NAKADAPA sa kanyang kama si Valerie. Usisera talaga itong pinsan niya. Eksakto naman na gusto niyang maglabas ng nararamdamang inis sa katawan. Simula nang bumalik sila ni Error sa school, may sumpong na si Regine. Iniwanan nga niya ang lalaki sa parking area at mabilis na naglakad pabalik sa classroom nila. Tinatawag siya ni Error pero kunyari ay hindi niya ito narinig.
Ikinuwento niya kay Valerie na sigurado na siyang si Error ang batang kapareha noong mga bata pa sila subalit hindi niya sinabi ang detalye ng naganap nitong hapon, kabilang na ang pagpunta nila sa simbahan.
"E bakit hindi mo sinabing ikaw 'yung ka-partner niya?"
"Bahala siyang mag-isip kung sino 'yun," sabi niya na nakanguso pa. Nakaupo siya muli sa harap ng kanyang desktop computer.
"Naiinis ka ba na hindi ka niya namukhaan? Height lang naman ang nagbago pero ang size parehas pa rin lang!" buska sa kanya ni Valerie.
"Nagsalita ang sexy, ha!" binulyawan niya ang pinsan. "Saka hindi ako naiinis."
"Ows, pinsan? 'Yung boses mo parang nanggigigil lang. Affected ka dahil ang first love mo ay hindi ka nakilala?"
"Wow ha! Tigilan mo ako, hindi ko siya first love!"
"Oo nga pala, dapat first and only love!"
Napipikon na naman si Regine. Panalo talaga sa asaran itong pinsan niya.
"Wala ka bang plano na sabihin sa kanya na ikaw 'yung batang binigyan niya ng first kiss?"
"Kailangan mo pa talagang kumpletuhin?" Naiinis siya na alam na alam din ni Valerie ang kuwento nila ni Error noong mga bata pa sila. Salamat talaga sa Ate Maxene niya!
"Sabihin mo na, turuan pa kita. Ganito: 'Uy, Error, ako 'yung batang kiniss mo noon. 'Yung enjoy na enjoy sa kiss mo, remember?'" Bumunghalit pa ng tawa si Valerie.
Hindi na nakatiis si Regine. Tumayo siya at pinameywangan si Valerie.
"Bumangon ka na nga, gusto ko muna mapag-isa."
"Affected talaga, oh!"
Hinawakan niya sa dalawang paa si Valerie. Napatili ito nang hatakin niya ang pinsan pababa ng kama.
"Grabe ka, pinsan! Mahuhulog ako!"
Tuluyang nahatak ni Regine ang kalahating katawan ni Valerie pababa ng kama. Tawa pa rin ito nang tawa habang tumatayo.
"Out! Out!" taboy pa ni Regine sa palatawang pinsan.
Natatawa na din naman si Regine. Paano naman ay inginunguso pa ni Valerie ang mga labi na tila naghihintay ng halik. "Kiss me, Error! Kiss me! Tsup! Tsup! Tsup! Tsup!"
Nang makalabas na si Valerie ay lihim na napapangiti pa rin si Regine. Minsan, mabuti rin pala na may pinsang kasing-kalog ni Valerie.
Sa mga sumunod na araw ay hindi na muna niya pinansin si Error. Kung minsan ay napapansin niya ang pagtatangka nito na lumapit sa kanya ngunit palagi namang dumarating sa eksena si Xavier.
Kapag bakante sila ay nawawala naman si Error.
Lunch time iyon at magkakasama sila nina Therese at Xavier patungo sa canteen. Nasa likuran naman nila ang tatlo pang kabarkadang lalaki ni Xavier. Medyo malayo ang building na pinanggalingan nila sa canteen. Nagkukuwentuhan sila habang naglalakad.
Nakasalubong nila ang isa sa mga dating guro na malapit kay Xavier. Malamya ang kilos ng lalaking guro na namumuti ang mukha sa inaplay nitong foundation. Noon ay palihim nilang tinutukso si Xavier dahil halatadong natitipuhan ito ng nasabing guro. Ang totoo ay si Xavier ang binigyan nito ng pinakamataas na grado sa kanilang klase.
"Kumusta na kayo?" bati ng guro sa kanila. Sir Sabino ang tawag dito ng mga estudyante.
"Okay lang po," sagot nila.
"Ituloy n'yo 'yung sipag na pinakita n'yo sa klase ko, ha," sabi pa ng dating guro.
"Yes, sir!" halos sabay-sabay na sagot nila.
"Oy, Xavier, may itatanong nga pala ako sa 'yo. Nagmamadali ba kayo?"
"Hindi naman po," magalang na sagot ni Xavier. "Magla-lunch lang po kami tapos may one and a half hour pa po bago ang next subject."
"Ah, okay, sandali lang naman 'to, hiramin ko lang sandali si Xavier." Hinawakan ni Mr. Sabino sa isang braso si Xavier at hinila palayo sa kanila.
Tumingin si Xavier sa kanya bilang pagpapaalam at tinanguan naman niya ito. Naiwan sila nina Therese at ng tatlong kabarkada ni Xavier. Hindi naman lumayo ang dalawa subalit hindi nila marinig ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Nasi-CR pa yata ako," bulong sa kanya ni Therese.
Inginuso niya ang pinakamalapit na CR sa kanilang kinaroroonan. Nagmamadali namang naglakad si Therese patungo doon.
Nagkukuwentuhan ang tatlong lalaki na kasama niya. Maingay na nagbibiruan. Hindi pa naman niya ka-close ang mga ito kahit kabarkada ito ni Xavier. Sinusulyapan ni Regine sina Xavier at Sir Sabino, parang seryoso ang dalawa na nag-uusap.
Sa di-kalayuan ay may bench na bakante . Nangangawit na si Regine sa pagtayo doon at paghihintay sa mga kasama. Hindi pa naman siya talagang nagugutom. Pero gusto na niyang makaupo.
Hindi na siya nagpaalam sa tatlong lalaki. Abot-tanaw naman ang kanyang pupuntahan mula sa tatlo, kay Xavier at kaagad din siyang makikita doon ni Therese.
Nakasimangot na umupo si Regine. Nakatanaw pa rin siya sa direksyon nina Xavier. Nag-iisip siya kung ano ang mahalagang pinag-uusapan ng guro at ng kanyang manliligaw. In fairness naman kay Mr. Sabino, wala naman itong masamang record sa kanilang eskuwelahan maliban sa tendency nitong paboran ang mga pinakamakikisig na lalaking estudyante. Naging mabait naman itong guro sa kanila at marami din siyang natutuhan sa pagtuturo nito.
"Regine!"
Napukaw ang kanyang atensyon sa pamilyar na boses na iyon.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Misterio / SuspensoWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...