KAHIT kay Valerie ay nagtapat na rin siya tungkol sa pagdadalang-tao. Nanggagalaiti pa ito sa una at galit na galit kay Error ngunit sa huli ay naging mahinahon na rin naman ito. Ayon pa kay Valerie, hindi na muli pang bumalik si Error doon sa condo nila. Mukhang nanawa ito sa pag-uusisa kay Valerie sa kinaroroonan niya.Naiisip ni Regine kung tuluyan na bang nagpakasal si Error kay Nicka. Wala naman siyang alam sa eksaktong petsa ng kasal ng dalawa. Ang alam niya, maaaring malapit na o di kaya ay kasal na nga marahil ang dalawa.
"Hayaan mo, baby, kahit si Mommy lang ang kasama mo, I will make sure na magiging maayos ang buhay mo," aniya habang hinihimas ang tiyan.
Nagpaplano din siyang umuwi sa Bukidnon sa susunod na linggo. Kagaya ng napag-usapan nila ng ate Carine, mas makabubuti na ipagtapat niya nang personal ang tungkol sa kalagayan.
Hindi naman naiinip si Regine. Malaking tulong talaga na naroroon siya kasama ang ate na napaka-positibo ng pananaw sa lahat ng bagay.
Tinawagan siya ni Valerie isang hapon. Ipa-cancel daw niya ang flight niya pabalik sa Bukidnon sa makalawa.
"Darating sina Mama at Papa, pati sina Ate Maxene at Delvin ay kasama," paliwanag nito.
"Biglaan naman yata." Parang kinabahan si Regine. Hindi alam ng mga magulang ang pagreresign niya sa trabaho at ang pagtatago sa bahay ng Ate Carine. Ang plano niya ay magtatapat siya sa mga ito pagkauwi sa Bukidnon.
"Hindi ko din nga alam kung bakit. Paano 'yan? Mukhang kailangan mong bumalik dito sa condo."
"Kailan ba sila darating?"
"Matagal pa . . . bukas daw ang lapag nila." Nakuha pang magbiro ni Valerie.
"Ano!"
"Kaya nga eh, kanina ko lamang nalaman. Kailangan mong bumalik pero puwede din naman na ako na lamang ang susundo sa kanila bukas sa airport."
"Uuwi ako mamaya," desisyon niya.
Matapos silang mag-usap ni Valerie ay sinabihan niya ang ate Carine. Naguluhan din ito sa biglaang pagdating ng pamilya.
"Ang mabuti pa, sasamahan kita bukas. Ibibilin ko kina Mommy ang tatlong bata. Dadalhin ko ang kotse para hindi tayo magbabyahe. Sabihan mo si Valerie na magkita na lamang tayong tatlo sa airport."
"Sige, Ate. Pero sa tingin mo, bakit kaya sila biglang luluwas sa Manila?"
"Hindi ko din alam. Subukan mong tawagan si Mama. Sila ang makakasagot sa tanong natin."
Ganoon nga ang ginawa ni Regine. Tinawagan niya ang Mama niya, hindi ito sumasagot pero paulit-ulit na nagri-ring ang phone. Ang Papa naman niya ang sumunod, hindi rin sumasagot. Ang Ate Maxene ang huli niyang kinontak, sumagot ito subalit choppy ang linya, hindi sila magkaintindihan.
Nagsend siya ng text message sa tatlo ngunit ni isa ay walang sumagot sa kanya.
Hala, ano ba ang nangyayari?
Hindi tuloy siya makatulog sa pag-aalala.
Ang sabi ni Valerie ay alas-nuwebe daw ang arrival ng apat. Nakarating sila ng ate niya sa airport terminal 3 ng alas-otso. Hinintay pa nila ng halos trenta minutos si Valerie.
Pagdating ng alas-nuwebe ay may tumatawag sa celfone ni Valerie. "Tumatawag na si Papa, baka nag-land na ang plane nila," masayang sabi ni Valerie bago sinagot ang celfone.
Nakita nilang kunut-noo si Valerie habang nakikipag-usap sa phone.
"Sumunod daw tayo. Pa-Batangas na daw sila," balita nito sa kanila.
"Ano!" sabay na bulalas nilang magkapatid.
"Paanong pa-Batangas na?" usisa pa niya.
"Alas-siyete daw pala 'yung lapag nila. Mali daw ang nasabi sa akin ni Papa," ani Valerie na halatang naguguluhan din sa nangyayari.
"Ano'ng gagawin nila sa Batangas?" takang tanong naman ni ate Carine.
"Ate, ano bang nangyayari?" aniya sa kapatid.
"Hindi ko din alam. Valerie, saan daw sa Batangas?" sabi ni ate Carine.
"Caleruega daw, di ko alam kung saan 'yun," sagot ng pinsan.
"Caleruega? Alam ko kung saan 'yun," sabi niya sa dalawa.
Mabilis silang nagpunta sa parking area at sumakay sa kotse. Binaybay nila ang kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Cavite mula Bacoor hanggang sa Tagaytay. Medyo natraffic lamang sila kaya tumagal ang byahe.
Tinatawagan ni Regine ang Mama niya upang alamin ang eksaktong kinaroroonan sa Caleruega. Sinabi nitong nasa open area lamang daw sa harap ng Transfiguration Chapel.
Matapos makapag-park si Ate Carine ay sabay-sabay nilang tinunton ang kinaroroonan ng pamilya.
Mukhang may event na magaganap sa dakong iyon. Maraming tao na paroo't parito. Pinagtitinginan sila ng mga ito. Hindi niya makita sa karamihan ang pamilya. May mga upuan na nakahanay sa magkabilang gilid. Nangakaupo na ang mga bisitang pawang nakabihis para sa nasabing okasyon. May dekorasyon ang aisle, iba't ibang kulay ng bulaklak. May puting carpet na nakalatag sa aisle, sa paligid ay nakakalat ang rose petals. Sa unahan ay may isang mesa na nababalot ng puting tela. May arko din sa unahan na punung-puno ng bulaklak.
Isang garden wedding ang magaganap.
At si Error ay naroroon sa unahan. Nakatitig sa kanya. Bagamat hindi ito nakabihis pangkasal ay tila naghihintay ito sa paglapit ng babaeng ihaharap sa altar.
Tumigil sila sa paglalakad nina Ate Carine at Valerie.
Hindi gumagalaw si Error ngunit hindi sila naghihiwalay ng paningin.
Naramdaman ni Regine na may humawak sa braso niya.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...