Taken

339 24 23
                                    


"Error!"

Nakita niyang nakangiti na naman ang lalaki na ilang hakbang lamang ang distansya sa kanya. Naglakad ito hanggang nasa harapan na niya ito. Inilahad nito ang palad sa kanya. "Tara!"

Nagimbal na naman siya sa kilos ni Error.

"S-saan?"

"Hindi ba tutulungan mo akong hanapin 'yung batang ikinuwento ko sa 'yo?"

"Oo, pero–"

Hinawakan na siya ni Error sa kamay. "Tara!"

Napatingin siya sa direksyon ni Xavier. Nakatalikod ang lalaki sa kanila. Kasunod noon ay sinulyapan niya ang tatlong kabarkada nito. Nagkukuwentuhan pa rin ang mga lalaki. Si Therese ay hindi pa rin lumalabas sa restroom.

Mahigpit ang kapit sa kanya ni Error. Subalit hindi siya kumikilos para tumayo.

"Please, Regine . . ." Nakikiusap ang mga mata ng lalaki.

Napatitig siya sa mga mata nito. Kahit naiinis siya nang kaunti sa lalaki ay parang malulusaw ang puso niya sa titig ni Error. Minsan pa ay sinulyapan niya ang kinaroroonan ni Xavier.

"Okay, pero hindi ako puwedeng magtagal na mawala ha," aniya sabay tayo. "Puwede mo nang bitiwan ang kamay ko."

Subalit para siyang hindi narinig ni Error. Hawak-kamay siya nitong iginiya palayo sa lugar na iyon. Kabado pa si Regine na mapansin sila ni Xavier o ng tatlong kabarkada nito kaya nakailang sulyap pa siya sa mga ito. Pati na rin si Therese ay hinahanap ng kanyang paningin.

Nakalayo yata silang walang nakakapansin sa mga kasama. Minsan pa ay dinala siya ni Error sa parking lot ng eskuwelahan, pinagsuot siya ng helmet at iniangkas sa motorsiklo nito.

Naiisip ni Regine, bakit ba hindi siya makahindi sa lalaking ito na ang tanging koneksyon niya ay ang pagiging kapareha noong sila ay mga walang muwang pa.

Nabanggit din ni Error ang tungkol sa paghahanap nila sa kapartner nito. Hindi na naman siya makapagtanong dahil apurahan siyang isinama ng lalaki.

Hindi naman naglaon at nakarating sila sa isang katamtamang laking sari-sari store sa may poblacion. Nakadisplay sa harapan ng tindahan ang mga panindang bigas na iba't iba ang klase. Sa isang banda ay may mga itlog, maliliit at malalaki. Samut-sari din ang nakabiting paninda. Magkakatabi ang mga tindahan doon na malapit sa pamilihang-bayan.

Ipinark ni Error ang motorsiklo sa isang gilid ng sari-sari store. Binati si Error ng isang may kaitimang lalaki na lumabas ng tindahan. May kostumer na nagtatanong tungkol sa bigas at ang lalaking maitim ang humarap dito.

Inakay siya ni Error hanggang makapasok sa loob ng tindahan. Napansin ni Regine na mahaba pala ang loob ng tindahan. Sa pinakadulo ay may maliit na espasyo. May mesa at dalawang monobloc chairs doon. May mga baunan ng pagkain na nasa ibabaw ng mesa.

Sinalubong sila ng isang may-edad ng ginang. Mapuputi na rin ang buhok nito.

Binitawan na siya ni Error. Nagmano ito sa matanda.

"Lola, si Regine po," pakilala ni Error sa kanya.

"Magandang tanghali po," bati niya sa matanda. Pamilyar naman sa kanya ito. Nakikita niya ang matanda sa kanilang lugar paminsan-minsan. Taga-San Jose din naman kasi sina Error. Subalit hindi niya kilala ng personal ang mga ito,

"Regine, ang lola Ipang ko, the best lola in town," nakangiting sabi pa ni Error.

"Tigilan mo nga ako, Error," natatawang sabi ng matanda. Lumapit ito kay Regine at pinagmasdan siya. "Tingnan mo nga naman ang panahon. Dati ay mga maliliit na bata pa lamang kayo, ngayon, hayan na, mga binata't dalaga na."

"Malamang, Lola, hindi naman puwedeng manatili kaming bata," papilosopong sabi ni Error.

Hindi niya alam na may kakayahan palang magbiro ang lalaki. Kapag kasama nila ito sa school ay napakaseryoso ni Error.

"Sabi ni Error kagabi, ipapakilala daw niya sa akin 'yung batang kapartner niya noon sa simbahan. Dadalhin daw niya dito sa tindahan. Naku, pinilit akong magluto at dagdagan ko daw kasi ay dito ka daw niya papakainin. Natutuwa ako sa apo kong ito, hindi ka pa rin nakakalimutan," sabi ng matanda.


***Please feel free to comment and vote if you like the story. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

Always Be My FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon