NAPASUBO nga yata si Regine nang mangakong tutulungan si Xavier sa pagrereview. Sa University naman nila gaganapin ang kumpetisyon. Kasabay iyon ng foundation anniversary ng eskuwelahan.
Na-assign din ang section nila para sa isang proyekto na bahagi ng school event. Sila ang magdi-desenyo ng venue para sa exhibit ng iba't ibang colleges ng University. Si Therese ang in-assign na siyang overall in-charge. Gusto daw ng baklang dekano nila na mala-fairy tale ang dating ng venue.
Kaya si Therese ay hindi na niya makausap nang maayos dahil stress na stress ito sa pag-iisip kung paano gagawin ang gusto ng dean. Ni hindi na rin ito makapagbukas ng pocketbook.
Mas madalas nga na magkasama sila ni Xavier sa mga sumunod na araw. Alam naman ni Therese na tinutulungan niya ang manliligaw kaya hindi na ito tumutol pa.
"Therese, sabay tayo mamaya kumain nina Xavier."
Nasa huling klase sila sa umaga bago ang lunch break. Hinihintay lamang nila ang kanilang guro na nagpaabiso na male-late lamang daw ng fifteen minutes.
"Try ko lang. Magpapatawag ako ng meeting mamaya bago magstart ang klase. Kailangan na maumpisahan ang paggawa ng mga props. Mag-aassign na ako ng mga tao. Kailangan lahat ay ma-involve. Usapan namin 'yan ni Dean." Medyo pormal ang tono ni Therese.
Nakukunsensya tuloy si Regine. "Kailangan mo ba ang tulong ko?"
"Sana, pero mukhang mas kailangan ka ni Xavier, kaya sige lang." May hinugot na folder si Therese. Binuksan ang laman niyon at hindi na muli pang nagsalita.
Bahagya niyang nasulyapan ang laman ng folder. Mukhang mga disenyo iyon na kinuha sa internet at ipinrint.
"Wow, ang ganda niyan!" Hindi napigilan ni Regine na purihin ang disenyong ngayon ay inilabas na ni Therese mula sa folder.
Tumango lamang si Therese. Saka tumayo at nilapitan ang isa nilang kaklase. Ipinakita ni Therese ang mga sample at mahinang nag-usap ang dalawa.
Nang dumating ang lunchtime ay mabilis na nawala si Therese matapos nitong mag-anunsyo na may meeting sila sa kinahapunan. Ni hindi ito nagpaalam sa kanya. Hinanap din nila ni Xavier sa canteen si Therese subalit wala din ito doon.
Sa library sila dumiretso ni Xavier matapos ang lunch. Doon ay nirereview niya ang binata gamit ang mga material na ipinahiram ni Mr. Sabino.
So far ay nagpapakitang-gilas si Xavier. Matalas pala talaga ang memorya nito.
"Hindi ka ba nagagalit sa akin?" anang lalaki habang naghahanap siya ng mas mahirap na maitatanong dito.
"Nagagalit? Bakit?" tanong niyang sa maliit na aklat pa rin nakatutok.
"Napilitan ka tuloy na sumama sa akin. Kahit kay Therese ay parang inagaw na rin kita."
"Huwag mong intindihin 'yon. Naiintindihan tayo ni Therese. Alam niya ang tungkol sa bagay na 'to. Okay, be ready ka na. Kailangan wala ka pa ring sablay sa next ten questions ko."
Muli na niyang binato ng mga tanong ang lalaki. Halos hindi kumukurap si Xavier na nakatitig kay Regine. Minsan pa ay pinahanga siya ni Xavier nang mabilis na sagutin ang lahat ng sampung tanong na ibinigay niya dito.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...