MALAKAS makaramdam ang kanyang Ate Carine. Alam nito na may pinagdadaanan siya ngunit nirespeto nito ang desisyon niya na huwag na munang magkuwento. Walang masyadong alam ang ate niya sa kuwento nila noon ni Error dahil matapos mag-asawa ay sa Pampanga na ang mga ito nanirahan. Nasa abroad ang asawa ng kanyang ate at naging fulltime mother ito sa tatlong anak na pawang mga babae. Maayos ang buhay ng kanyang ate dahil maganda ang trabaho ng asawa nito sa US.
Ikinatuwa naman ng kanyang ate ang pagdating niya. Maging ang tatlong pamangkin ay mainit ang naging pagtanggap sa kanya.
Sa mga sumunod na araw ay inabala niya ang sarili sa pagtulong sa mga gawaing bahay gaya ng pagluluto at paglalaba. Hindi naman siya bago sa mga gawaing iyon. Sila ni Valerie ay lumaking marunong sa gawaing bahay.
Sa gabi ay tinutulungan niya ang mga pamangkin sa mga assignments ng mga ito.
Si Valerie ay hindi nakakalimot na tumawag o magtext sa kanya.
"Nagkita kami ni Error kanina. Hinahanap ka pa rin ng mokong. In fairness ha, nag-level up pa pala lalo ang kaguwapuhan niya," bida nito sa kanya.
"Hindi mo naman siya tinulungan, hindi ba?"
"Pinsan, mas loyal ako sa 'yo. Siyempre, bahala 'yung guwapong mokong na 'yun. Pero kawawa siya ha."
Mukhang maaasahan naman talaga niya ang pinsan. Lumipas pa ang mahigit dalawang linggo ay walang Error Rebellon na gumugulo sa kanya.
Subalit isang Rebellon yata ang nakatakdang magpabago muli sa takbo ng buhay niya. Bukod sa di siya dinatnan ng buwanang dalaw, nagising siyang medyo nahihilo at nasusuka. Nang bumuti ang kanyang pakiramdam ay bumili siya sa isang drugstore ng pregnancy test kit. Parang tumigil ang mundo niya nang magpositive ang resulta sa test stick.
Inulit niyang muli ang pagte-test at magkatulad pa rin ang resulta. Upang makatiyak ay nagpatingin pa siya sa isang malapit na clinic kung saan duktor na ang nagkumpirma.
Nalintikan na, napuruhan siya ngayon ni Error!
Matutulad siya sa kanyang Ate Maxene na dalagang ina, disgrasyada!
Naalala niyang na-stroke ang mama nila matapos nitong malaman na nadisgrasya ang kanyang kapatid.
"Ate, buntis ako." Naging matapat siya sa kanyang ate Carine.
Umupo sa kanyang tabi ang kapatid. Tulog na noon ang kanyang mga pamangkin.
"Gusto mo ba ang batang 'yan?"
Kakaiba ang panganay nilang kapatid, parang napaka-relax lamang nito. Parang napakasimpleng bagay lamang ang kanilang pinag-uusapan.
Tumango siya.
"Gusto ko siya, Ate. Sa tingin ko ay siya ang kukumpleto ng buhay ko. Pero natatakot ako na malaman nina Mama at Papa ang nangyari sa akin."
"Nasa paraan naman 'yan ng pagsasabi. Siguro, mas maganda kung uuwi ka na muna sa atin tapos ipakita mo sa kanila na masaya ka sa sitwasyon mo ngayon. Makikita mo, hindi magiging mahirap sa kanila ang pagtanggap."
Pinalakas ng ate ang loob niya.
"Ang ama ng bata, hindi ba niya ito dapat malaman?"
Sandaling natahimik si Regine. "Kumplikado, ate. Makakasira ako ng buhay kapag ipinaalam ko pa sa kanya."
"Naiintindihan ko. Hayaan mo, suportado kita. Pamangkin ko 'yan kaya mahal ko na din ang batang dinadala mo."
"Salamat, Ate!" Gustong maluha ni Regine sa pasasalamat sa kapatid. Para siyang nabuhayan ng loob at nagkaroon ng pananabik sa bagong buhay na nasa sinapupunan.
Isa pa, mahal niya ang pinagmulan ng ipinagbubuntis ngayon. Kung hindi man sila ni Error ang magkakatuluyan, kahit paano ay hindi pala siya mawawalan ng koneksyon sa lalaki.
Magiging ina siya ng anak ni Error Rebellon. Bigla siyang nakadama ng kakaibang kasiyahan.
***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
Always Be My First
Mystery / ThrillerWalong taon nang huli silang magkita. At nang magkrus muli ang kanilang landas ay ikakasal na si Error Rebellon. Si Error na sa pangalan pa lamang ay isa ng malaking pagkakamali. Si Error na ang pinagmulan ay hindi matatanggap ng kanyang angkan. Si...