Compromised

269 20 19
                                    



PAMPAMILYA ang selebrasyon ng kaarawan ni Aling Lilia. Iyon ang narealize ni Regine. Siya lamang naman pala ang bisita na hindi kabilang sa nuclear family nina Xavier. Naroroon ang limang kapatid ni Xavier, ang Kuya Jasper at Ate Pauleen nito at ang tatlong mas bata kay Xavier.

Mainit na mainit ang naging pagsalubong ng mga ito sa kanya.

"Hello po, Ate Regine!" sabi ng mga nakababatang kapatid ni Xavier, dalawang lalaki at ang bunsong babae.

"Hello," matamis at sinsero naman ang iginanti niyang bati at ngiti sa mga bata.

"Heto na ang aking mamanugangin!" tudyo sa kanila ni Aling Lilia nang sila ay dumating.

"Ma!" saway ni Xavier sa ina.

"Happy birthday po," bati niya sa ginang. Niyakap pa siya nito at hinalikan sa pisngi.

"Maraming salamat, Regine. Talaga naman palang napakaganda mo," papuri nito sa kanya.

"Thank you po," nahihiyang sabi niya kay Aling Lilia. May iniabot siyang maliit na kahon ng regalo. Binigyan siya ng kanyang mama ng pera para ibili ng pupuwedeng maireregalo sa mama ni Xavier.

"Naku, nag-abala pa talaga ang manugang ko!" maingay na pagbabalita pa ni Aling Lilia.

Hindi na makatingin sa kanya nang diretso si Xavier. Hiyang-hiya ito sa kanya.

Kahit pa nang magsalu-salo sila sa hapunan ay naging tampulan sila ng tuksuhan.

"Kailan mo ba sasagutin ang binata namin, Regine?" ani Ate Pauleen.

"Xavier, alam na ba ni Regine na kaya ka pumayag na sumali sa quiz bee competition bilang representative ng university ay dahil kay Regine?" Si Kuya Jasper naman iyon.

Nagkatinginan sila minsan pa ni Xavier. Hindi pa niya alam ang tungkol doon.

"Personally handpicked lang ako ni Sir Sabino. Hindi naman ako talaga ang dapat doon," paliwanag ng lalaki.

Kung hindi nagkakamali si Regine ay iyon marahil ang pinag-usapan ng dalawa noong harangin sila sa daan ng nasabing guro.

"Gusto ko sanang sorpresahin si Regine, kaya lang, ang galing mo Kuya," nadidismayang dagdag pa ng binata.

"Aw, sorry na utol! Hindi ko alam na ganoon pala ang plano mo."

Napunta ang pag-aasaran kay Jasper dahil sa pagkakamali nito.

Subalit sila ni Xavier, nagkakasulyapan sila na may pagkakailangan pa rin.

Natapos ang hapunan at nagpaalam na si Regine sa pamilya. Ipinagbalot ng pagkain ni Aling Lilia si Regine bilang pasalubong sa pamilya. Inihatid naman siya ni Xavier pauwi angkas sa motorsiklo nito.

"Regine, pasensya ka na sa family ko. Gustung-gusto ka lang kasi nila talaga para sa akin," sabi ni Xavier nang makababa na siya sa motorsiklo sa tapat ng bahay nila.

"Okay lang, walang kaso," aniya.

"Regine, 'yung sinabi ni Kuya, totoo 'yun. Pumayag lang ako na magrepresent ng school sa upcoming inter-university quiz bee dahil sa 'yo. Kahit na sa totoo lang, hindi naman ako ang pinakamagaling sa school, pumayag na rin ako."

"Kaya mo 'yun!"

"Hindi ko alam. Medyo hindi ako maka-concentrate nitong huli eh. In two weeks na 'yung event."

Hindi makapagsalita si Regine. Ano ba ang dapat niyang sabihin?

"Regine, baka puwede mo naman akong tulungang magreview? Kapag may free time ka baka puwede mo akong samahan . . . kahit bilang kaibigan?"

Hala, paano ba siya tatanggi kay Xavier? Pakiramdam niya ay inilagay nito ang magiging kapalaran ng pagsali nito sa malaking kumpetisyon sa kanyang mga kamay.

"O-okay. Tutulungan kita."


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon