The Wall

301 23 16
                                    




PINABABANTAYAN siya ng ama kay Valerie. Iyon ang inamin ni Valerie kay Regine nang sumunod na linggo. At kahit naman hindi siya bantayan ng kanit sino ay pinili niyang iwasan na muna si Error.

Masakit.

Matapos siyang kausapin ng ama ay iniyakan niya talaga ang mga nalaman. Hindi daw malinis ang pinagmulan ni Error at hindi masisikmura ng mga magulang niya na makipaglapit siya sa lalaki.

Masakit na masakit.

Gusto niyang kausapin si Error. Gusto niyang maawa sa panghuhusga sa pagkatao nito. Walang kalaban-laban si Error sa masamang tingin ng mga magulang niya.

Subalit ano ang magagawa niya? Hindi niya maaaring salungatin ang kagustuhan ng mga magulang. Natatakot siya lalo na sa kayang gawin ng ama.

"Regine!"

Tinatawag siya ni Error. Nag-iisa siyang naglalakad patungo sa kabilang building. Hindi niya kasama si Therese na lumiban sa klase dahil sa dysmenorrhea.

Sinabayan siya sa paglalakad ni Error.

"Galit ka ba sa akin dahil marumi ang pamilyang pinanggalingan ko?"

Nagulat siya sa sinabi ng lalaki. Sandali siyang sumulyap sa mukha nito.

Magkasabay pa rin silang lumakad.

"Umalis ang mama sa Bukidnon at ayaw na niyang bumalik dito dahil sa masamang reputasyon na meron siya lalo na sa mga taga-San Jose," kuwento ng lalaki.

"Kinuha niya ako at dinala sa Bohol at doon pinalaki kasama ang lalaking pinakasalan niya. Nagkaroon ako ng mga kapatid at pamilya pero ipinaramdam sa akin ng asawa ni Mama na isa akong malaking pagkakamali. Bagay na bagay lang sa pangalan ko, di ba? Walang araw na hindi niya ako pinag-iinitan. Kaya habang nag-aaral ay natuto akong humanap ng trabaho para nang sa gayon ay makaipon ako ng pera at makaalis sa poder ng tatay-tatayan ko."

Matamang nakikinig si Regine bagamat hindi siya nagpapakita ng anumang emosyon at ni hindi tumitingin sa gawi ni Error.

"Sunud-sunuran lamang si Mama sa tatay-tatayan ko. Ni hindi niya ako maipagtanggol. Kahit siya ay tinatamaan ng masasakit na salita. Ipinapaalaala sa kanya na malaki ang utang na loob namin dahil kahit paano ay iniahon niya sa maruming nakaraan si Mama.

"Gusto ko ng bagong simula kaya ako bumalik dito sa Bukidnon. Gusto kong patunayan sa mga tao dito na hindi kami masamang lahi. Na kaya naming magbago at bumangon."

Tumigil sa paglalakad si Error. Naiwan ito ni Regine.

"Gusto ko ding patunayan lalo na sa 'yo, Regine na hindi ako kasingsama ng iniisip ng mga tao dito. Gusto kita at malinis ang intensyon ko para sa 'yo. Gagawin ko ang lahat para maipakita pati sa pamilya mo na totoong mahal kita at wala akong ibang nais kundi ang kabutihan mo."

Huminto din si Regine sa paglalakad at saglit na nilingon si Error. Dahan-dahang lumapit si Error kay Regine.

"Pasensya ka na, Error. Wala akong pakialam sa klase ng pamilyang pinanggalingan mo. Hindi naman tayo ang namili sa mga magiging magulang natin. Wala kang kasalanan. Kaya lang, kailangan kong sundin ang mga magulang ko. Papatigilin nila ako sa pag-aaral kapag nalaman nilang nakikipagmabutihan ako sa 'yo. Sana, maintindihan mo."

Malungkot niyang iniwan ang lalaki. 

Sa mga sumunod na araw na mga araw pa ay naroon ang mga pagtatangka ni Error na lumapit sa kanya. Subalit pinanindigan ni Regine ang nauna niyang binitawan sa lalaki.

Ramdam ni Regine na pareho silang nahihirapan. Subalit ano ba ang magagawa niya?


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon