TUMIGIL ang motorsiklo sa harapan ng San Isidro Cathedral. Hindi naman bagong tanawin iyon kay Regine. May mga araw ng linggo na dito sila nagsisimba ni Valerie. Hindi relihiyoso ang pamilya nina Regine, bihirang pumasok sa loob ng simbahan ang Mama at Papa nila.
Tinanggal niya ang helmet at iniabot kay Error.
Pagkatapos ay muli siyang inakay ni Error papasok sa simbahan. Kung alam kaya ni Error na hindi ito ginagawa ni Xavier sa kanya ay magkakaroon na ito ng reserbasyon na hawakan pang muli ang kamay niya?
Nakasunod pa rin si Regine kay Error. Dire-diretso sila sa loob. May iilang tao na naroroon, nangakaluhod sa upuan at taimtim na nagdarasal. May dalawa pang babae na nasa harapan ng imahe ng santo at doon ay parehong nakayukong nananalangin.
Binitawan siya ni Error nang makarating sa ikatlong hanay ng upuan mula sa unahan.
Pumasok si Regine, pinili ang puwesto na nasa dulo mula sa aisle, sandaling naupo at nag-antanda ng kurus bago lumuhod at nanalangin. Sumunod naman sa kanya si Error, lumuhod ito sa bandang gitna ng upuan, isang dipa ang distansya mula kay Regine.
Ang totoo ay nahihirapang humabi ng magandang panalangin sa isipan si Regine. Napapaisip siya kung ano ang ginagawa nila dito ni Error. Humihingi tuloy siya ng paumanhin na hindi yata sinsero ang kanyang sinasabi sa Diyos sa mga oras na iyon maliban sa kahilingang tulungan siya ni Lord na maintindihan ang sitwasyon.
Nang magmulat at bumalik sa pagkakaupo ay napansin niyang nakaupo na rin si Error. Nakatingin ito sa bandang gitna ng simbahan, sa bandang ibaba ng altar. Tila malalim ang iniisip ni Error ngunit hindi maitago ang ngiti sa mga labi nito.
"Ilang taon na ang nakalilipas, may naganap na kasalan dito. Kuwento ni Lola, five years old pa lamang ako ay may batang babaeng hinahabol-habol ko na daw dito. Ako 'yung ring-bearer at 'yung batang babae ang flower girl. Sabi din ni Lola, nagkasundo daw kami kaagad nung flower girl," lahad ni Error na hindi tumitingin sa gawi ni Regine.
Kumpirmasyon iyon para kay Regine na si Error nga ang batang kasama niya sa wedding picture.
"Nung magbalik ako dito sa Bukidnon, dito ako kaagad nagpunta sa simbahan. Iyon lang kasi ang pinakamasayang naaalala ko sa pagtira dito noon. At kung makikita ko siguro 'yung batang babae na kapartner ko noon, hahabul-habulin ko ulit siya." Makahulugang lumingon si Error sa kanya.
Namula na naman yata ang pisngi ni Regine.
"Puwede mo ba akong tulungang hanapin ang batang babaeng iyon, Regine?"
Napalunok si Regine. Mukhang mali yata siya ng hinala na alam ni Error na siya ang batang babaeng hinahanap nito.
"S-sige, pero paano? May idea ka ba kung ano ang pangalan niya?"
Umiling si Error. "Ang alam ko lamang ay ilang beses ko daw siyang hinalikan. Itinatanong ko kay Lola pero hindi daw niya maalala."
Parang nadismaya pa si Regine sa narinig. "Mahirap yatang hanapin ang taong walang pangalan."
"Tama ka, pero hindi naman ako susuko."
"Mukhang gusto mo siya talaga?"
"Yap, sa tingin ko ay siya lamang ang babaeng gusto ko."
"Paano kung hindi mo na siya makita?"
Hindi kaagad sumagot si Error. Muling lumipat ang paningin nito sa bandang ibaba ng altar. Kapagkuwa'y sumagot: "Nararamdaman ko na malapit lamang siya. Imposibleng hindi kami magkikita."
Hindi mapakali si Regine. Mukhang may hinahanap pa yatang iba itong si Error. Pangit naman kung sasabihin niyang siya ang batang gusto daw ulit nitong habulin. E di para na rin niyang ibinoluntaryo ang sarili at magmumukha pa siyang interesado dito.
"Ikaw, Regine? Wala ka bang masayang alaala sa loob ng simbahang ito?"
"Ha? Ano, meron din? Pero sakto lang," kaila ni Regine.
"Gusto mo i-share?"
Naramdaman ni Regine na nagba-vibrate ang celfone sa bulsa ng palda. Dinukot niya iyon. "Error, si Therese, hinahanap na niya ako. Kailangan na nating bumalik."
Tumayo na siya at akmang hahakbang para umalis. Tumayo din si Error at iniaabot nitong muli ang kamay sa kanya.
Natitigilan siyang naglipat-tingin sa mukha ng lalaki at sa nakalahad na palad nito.
Nag-o-offer ba ang lalaki na magkahawak-kamay silang muli na lalabas ng simbahan? Ano ba itong ginagawa ni Error? Ganoon ba ang mga lalaki sa Bohol?
"Mauna ka nang lumabas," aniya sa lalaki, hindi niya inabot ang palad nito. Bakit ba parang naiinis siya ngayon kay Error?
Sumunod naman ang lalaki. Mas mabilis ang hakbang ni Regine habang naglalakad, si Error ay napapahabol sa kanya.
Nang sumakay sa motorsiklo nito ay pinili niyang kumapit na lamang sa balikat ng lalaki. Ayaw niyang yumakap dito.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Misteri / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...