KUMAKAIN sila ng tanghalian ni Therese sa kantina. Hindi nila kasama si Xavier, nasa malayong mesa ang puwesto ng mga ito. Hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa kanya ni Xavier. Hindi pa rin nakakahanap ng tiyempo si Regine upang humingi ng pasensya dito.
Nakatanaw siya sa direksyon ng grupo ng manliligaw nang humarang ang isang katawan sa kanyang paningin. Nang mag-angat siya ng tingin ay muling nasilayan ang nakapanghihinang ngiting iyon. Si Error, may dalang tray ng pagkain.
"Puwede ba akong maki-share sa table?"
Napaawang ang bibig ni Regine, nilingon si Therese. Mailap ang tingin ng kaibigan, tila napapasimangot pa ito.
Tinanguan na lamang ni Regine si Error. Wala siyang nakikitang masama kung makakasama nila sa mesa si Error. Isa pa ay wala na namang ibang bakanteng mesa, marami pa ngang estudyante na naghihintay na magkaroon ng mga bakante.
Kumain silang tatlo na hindi nag-uusap. Manaka-naka ay nagsusulyapan sila ni Error, umiiwas na kaagad siya kapag nagtatama ang kanilang mga paningin.
"Regine, mauuna na ako sa 'yo. May bibilhin lang ako sa cooperative store," kapagkuwan ay paalam ni Therese. Ni hindi nito pinansin man lamang si Error.
"T-teka lang, Therese. Hintayin mo na ako." Naalarma siya sa biglang pagpapaalam ng kaibigan. Halos kakatapos pa lamang nitong kumain. "Bakit ka ba nagmamadali?"
"Sayang ang oras, e," malamig na tugon nito. "Sige na, magkita na lamang tayo sa room."
Tumayo na si Therese, kinuha ang gamit at mabilis na naglakad palayo. Naiwan sila ni Error na nagkakatinginan.
Tumayo na rin si Regine. "Error, pasensya ka na ha. Mauuna na ako sa 'yo. Sasamahan ko si Therese."
Nginitian siya ni Error. "Sige na," anito.
Bago pa siya nakalayo ay tumawag muli si Error. Nilingon niya ito.
"Puwede ba kitang ihatid pauwi mamaya?"
Napatanga si Regine. Hindi siya handa na dagdagan sa ngayon ang dinadalang problema. "Error, sa ibang araw na lang kung puwede," tugon niya. Nahuli pa ng kanyang paningin na nakamasid sa kanilang direksyon ang grupo ni Xavier.
Muling ngumiti si Error.
Tumalilis na si Regine upang sundan ang matalik na kaibigan.
Nang hapong iyon ay mag-isang umuwi si Regine. Matapos ang kanilang huling klase ay naunang lumabas ang grupo nina Xavier. Si Error man isa din sa mga naunang nawala. Hindi nagpaalam sa kanya ang dalawang lalaki.
Kinabukasan, nagulat si Regine nang makita ang hitsura ni Error. May putok sa labi nito at nangingitim ang kaliwang bahagi ng mata maging ang kanang pisngi. Mukhang nasangkot sa matinding away ang lalaki.
"Napaano ka?" Hindi niya napigilang usisain si Error nang magkaroon ng pagkakataon habang naglalakad sila patungo sa susunod na klase.
"Wala 'to. Nagkatuwaan lang," nakangiting sabi ni Error.
Pero bumangon ang matinding pag-aalala kay Regine. Dahil nang araw na iyon, naroroon ang tatlong kabarkada ni Xavier ngunit si Xavier ay hindi sumipot sa alinmang klase nila.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...