwedeng maging boksingero," pabirong tugon ni Xavier.

"Hay naku, anak. Huwag mo nang ambisyuning maging boksingero. Sayang ang gandang lalaki mo."

Natawa si Xavier sa sinabi ng Mama niya. Sanay na si Regine na palagay ang loob ng dalawa sa isa't isa.

Iniwan na sila ng kanyang Mama.

Napag-gitnaan sila ng mahabang katahimikan. Kinuha ni Xavier ang sandwich at kinagatan iyon.

"Kailangan n'yo talagang magsuntukan?" maya-maya ay nasabi ni Regine.

Nakatitig sa kawalan si Xavier. Ngumunguya-nguya pa ito. Matapos lunukin ang natitirang sandawich sa bibig ay uminom muna ng juice.

"Ipaglalaban ko ang lahat ng bagay na mahalaga sa akin, Regine. Kasama ka na doon," seryosong tugon ni Xavier.

Mas bumigat tuloy ang nararamdaman ni Regine.

"Huwag kang mag-alala, usapang lalaki iyon. Hindi kami magkaaway ni Error, pero hindi rin kami magkaibigan. Gusto ka niyang pormahan pero wala akong karapatan na pagbawalan siya."

Naiintindihan na niya kung para saan ang pagbabasagan ng mukha ng dalawang lalaki. Masayang isipin na pinag-aagawan siya ng dalawang guwapong lalaki subalit kapag aktuwal na pala ay hindi rin niya magawang lubos na magsaya.

"Pakiusap ko lang sana, Regine, bago ka gumawa ng anumang desisyon, pag-isipan mo munang mabuti. Sigurado ako na mabuti ang intensyon ko sa 'yo. Hindi ko sisiraan ang karibal ko pero hindi mo pa siya gaanong kilala."

Hindi niya magawang kontrahin ang sinabi ni Xavier.

"Siyempre naman," sang-ayon niya sa lalaki. "Pero pakiusap lang, ayoko na dadating pa kayo sa punto na mag-aaway nang dahil sa akin. Hindi kasi siya okay, ako 'yung nakukonsensya."

"Pipilitin ko. Basta siguraduhin lang niya na wala siyang intensyon na saktan ka. Kung hindi, makikipag-away ulit ako para sa 'yo, Regine."

Malagkit ang titig sa kanya ni Xavier. Hindi niya natagalang makipagtitigan sa lalaki. Mas nakokonsensya siya dahil sa sinseridad nito na protektahan siya. Hindi siya manhid sa pagmamahal na iniuukol ng lalaki sa kanya mula pa noong manligaw ito. Naging napakabuting manliligaw nga ni Xavier sa kanya, maingat at maginoo.

Nang gabing iyon ay kasalo nila sa hapunan si Xavier. Hindi pumayag ang Mama at Papa niya na aalis ito na hindi kumakain.

"Xavier, sorry nga pala na hindi ako nagpaalam sa inyo nung isang araw. Kasalanan ko talaga 'yun," nahihiyang sabi niya sa lalaki nang ihatid niya ito sa may tarangkahan ng kanilang bahay. Pauwi na si Xavier.

"Kalimutan na natin 'yun. Hindi naman kita kayang tikisin. Ako ang nawawalan kapag hindi tayo nakakapag-usap. Pasensya na din na mas pinairal ko ang selos at init ng ulo."

Sa unang pagkakataon ay kinuha ni Xavier ang kamay niya at marahang pinisil-pisil.

***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon