SORPRESA ang pagdating ni Error sa tahanan nila kinabukasan ng gabi. Kahapon ay si Xavier, ngayon naman ay si Error. May dala-dala pa nga itong food containers. Nagtatanong ang hitsura ng mga magulang niya kung sino ang lalaki. Iniwan nila si Error sa salas.
"Transferee po sa school, Ma, Pa. Pero dati na po siyang taga-dito sa atin, kakabalik lang po niya para dito na mag-aral," paliwanag niya sa mga magulang.
"Ano'ng pangalan niyan?" tanong ng kanyang ama. Tila hindi nito nagugustuhan na may bago siyang manliligaw.
"Error po, Error Rebellon," sagot niya.
"Rebellon?" ulit ng kanyang ama. Makahulugan itong tumingin sa kanyang ina.
"Siya po 'yung batang kapartner ko sa kasal nina Ate Liza," dagdag pa niya sa pag-asang makakatulong iyon.
"Diyan ka lang, ako muna ang haharap," sabi ng Papa niya.
Naiwan siyang nababahala sa gagawin ng ama. Subalit naisip niyang ganoon din naman ito noong unang umakyat ng ligaw sa kanya si Xavier. Aywan kung bakit mas kabado siya ngayon kumpara noong si Xavier ang hinarap ng Papa niya.
"Ano'ng pakay mo sa anak ko?"
Mula sa kusina ay naririnig nila ang boses ng ama.
"Mabuti po ang pakay ko kay Regine. Gusto ko po siya talaga."
"Kailan lang kayo nagkakilala pero gusto mo na ang anak ko?"
"Hindi ko po din maipaliwanag pero tama po kayo. Gusto ko po talaga si Regine at handa po akong patunayan ang katapatan ko sa inyo."
"Kaanu-ano mo si Carmencita Rebellon?"
Napatingin si Regine sa ina. Ngayon lamang niya narinig ang pangalang iyon.
Matagal bago nakasagot si Error.
"Mama ko po siya."
"Makakaalis ka na."
Nagimbal si Regine sa sinabi ng ama.
"Ma!" Humihingi siya ng suporta sa ina. Gusto niyang pumunta sa salas subalit pinigilan siya ng ina.
"Puwede ko po bang makausap kahit sandali si Regine?"
"Hindi mo ba ako narinig? Sinabi ko na makakaalis ka na."
Sandaling katahimikan ang nanaig sa pagitan ng dalawang lalaki.
"Pakibigay na lamang po ito kay Regine, padala po ni Lola."
"Hindi niya kailangan 'yan. Marami kaming pagkain dito."
Maiiyak na si Regine sa kusina. Hindi siya nakatiis, pumasok siya sa salas at nakitang nakatayo na si Error, nasa kamay nito ang plastic ng mga food container. Nakatayo din ang kanyang ama, galit ang anyo nito.
"Regine . . ." nausal ni Error nang magtama ang kanilang mga mata.
"Regine, umakyat ka sa kuwarto mo!" utos iyon ng kanyang ama.
"Pa!" tutol niya sa ama. Hindi niya maunawaan kung bakit ganoon ang naging pakikiharap nito kay Error.
Naramdaman niya ang kamay ng kanyang ina. Hinawakan siya nito sa braso.
"Regine, umakyat ka na muna sa kuwarto. Mamaya mo na kausapin ang Papa mo."
"Sige na, Regine," malungkot na pagsang-ayon ni Error.
Nagtama muli ang mga mata nila. Tumulo ang luha niya bago padabog na umakyat patungo sa kanyang kuwarto. Padabog din niyang isinara ang pinto.
Tumutulo pa rin ang luha niya habang nakatanaw sa bintana. Nakita niyang lumabas ng gate si Error. Kahit madilim na sa labas ay naramdaman niya ang bigat sa mukha nito.
Ilang katok ang pinalipas ni Regine bago pinagbuksan ang ama at ina niya. Kaagad niyang tinuyo ang luha at pinigil ang paghihikbi.
"Iniiyakan mo ang lalaking iyon?" sumbat sa kanya ng kanyang Papa.
"Kailangan n'yo po talagang bastusin si Error?" pangangatwiran niya.
"Hindi mo kilala ang lalaking iyon!"
"Bakit? Ano po ba ang alam n'yo tungkol sa kanya?"
"Regine!" sawata sa kanya ng ina.
"Kilala mo ba kung sino ang nanay niyan?"
Hindi makasagot si Regine. Wala pa naman talaga siyang alam tungkol kay Error.
"Anak siya ni Carmencita Rebellon! Kung hindi mo kilala, siya 'yung binansagang puta ng bayan dito sa Malaybalay! Kaya umalis ang nanay niyan dito ay dahil sa kahihiyan! At ang lalaking 'yan na gustong lumigaw sa 'yo, bastardo 'yan. Anak ng kung sinong amerikano!"
Mas nagimbal si Regine sa narinig. Ganoon ba kasaklap ang pinagmulan ni Error?
"At kung hindi pa 'yan sapat na dahilan para layuan mo ang lalaking 'yan, ang nanay niya ay nasipingan na ng Lolo mo. Dahil sa kalikutan ng nanay niyan, kamuntik nang maghiwalay ang Lola't Lolo mo! Nakakasira ng pamilya ang lahi ng mga 'yan!"
Mas nanlumo si Regine sa narinig. Bakit ganoon? Kailangan bang pagdusahan ni Error ang kamalian ng magulang?
"Hindi ka na puwedeng makipagkita sa lalaking iyan. Pinalaki namin kayong ayaw naming madadapuan ng langaw, mas marumi pa sa langaw ang dugo ng mga 'yan. Kapag nabalitaan kong nakikipagmabutihan ka sa lalaking iyan ay makikita mo. Patitigilin talaga kita sa pag-aaral."
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...