Reunited

341 24 24
                                    



"Noon ay parehas pa kayong walang muwang na naghahabulan sa simbahan."

Maang siyang nakatingin kay Error. All along ay alam pala nito na siya ang batang hinahanap.

"Lola, inunahan mo na talaga ako. Ako ang dapat magsasabi niyan kay Regine," sabi ni Error.

"Kows, at ano, dadramahan mo pa itong si Regine?" natatawang bira ni Lola Ipang sa apo. "Naku, Regine, iyang apo ko ay matindi ang tama sa 'yo mula pa noong mga bata kayo. Ako ang kasama niyan noon sa simbahan. Hindi ko na mapigilan, ang gusto ay palaging nasa tabi mo. Kaya nakakatuwa naman na muli kayong nagkita matapos ang mahabang panahon."

Namumula na sa pagkapahiya si Regine. Ni hindi na siya makatingin kay Error.

"Lola, kakain na muna kami ni Regine. Kailangan pa rin naming bumalik sa school pagkatapos," awat ni Error sa lola nito.

"O e sige, ako ay nauna na. Uuwi daw 'yang si Mateo maya-maya gawa ng asawa, ako lamang ang maiiwan dito. Regine, maiwan ko kayong dalawa sandali."

Mapakla ang ngiting itinugon ni Regine sa lola ni Error. Naiwanan silang dalawan ni Error. Pasaglit siyang napatingin sa mukha ng binata. Tila pigil ang ngiti nito sa labi at mas apologetic ang anyo nito.

"Nung dinala mo ako sa simbahan, alam mo na bang ako 'yung batang kapartner mo?" mahinang sumbat niya sa lalaki.

Nakangiting tumango si Error. Inirapan niya ito.

Nagulat si Regine nang muling kuhanin ni Error ang palad niya. "Sorry na."

Humugot ng malalim na hininga si Regine. "Kailan mo pa nalaman na ako 'yun?"

"Nung una tayong magkita sa school. Sigurado ako na ikaw 'yung batang 'yun."

"Paano?"

"Basta, alam kong ikaw 'yun."

Sumimangot na muli si Regine. Binawi niya ang kamay sa pagkakahawak nig lalaki. Nabibitin na naman siya sa sagot ni Error.

"Napapanaginipan ko palagi ang mukha ng batang kapartner ko noon. Kaya nung makita kita sa school, nagulat ako na malaki ang pagkakahawig mo sa batang nasa panaginip ko," maagap na paliwanag ni Error nang makita ang reaksyon niya.

Hindi makapaniwala si Regine sa narinig. Posible pala iyon, ang mapanaginipan ang mga nakaraan noong panahong wala pa silang pakialam sa mundo at sa buhay.

"Napapanaginipan mo rin ba 'yung nangyari nung mga bata pa tayo?"

"Ha? H-hindi," tanggi ni Regine. Totoo naman ang sinasabi niya, hindi niya kailanman napanaginipan ang batang Error.

"Sabagay, sabi mo nga, wala kang masayang alaala sa San Isidro Church," malungkot na pahayag ng binata.

"Wala akong sinabing ganyan!" maagap niyang pagtatama sa sinabi ni Error.

"Oo nga pala, meron pero sakto lang. Hindi masyadong mahalaga."

"Kapag sakto lang, hindi na kaagad mahalaga?" balik niya sa lalaki. Kung alam lamang nito, gusto niyang sabihin na iyon na yata ang pinakamahalagang koneksyon niya sa nasabing simbahan.

"Mahalaga din sa 'yo 'yung alaala nung mga bata pa tayo?" Tinitigan siya ni Error, may sumusungaw na pag-asa sa mga mata nito.

Naging mailap ang paningin ni Regine. "Oo naman, siyempre, mahalaga din 'yun."

Muling kinuha ni Error ang kamay ni Regine at masuyong pinisil iyon. Gusto na naman yatang manghina ni Regine. Ginagamit na naman ng binata ang kapangyarihan ng ngiti nito na hindi makapagtago ng matinding kasiyahan.

"So, tayo na?"

Gulantang si Regine sa narinig sa lalaki.


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon