Covenant

240 28 26
                                    



SA PANGALAWANG pagkakataon ay nagkita sila ni Lola Ipang. Nagluto ngang muli ang matanda para sa kanila ni Error. Magkakasabay pa nga silang kumain.

"Kayo bang dalawa ay nagkakamabutihan na?" usisa ni Lola Ipang na ikinagulat ni Regine.

Naramdaman niya ang pag-akbay sa kanya si Error.

Alam ni Regine na nagblush siya.

"Wala namang masama. Kaya lamang ay unahin n'yo muna ang pag-aaral ha. Para hindi kayo matutulad sa akin na dahil ni hindi nakatuntong man lamang ng college ay napilitang mamasukan sa kung anu-anong trabaho."

"Sige, Lola. Mas gusto ko siyempre na makatapos para sa kinabukasan namin ni Regine," sabi ni Error.

"Panghahawakan ko 'yan, apo. Ako ay tumatanda na at siyempre ang kasiyahan ko na lamang ay ang makasiguro na magiging maayos ang buhay mo."

"Grabe si Lola, nagdadrama!" Tinudyo ni Error ang lola.

"Tama si Lola, Error," kampi ni Regine sa matanda.

"Regine, apo, alagaan mo itong si Error kapag wala na ako. Ngayon ko lamang nakita na naging napakasaya ng batang 'yan mula nang magbalik dito sa Bukidnon. Ni walang malapit na kaibigan. Natutuwa ako at tinanggap mo ang aking apo."

"Lola, puwede bang huwag kang magsasalita ng ganyan. Kinakabahan kasi ako kapag ganyan na ang naririnig ko. Pakiramdam ko ay gusto mo na yata akong iwan," reklamo ni Error sa lola.

"Oo nga naman, Lola. Huwag mo pong iiwan si Error. Mahal na mahal po niya kayo," ani Regine.

Natawa ang matanda.

"'Yang si Error, nung isang gabi na hindi natulog sa bahay, pinakaba niya akong talaga. Akala ko ay kung ano na ang nangyari. Nadatnan ko 'yung santo ko sa kuwarto na nasa isang tabi at basag, pagkatapos nung puntahan ko ang kuwarto niya ay wala pa si Error pero may bahid ng dugo ang kobre-kama. Naku, ang tindi ng kaba ko talaga! Mabuti na lamang at nag-iwan ng sulat sa mesa. Kung hindi ay baka inatake na ako sa puso."

Namula na naman si Regine. Batid niya kung saan nanggaling ang dugong binanggit ng matanda. Nagkatinginan di sila ni Error.

"Galit na galit sa akin si Lola dahil sa nabasag ko ang paboritong santo niya," sabi ni Error sa pagtatangkang baguhin ang usapan.

"Pamana pa sa akin 'yun ng Lola ko kaya hindi mo ako masisisi," sabi ni Lola. "Pero wala na naman akong magagawa, may mga bagay na kapag nawala na ay hindi mo na kaya pang ibalik. Hindi ako puwedeng magalit sa aking apo."

Matapos kumain ay hindi pa sila bumalik sa University. Sa Monastery of Transfiguration siya dinala ni Error. Walang gasinong tao sa lugar na iyon bagamat isa iyon sa kilalang tourist spot sa Malaybalay.

Naglakad-lakad sila doon ni Error.

"Bakit nga pala Error ang pangalan mo?" basag ni Regine sa katahimikan nilang dalawa.

Matagal na niya iyong naiisip, ngayon na ang pagkakataon upang higit niyang makilala ang lalaki.

"Ayaw mo ba?"

"Hindi sa ganoon. Actually, unique nga ang name mo. Pero weird yata na pangalanan ang isang tao na may dating na negatibo."

"Hindi naman talaga Error ang ipinangalan sa akin ni Mama. Nagkamali lang sa rehistro. Nung magkadiskubrehan, Error pala ang nakasulat at hindi Errol. Hindi na ipinabago ni Mama, masyado daw kasing mabusisi ang pag-aasikaso at malaking pera daw ang gagastusin kaya pinanindigan na lamang niya na Error ang pangalan ko."

"Wala kang plano na itama ang pangalan mo?"

"So ayaw mo talaga sa pangalan ko?"

"Ano ka ba? Siyempre gusto ko."

"Alin ang mas gusto mo? 'Yung pangalan ko ba o ako?" Nakangisi na naman si Error. Bakit ba parang napakapilyo ng lalaking ito?

Sumimangot na naman si Regine. Mabilis siyang naglakad at iniwan ang nobyo.

"Babe, naglalambing lang ako." Natatawang humabol sa kanya si Error.

""Yung Mama mo, galit ka ba sa kanya?" Naalala niyang hindi pa niya nakikita kahit sa larawan man lamang ang ina ng lalaki.

"Galit? Hindi, pero tampo, siguro. Hindi ko alam kung bakit parang ayaw sa akin ng Mama ko. Si Lola, gusto niyang magkalapit kami ni Mama kaya noong five years old pa lamang ako ay ipinakuha niya ako kay Mama. Sa tingin ni Lola ay mas makabubuti na kasama ko si Mama sa aking paglaki. Pero hindi naging madali ang lahat. Ang ending, bumalik din naman ako kay Lola. Mas mabuti na rin iyon kesa palagi na lamang ako nagiging issue sa pagitan ni Mama at ng stepfather ko."

"I hope makita ng mama mo kung gaano siya kasuwerte sa pagkakaroon ng isang anak na tulad mo." Nais niyang pagaanin ang nararamdaman ni Error.

"Masuwerte? Kabaliktaran yata noon ang tingin sa akin ni Mama. Siguro, kung papipiliin siya ay baka pinili niyang huwag na lang akong ipinanganak sa mundo."

"Pero pinili niyang ipanganak ka. Kaya huwag mo nang isipin iyon. Mahal ka din ng Mama mo, baka nahihirapan lamang siyang iparamdam sa iyo."

Hindi na kumibo si Error. Hindi niya batid kung nakumbinsi niya ito. Naglakad-lakad muli sila.

"Babe, hindi ka ba nag-aalala na mabuo 'yung ginawa natin?" maya-maya ay untag sa kanya ni Error.

"Puwede bang huwag na natin iyong pag-usapan?" Sa totoo lamang ay naiisip din iyon ni Regine, subalit pilit lamang niyang iwinawaksi sa isipan.

"Natatakot ka ba na magbunga 'yon?"

"Pag nagkataon, baka patayin ako ni Papa."

"Papakasalan kita kahit ngayon kung papayag ka."

Napalunok na lamang si Regine. Nakahanda na ba siyang maging isang Mrs. Rebellon?

"Error, puwede bang iba na lang muna ang ating pag-usapan?"

Mataman siyang tinitigan ni Error. Kapagkuwa'y tumangu-tango ito.

"Basta, Regine. Ikaw lamang ang babae para sa akin. Hindi na siguro ako iibig pa ng katulad ng nararamdaman ko para sa 'yo," seryosong sabi sa kanya ng nobyo. Dinampian siya nito ng halik sa noo.

Awtomatikong yumakap siya kay Error.Kung maaari lamang ay ayaw din niyang mawawalay pa dito.    


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon