Backer

273 21 20
                                    



TAHIMIK.

Iyon siguro ang tamang salita na makapaglalarawan sa pagbabagong naganap sa tatlong nilalang na pare-parehong may bigat na dinadala sa dibdib.

Dalawang tao na ang iniiwasan ni Regine. Madalas ay nahuhuli niyang nakamasid sa kanya ang dalawang lalaking kahit paano ay natutong rumespeto sa desisyon niya. Tanging si Therese ang madalas niyang kasama.

Si Xavier ay naging matamlay kahit pa kasama nito ang maiingay na kabarkada. Kahit sa klase nila, hindi na rin ganoon kaaktibo ang lalaki.

Hindi na rin niya nakikita ang nakapanghihinang ngiti ni Error. Nag-iisa lamang palagi ito. Minsan ay nadaanan nila ang lalaki na nakaupo sa ilalim ng isang puno at abala sa iginuguhit nito. Nang magtama ang kanilang mga mata ay kitang-kita niya ang kapanglawan sa anyo nito.

Sa bahay ay mas mabait naman sa kanya si Valerie, iniiwasan na nitong banggitin ang tungkol sa dalawang manliligaw niya.

"Hindi na naliligaw dito si Xavier," sabi ng kanyang papa isang gabing naghahapunan sila. Magkakasalo silang apat, ang kanyang Mama at Papa at si Valerie. Ang kanyang Ate Maxene ay sa Cebu nakapirme at nagtatrabaho doon bilang call-center agent.

Hindi siya kumibo.

"Naglasing daw sabi ni Pareng Jaime," dagdag pa ng kanyang papa. "Bakit mo binasted si Xavier?"

Hindi pa rin kumibo si Regine.

"Valerie, wala namang ginagawang kakaiba itong pinsan mo sa school?" baling ng papa niya sa kanyang pinsan.

Sinulyapan siya saglit ni Valerie. Kabado itong sumagot, "Wala po, Papa."

"Siguraduhin mo lamang at pareho kayong malilintikan kapag may nakarating sa akin," banta ng papa niya at saka tumayo. Iniwan silang tatlong babae.

Nakayuko lamang si Regine, naiinis na naman siya sa papa niya. Kinimkim niya ang nais sabihin upang ipagtanggol ang sarili. Naramdaman niyang pinisil ng mama niya ang kanyang kamay. Malungkot itong ngumiti sa kanya.

Kinabukasan ay hindi niya inaasahang makikita ang papa ni Xavier sa bahay nila. May dala itong mga pagkain, alak at pulutan.

Inilagay pa siya ng kanyang papa sa nakakaasiwang sitwasyon dahil siya ang inutusan nitong sumandaling humarap kay Mang Jaime.

"Kumusta na kayo ng anak ko?" sabi ni Mang Jaime sa kanya.

"Okay lang po," pagsisinungaling niya. Magkasama sila sa salas habang hinihintay niyang maisaayos ng papa niya sa kusina ang mga dinalang pagkain ni Mang Jaime.

"Ang anak kong 'yan ay talagang pihikan sa babae. Akala ko nga ay walang planong manligaw. Kinakabahan nga ako noon na baka iba ang gusto," pagbibiro pa nito.

Napilitang ngumiti si Regine.

"Nasabihan ka na ba ni Xavier na pinaiimbitahan ka ng mama niya ngayong Huwebes sa bahay? Birthday ng mama niya at personal na nirequest kay Xavier na sana daw ay makapunta ka."

"Po?" Hindi naman sila nagkakausap na ni Xavier nitong mga nakaraang araw.

"Hayaan mo, dadalo 'yang si Regine. Nakakahiya naman kay Mare ganyang personal na pala ang pag-iimbita, hindi ba, Regine?" Ang papa niya ay eksaktong pumapasok sa salas dala-dala ang mga pulutang nasa plato na. May dala rin itong dalawang baso.

Tinulungan niya ang ama na mailapag ang mga iyon sa lamesitang nasa gitna ng salas.

"Tito, sige po, maiiwan ko na po muna kayo. May tatapusin lamang po ako sa taas," paalam na niya nang pumuwesto na ang papa niya upang samahan si Mang Jaime.

"Sige, anak," ani Mang Jaime.

Umakyat sa kanyang silid si Regine at nagkulong doon hanggang muling katukin ng ama upang ipaalam na paalis na daw si Mang Jaime.             


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon